backup og meta

Epekto ng Sobrang Timbang sa Musculoskeletal Disorders

Epekto ng Sobrang Timbang sa Musculoskeletal Disorders

Ang obesity o sobrang katabaan ay isang sakit na nakakaapekto sa milyon-milyong mga tao sa buong mundo. Sa katunayan, tinawag na epidemya ng World Health Organization (WHO) ang obesity o sobrang katabaan. Bagaman madalas na iniuugnay ang sobrang katabaan sa mga cardiovascular disorders, ang epekto ng sobrang katabaan sa musculoskeletal system ay hindi dapat ipagsawalang-bahala.

Sa karaniwan, ang mga taong may sobra ang bigat o timbang na mayroon ding musculoskeletal disorders ay nahihirapang mag-ehersisyo para magpapayat. Nangangahulugan ito na ang mga nakasanayan gawi para sa pagpapayat ay maaring hindi umepekto o ligtas para sa kanilang pisikal na kondisyon.

Sa pamamagitan ng pag-unawa sa koneksyon sa pagitan ng sobrang katabaan at musculoskeletal disorders, mas ligtas at epektibong paraan ng panggagamot ang pwedeng magawa para matulungan ang mga taong may sobrang katabaan.

Ano ang Obesity o Sobrang Katabaan?

epekto ng sobrang katabaan

Umpisahan natin sa pagbibigay-kahulugan sa sobrang katabaan o obesity. Ang sobrang katabaan o obesity ay pinapakahulugan sa pagkakaroon ng BMI o body mass na mas mataas o katumbas ng 30.

Mako-compute mo ang iyong BMI sa pamamagitan ng pagdi-divide ng iyong timbang na nasa kilos sa iyong taas na nasa meters, squared— kg/m². Maaari ding sa pamamagitan ng pagdi-divide ng iyong timbang na nasa pounds sa iyong taas na nasa inches, squared at pagmu-multiply ng sagot sa 703—(lbs/in²)*703. Maaari mo ring gamitin ang aming BMI calculator.

[embed-health-tool-bmi]

I-multiply mo ang iyong timbang na nasa pounds sa 703 at i-divide ito sa iyong taas na nasa inches. Kunin mo ang resulta, at i-divide muli ito sa iyong taas na nasa inches, at makukuha mo ang iyong BMI.

Ang pagiging obese ay maaaring magdulot ng ilang mga problemang pangkalusugan dahil ang dagdag na taba at timbang ay nagdudulot ng dagdag na strain sa iyong katawan. Ito ay nangangahulugan na ang puso mo ay nangangailangang mag-pump nang mas matindi, ang baga mo ay kailangang makakuha ng mas maraming hangin, at ang blood pressure mo ay kailangang tumaas para matugunan ang dagdag na bigat.

Karagdagan pa, nagdadagdag ka ng maraming strain sa iyong mga kalamnan at kasu-kasuan. Kapag mas mabigat ka, mas mahihirapan ang iyong musculoskeletal system na suportahan ang iyong timbang. Maaari itong magdulot ng pagkasira ng iyong mga kasu-kasuan at kahirapan para sa iyong mga kalamnan na suportahan ang iyong paggalaw.

Dahil dito, ang mga taong may sobrang katabaan o obesity ay maaaring mahirapang magsimulang mag-ehersisyo para magpapayat. Ang ilan ay nadidisgrasya pa nga dahil hindi kaya ng kanilang katawan na gawin ang mga inaasahang paggalaw ng ilang mga ehersisyo.

Kung ang mga taong may sobrang katabaan o obesity ay hindi nakakapag-ehersisyo, ang kanilang kondisyon ay lalala lamang. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang maging maalam sa koneksyon sa pagitan ng sobrang katabaan o obesity at ng musculoskeletal disorders para mas maging madali sa mga taong may sobrang katabaan o obesity na mag-ehersisyo.

Ang Sobrang Katabaan at Musculoskeletal Disorders

Ano ang Epekto ng Sobrang Katabaan sa Iyong Musculoskeletal System?

Ang mga musculoskeletal disorders ay mga sakit na nakaaapekto sa mga kalamnan, kasu-kasuan, buto, ligaments, at mga litid. Ang mga musculoskeletal disorders ay nagiging dahilan ng kahirapan ng isa sa paggalaw o kirot sa mga tiyak na bahagi ng katawan.

Ano-ano ang Ilang mga Musculoskeletal Disorders na Dulot ng Sobrang Katabaan?

Narito ang ilan sa mga musculoskeletal disorders na dulot ng sobrang katabaan:

Ang Sobrang Katabaan ay Maaaring Makapagpataas ng Banta ng Pagkabali ng mga Buto

Dahil sa dagdag na timbang, mas madalas na magkaroon ng mga bali ang iyong buto, lalo na sa ibabang bahagi ng katawan. Ito ay dahil sa ang kanilang mga buto ay nagdadala ng mas mabigat na timbang kaysa sa mga taong may normal na bigat.

Ang mga buto ay hindi palaging nakasusuporta sa bigat ng isang tao, kapag ang isang taong obese ay nahulog o nakaranas ng injury, ang pagkabali ng buto ay inaasahang mangyari nang mas mabilis.

Maaari Itong Magdulot ng Soft Tissue Damage

Ang mga soft tissues ay ang mga tissue na sumusuporta sa iba pang mga organ sa katawan. Sa kaso ng musculoskeletal system, ito ay tumutukoy sa mga litid, kalamnan, at mga ligaments.

At sa kaso ng mga taong may sobrang katabaan o obesity, ang karagdagang bigat ay nakapagpapahirap sa mga soft tissues na ito para suportahan ang katawan. Ito ay maaaring magdulot ng pamamaga at maaring maging dahilan ng pagiging hantad ng mga ito sa pagkasira.

Ang Sobrang Katabaan ay Maaaring maging Sanhi ng Pananakit sa Ibabang Parte ng Likod

Isa pang koneksyon ng sobrang katabaan o obesity at musculoskeletal disorders ay ang sobrang katabaan o obesity ay maaaring magdulot ng pananakit sa ibabang bahagi ng likod. Ito ay nangyayari dahil ang dagdag na timbang ay may tendensiyang hilahin ang itaas na bahagi ng katawan paharap.

Bilang resulta, ang mga kalamnan sa ibabang parte ng likod ay napipilit sa pagpapanatiling stable ng katawan.

Ito ay isa sa mga mas karaniwang uri ng problemang dinaranas ng mga taong may sobrang katabaan o obesity.

Maaari Din Itong Maging Sanhi ng Pananakit ng Alak-alakan at Paa

Ang alak-alakan at paa ay ang sumusuporta sa buong bigat ng katawan kapag ang tao ay nakatayo o naglalakad. Ang sobrang katabaan o obesity ay maaaring magdulot ng pananakit ng alak-alakan o paa dahil sa dagdag na bigat na kailangang suportahan ng mga ito.

Ito ay maaaring magdulot ng sumusunod na mga problema:

  • Pagiging flat-footed o isang kondisyon kung saan ang arko ng paa ay nakalalapat sa sahig, na nagdudulot ng pagbawas sa pagiging stable ng paa. Ito ay maaaring magdulot ng pananakit paminsan-minsan kapag may mga pisikal na gawain.
  • Plantar fasciitis o pananakit ng sakong
  • Achilles tendinitis o pamamaga ng Achilles Tendon
  • Pangkalahatang pananakit ng mga paa at alak-alakan

Ang Sobrang Katabaan ay Nakapagpapataas ng Banta ng Osteoarthritis

Isa pang problema ay ang sobrang katabaan o obesity ay nakapagpapataas ng banta ng osteoarthritis. Ito ay dahil ang mga kasu-kasuan ng mga taong obese ay mas madalas na mapagod at mapilas kumpara sa mga taong may normal na timbang.

Ang iyong mga kasu-kasuan ay may layer ng kartilago na nagsisilbing shock absorber sa pagitan ng iyong mga buto. Sa mga taong may osteoarthritis, ang kartilagong ito ay nasisira nang mas mabilis, na nagdudulot ng pagkikiskisan ng mga buto.

Ito ay maaaring magdulot ng matinding pananakit na magiging dahilan ng kahirapan sa paggalaw.

Sa mga taong obese o may sobrang katabaan, ang mga kasu-kasuan sa balakang at tuhod ay ang mga kadalasang naaapektuhan ng osteoarthritis.

Anong mga Paraan ng Panggagamot ang Maaaring Gawin?

Kung mga musculoskeletal disorders ang pag-uusapan, ang pinakamainam na paraan ng panggagamot ay ang pagpapapayat. Kung kayang maibalik ng isang tao ang kanyang timbang sa normal na antas nito, makatutulong ito sa pagbuti ng kanyang kondisyon.

Gayunpaman, hindi ito laging madali. Ang ilang mga taong may sobrang katabaan o obesity ay maaaring mahirapang sa paggalaw-galaw, o ang mahabang oras ng page-ehersisyo ay makapagdulot ng matinding pananakit. Sa ganitong mga pagkakataon, ilang natatanging anyo ng ehersisyo ang kailangang gawin para ang pasyente ay makapagpapayat at hindi siya ma-injure o magdulot ng lalo pang pagkasira sa kanyang musculoskeletal system.

Sa ilang mga kaso, maaaring irekomenda ang gastric bypass surgery. Pinaliliit ng gastric bypass surgery ang tiyan ng tao kaya naman mabubusog siya kaagad kahit pa kakaunti lamang ang kanyang kinain.

Ang ilang mga taong may sobrang katabaan o obesity ay nakararanas ng isang anyo ng adiksyon sa pagkain. Sa ganitong kaso, ang pagpapa-theraphy ay isang epektibong paraan ng panggagamot, kasama ang pagsali sa mga support group na tumutulong sa mga taong may adiksyon sa pagkain.

Paano Maiiwasan ang Sobrang Bigat ng Timbang?

Narito ang ilan sa mga paraan para maiwasan ang obesity (at ang epekto ng sobrang katabaan) at mapanatili ang tamang timbang:

  • Mag-ehersisyo araw-araw sa loob ng hindi bababa sa 30 minuto. Ang araw-araw na page-ehersisyo ay makatutulong sa pagpapanatiling ikaw ay malusog at pagpapanatili ng tamang timbang.
  • Kumain ng maraming mga prutas at gulay, at bawasan ang pagkain ng mga karne at processed foods.
  • Kung ikaw ay obese o overweight, isang magandang ideya ang pagpapapayat upang makamit ang iyong inaasam na timbang hangga’t maaari.
  • Kung nakararanas ka ng pananakit ng kasu-kasuan at ikaw ay overweight o obese, maaaring iwasan ang mga high-impact na ehersisyo dahil ang mga ito ay maaaring magdulot ng injury.
  • Huwag mag-alinlangang kumunsulta sa iyong doktor kung kailangan mo ng tulong sa pagpapapayat.

Mahalagang malaman na bagaman mahalagang malaman ang mga problemang pangkalusugang kaakibat ng sobrang katabaan, ang sobrang katabaan o obesity ay isang kondisyong nagagamot.

Ang susi ay ang pagsasagawa ng mga positibong pagbabago sa paraan ng iyong pamumuhay na makatutulong sa iyong maging fit at malusog.

Matuto ng higit pa tungkol sa obesity dito.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Health Risks | Obesity Prevention Source | Harvard T.H. Chan School of Public Health, https://www.hsph.harvard.edu/obesity-prevention-source/obesity-consequences/health-effects/, Accessed June 22 2020

Impact of overweight and obesity on the musculoskeletal system using lumbosacral angles, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4792212/, Accessed June 22 2020

Musculoskeletal Diseases, Overweight and Obesity, and Aging Workforce: How to Encounter the Problem | OMICS International, https://www.omicsonline.org/open-access/musculoskeletal-diseases-overweight-and-besity-and-aging-workforce-how-to-encounter-the-problem-2165-7904.S4-e001.php?aid=24920, Accessed June 22 2020

The Impact of Obesity on Bone and Joint Health, https://aaos.org/contentassets/1cd7f41417ec4dd4b5c4c48532183b96/1184-the-impact-of-obesity-on-bone-and-joint-health1.pdf, Accessed June 22 2020

How Childhood Obesity Impacts Bone and Muscle Health – OrthoInfo – AAOS, https://orthoinfo.aaos.org/en/staying-healthy/the-impact-of-childhood-obesity-on-bone-joint-and-muscle-health/, Accessed June 22 2020

“Where Does it Hurt?” Implications of Obesity on Musculoskeletal Health | North Carolina Medical Journal, https://www.ncmedicaljournal.com/content/78/5/326.long, Accessed June 22 2020

Obesity – Harvard Health, https://www.health.harvard.edu/a_to_z/obesity-a-to-z, Accessed June 22 2020

Kasalukuyang Version

06/02/2022

Isinulat ni Marie Kristel Corpin

Narebyung medikal ni Elfred Landas, MD

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

5 Sakit Na Dulot Ng Pagiging Overweight

No Rice Diet: Nakakatulong Ba Ito Sa Pagbabawas Ng Timbang?


Narebyung medikal ni

Elfred Landas, MD

General Practitioner · Maxicare Primary Care Center


Isinulat ni Marie Kristel Corpin · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement