backup og meta
Matuklasan
Mga Health Tool
Magtanong sa Doktor
I-save

5 Sakit Na Dulot Ng Pagiging Overweight

Narebyung medikal ni Janie-Vi Villamor Ismael-Gorospe, MD · General Practitioner


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    5 Sakit Na Dulot Ng Pagiging Overweight

    Hindi laging sanhi ng masamang paraan ng pamumuhay ang obesity. Maaari ding ito ay dahil sa maraming iba pang mga salik, kabilang na ang history sa pamilya, kasaysayang medikal, atbp. Sa tulong ng isang malusog na paraan ng pamumuhay, maiiwasan ang mga sakit na dulot ng pagiging overweight. Maaari ka ring humingi ng tulong kaugnay ng mga angkop na gamot at ehersisyo upang maiwasan ang iba pang mga kondisyon.

    Ano Ang Obesity?

    Ang obesity ay isang kondisyon kung saan mas maraming calories ang kinakain kaysa sa sinusunog. Ang naipong fats ay ang dahilan ng pagkakaroon ng sobrang timbang at nagiging sanhi ng obesity. Itinuturing na obese ang mga indibidwal na may Body Mass Index (BMI) na 30 pataas.

    Ang sobrang fats sa katawan ay nagbibigay ng labis na stress sa mga buto at iba pang organs, dahilan upang mas madaling kapitan ng mga sakit tulad ng sakit sa puso, altapresyon, kanser, atbp.

    Sakit Na Dulot Ng Pagiging Overweight

    Diabetes

    Kung ikaw ay overweight, pinapataas nito ang tyansa ng pagkakaroon ng type 2 diabetes. Ang type 2 diabetes ay isang kondisyon kung saan ang katawan ay hindi nakapagpoprodyus o gumagamit ng insulin. Nagiging dahilan ito upang labanan ng katawan ang insulin.

    Ang insulin ay isang hormone na pinoprodyus ng pancreas. Nakatutulong itong gawing lakas ang sugar na ating kinokonsumo para sa cells ng katawan. Kung nilalabanan ng iyong katawan ang insulin, nangangahulugan itong hindi maayos na nagagamit ng katawan ang sugar upang maging eherhiya. Ang mga taong overweight ay mas may tyansang magkaroon ng type 2 diabetes. Ito ay dahil ang naiipong fats sa kanilang katawan ay nagiging sanhi upang ang cells ng katawan ay hindi gaanong magkaroon ng reaksyon sa insulin.

    Sa simpleng salita, hindi maayos na gumagana ang insulin sa mga taong obese. Kaya naman, ang diabetes ay isa sa mga karaniwang sakit na dulot ng pagiging overweight

    Kung ikaw ay overweight, nagiging mahirap para sa iyo ang pagsasagawa ng mga araw-araw na gawain. Mapoprotektahan mo ang iyong sarili mula sa pagkakaroon ng type 2 na diabetes sa pamamagitan ng pagdaragdag ng mga pisikal na aktibidad na makatutulong upang makontrol ang lebel ng iyong blood sugar. Dapat ding magkaroon ng malusog na diet at sapat na tulog.

    Obesity At Cancer

    Ang pagiging obese ay hindi laging nangangahulugang pagkakaroon ng cancer. Ngunit ang obesity ay nagiging sanhi upang ang isang tao ay magkaroon ng mas mataas na tyansang magkaroon ng cancer. Napatataas din nito ang tyansa ng pagkakaroon ng higit sa 10 uri ng cancer tulad sa suso, bato, bituka, obaryo, atbp.

    Isang mahalagang bagay na dapat maunawaan ay nababago ng fat cells ang paraan ng paggana ng katawan. Ang fat cells na ito ay naglalabas ng mga kemikal na maaaring maging dahilan upang ang malalapit na cells sa mga ito ay kumilos nang kakaiba at maging malign. Nangyayari ito sa iba’t ibang organs ng katawan, at nagiging dahilan upang magkaroon ng iba’t ibang uri ng cancers.

    Ang cancers at mga sakit na nauugnay sa obesity ay ang mga sumusunod:

    • Endometrial cancer
    • Cancer sa atay
    • Cancer sa tiyan
    • Ovarian cancer
    • Cancer sa bato
    • Cancer sa gallbladder
    • Breast cancer
    • Cancer sa pancreas

    Naglalabas ang fat cells ng maraming estrogen. Kung may sobrang fats cells ang katawan ng isang tao, mas maraming estrogen ang inilalabas ng kanyang katawan. Ang estrogen ay maaaring maging sanhi ng pagkalat ng cells sa tiyan at mga suso, na mas sensitibo sa estrogen. Ito ay maaaring humantong sa cancerous na mga tumor. At ito ang dahilan kung bakit ang mga kababaihang may mga cancer sa suso at tiyan ay lubhang may mas malaking lebel ng estrogen.

    Obesity At Osteoarthritis

    Isa sa mga pinakakaraniwang sakit na dulot ng pagiging overweight ay ang osteoarthritis. Ito ay isang kondisyong nakaaapekto sa mga kasukasuan na may mga sintomas na pangunahing nararanasan sa mga kamay, pulso, leeg, balakang, atbp.

    Ang pagiging obese ay nagbibigay ng sobrang pressure sa mga kasukasuan, gayundin ng sobrang paggamit at pagkasira ng cartilage na pumoprotekta rito. Dahil dito, may kaugnayan sa pagitan ng pagiging overweight at osteoarthritis. Ang sobrang timbang ay nagdudulot ng stress sa mga kasukasuan at maaari nitong mapabilis ang pagkakaroon ng osteoarthritis.

    Maaaring makatulong ang pagbabawas ng kaunting timbang. Ang pagsasagawa ng mga pisikal na gawain ay makatutulong sa pagbabawas ng timbang, ngunit mahalagang humingi ng propesyonal na tulong. Magiging mahirap para sa isang indibidwal na may arthritis na magbawas ng timbang. Maaaring magmungkahi ang fitness expert na subukan ang cardiovascular at muscle training exercises na epektibo sa osteoarthritis.

    Dagdag pa, ang pagpapanatili ng isang malusog na timbang ay kapaki-pakinabang din sa pagpapabuti ng kalusugan ng puso. Sa pamamagitan nito, maiiwasan din ang pagkakaroon ng ilang partikular na kondisyong medikal. Tiyaking magtakda ng mga makatotohanang layunin pagdating sa fitness, ang pagbibigay ng sobrang pressure sa iyong katawan ay maaaring nakasasama.

    Malulubhang Sakit Na Dulot Ng Pagiging Overweight

    Narito ang ilan sa mga malulubhang sakit na dulot ng pagiging overweight o obese:

    Obesity At Obstructive Sleep Apnea

    Ang obstructive sleep apnea ay isang malubhang sakit sa paghinga. Maaari nitong mapahinto ang paghinga ng isang tao sa loob ng halos 10 segundo. Nangyayari ang kondisyong ito dahil sa pagbaba ng lebel ng oxygen sa dugo at maaaring maging dahilan ng paggising sa gabi. Ang paghilik ay karaniwang sintomas ng kondisyong ito. Mayroon ding kaugnayan sa pagitan ng obstructive sleep apnea at iba pang mga kondisyon sa kalusugan tulad ng obesity, sakit sa puso, at stroke. Hindi lahat ng indibidwal na obese ay may obstructive sleep apnea, ngunit ang pagiging overweight ay nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon nito.

    Ang pagiging overweight ay nagiging sanhi ng pagkaipon ng taba sa paligid ng leeg. Ang naipong taba na ito ay maaaring maging sanhi ng problema sa paghinga at kalaunan ay sleep apnea. Naniniwala ang mga eksperto na ang pagbabawas ng timbang ay nakatutulong upang mapabuti ang mga sintomas ng obstructive sleep apnea.

    Sakit Sa Puso At Stroke

    Isa sa mga karaniwang sanhi dulot ng pagiging overweight ang stroke. Ang pagiging overweight ay mas nakapagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo at mataas na lebel ng cholesterol. At ang pagkakaroon ng mataas na presyon ng dugo at mataas na antas ng cholesterol ay mga karaniwang kondisyong nagbibigay ng labis na stress sa puso at nagiging sanhi ng mga sakit nito. Ang pagbabawas ng timbang ay nakatutulong upang mapabuti ang kondisyon.

    Hindi lamang mataas na presyon ng dugo at mataas na lebel ng cholesterol, may ilan pang mga salik na nauugnay sa obesity na nagpapataas ng tyansa ng pagkakaroon ng mga sakit sa puso. Kabilang sa mga salik na ito ay ang mga kondisyon sa kalusugan tulad ng metabolic syndrome, type 2 diabetes, atbp.

    Key Takeaways

    Mahalagang magbawas ng timbang sa isang malusog na paraan at bawasan ang tyansa ng pagkakaroon ng iba pang mga kondisyong pangkalusugan. Humingi ng propesyonal na tulong at magbawas ng timbang sa isang malusog na paraan sa tulong ng ehersisyo at diet. Kung ang iyong Body Mass Index (BMI) ay higit sa 35, ang iyong doktor ay maaaring magrekomenda ng bariatric surgery, ngunit pagkatapos lamang makakuha ng cardiac clearance.

    Matuto pa tungkol sa Obesity dito.

    Disclaimer

    Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

    Narebyung medikal ni

    Janie-Vi Villamor Ismael-Gorospe, MD

    General Practitioner


    Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

    advertisement iconadvertisement

    Nakatulong ba ang artikulong ito?

    advertisement iconadvertisement
    advertisement iconadvertisement