backup og meta

Pag-Inom ng Buko Juice, Paano nga ba Nakatutulong sa Kalusugan?

Pag-Inom ng Buko Juice, Paano nga ba Nakatutulong sa Kalusugan?

Mahilig ang mga Pilipino sa sabaw ng buko (buko juice) dahil ito ay nakakapresko, masustansya, at mura. Ano ang mga benepisyo sa kalusugan ng pag-inom ng buko juice?

9 Benepisyo ng Pag-inom ng Buko Juice

1. Ito ay masustansya 

Ang sabaw ng buko ay mababa sa kaloriya  at taba ngunit mayaman sa mga bitamina, mineral at iba pang nutrisyon, tulad ng lauric acid, chloride, iron, potassium, magnesium, calcium, sodium, at phosphorus.

2. Pinalalakas ang Kalusugan ng Balat

Ang mga cytokinin na nasa  buko juice ay tumutulong sa pag-regulate ng cell division. Ang mga cytokinin na ito kasama ng mga lauric acid ay nakakatulong na mabawasan ang pagtanda ng selula ng balat, balansehin ang pH, at palakasin at i-hydrate ang mga connective tissue.

3. Nagpapataas ito ng Enerhiya

Ang buko juice ay isang mahusay na inuming pang-enerhiya dahil mayroon itong masaganang bitamina, mineral, at nutrisyon.

Ang bawat 100 ml ng sabaw ng niyog ay naglalaman ng humigit-kumulang 294 mg ng potassium at 118 mg ng chloride, ngunit mayroon lamang 25 mg ng asin at 5mg ng asukal. Sa katunayan, ang nilalaman ng potassium mula sa sabaw ng buko ay halos dalawang beses sa dami ng potassium sa saging.

Samantala, ang ibang mga inuming enerhiya ay naglalaman lamang ng 117 mg ng potassium at 39 mg ng chloride, ngunit mayroong hanggang 200 mg ng asin at 20–25 mg ng asukal.

pag-inom ng buko juice

4. Nakakatulong Ito sa Pagpapabuti ng Presyon ng Dugo

Alam mo ba na ang mga taong may mataas na presyon ng dugo ay kadalasang may mababang antas ng potassium? Samakatuwid, ang regular na pag-inom sabaw ng buko ay maaaring makatulong sa pag-regulate ng presyon ng dugo dahil ang sabaw ng buko ay mayaman sa potassium at lauric acid.

5. Nakatutulong na Talunin ang Dehydration

Ang buko juice ay mayaman sa potassium at iba pang mineral, kaya makakatulong ito sa muling pagpuno at pag-rehydrate ng katawan. Sa katunayan, ang sabaw ng buko ay ginamit upang gamutin ang dehydration na dulot ng dysentery, cholera, diarrhea at iba pang digestive disorder. Tinutulungan din nito na mabalanse ang electrolyte at plasma gayundin ang dugo ng tao.

Kung naghahanap ka ng nakakapreskong paraan para makapag-rehydrate pagkatapos mag-ehersisyo o kapag mainit ang panahon, isaalang-alang ang pag-inom ng buko juice.

6. Nakakatulong Ito sa Paggamot sa mga Kondisyon sa Pagtunaw

Ang sabaw ng buko ay naglalaman ng lauric acid na maaaring i-convert ng katawan sa monolaurin. Ang Monolaurin ay may mga gawain na antiviral, antiprotozoal at antibacterial laban sa mga bulate sa bituka, parasito, mga virus ng lipid envelope, at iba pang impeksyon sa bituka sa mga bata at matatanda.

7. Nakakatulong Ito sa Pagbaba ng Timbang

Ang buko juice ay mainam para sa mga taong gustong magbawas ng timbang. Ito ay mayaman sa medium-chain triglycerides, isang uri ng taba na makakatulong sa pagbaba ng timbang.

Ayon sa mga ulat, sa panahon ng panunaw, ang medium-chain na triglyceride mula sa buko juice ay na-convert sa simpleng triglyceride at medium-chain free fatty acids. Gagamitin kaagad ng katawan ang dalawang sangkap na ito para sa enerhiya at hindi iimbak ang mga ito bilang taba.

Ang medium-chain triglyceride ay mayroon ding kakayahan na pataasin ang enerhiya, na tumutulong sa pagsugpo sa gutom na mas epektibo kaysa sa iba pang mga anyo ng taba.

8. Ito ay Mayaman sa Antioxidants

Kapag gumagana ang metabolismo, ang mga selula ay gumagawa ng mga free radikal. Kapag ang mga selula ay na-stress o nasira, gumagawa sila ng mas maraming mga free radikal. Ang mataas na antas ng mga free radical ay nagreresulta sa oxidative imbalance, na nauugnay sa pagkasira ng cell at pagtaas ng panganib ng mga sakit.

Ang isang pag-aaral sa mga daga na may pinsala sa atay ay nagpakita ng makabuluhang pagpapabuti kapag ang mga daga ay tumanggap ng buko juice na paggamot.

9. Nakakatulong Ito sa Pag-iwas sa Kidney Stones

Nabubuo ang mga bato sa kidney kapag nagsasama-sama ang calcium, oxalate, at iba pang compound upang bumuo ng mga aggregate na parang bato. Ang pag-inom ng sapat na tubig ay isang mahalagang salik sa pag-iwas sa sakit na ito. Gayunpaman, maraming mga pag-aaral ang nagpapakita na ang buko juice ay mas mabisa kaysa sa tubig sa pagpigil sa mga kidney stones.

Naniniwala ang mga siyentipiko na ang buko juice ay nakakatulong sa pagpapababa ng mga free radical na nalilikha kapag ang katawan ay tumutugon sa mataas na antas ng oxalate sa ihi. Gayunpaman, kailangan namin ng karagdagang pananaliksik upang mas maunawaan ang mga epekto ng sabaw ng buko sa pag-iwas sa bato sa bato (kidney).

Pangwakas na Paalala

Ang buko juice ay isang mainam  na pampalamig dahil ito ay mababa sa kaloriya at asukal, ngunit mataas sa maraming nutrisyon. Gayunpaman, dapat uminom ng sabaw ng buko nang katamtaman lamang. Gayundin, iwasan ang pag-inom ng de-boteng tubig ng niyog dahil malamang na may dagdag itong  asukal.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Science-Based Health Benefits of Coconut Water, https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/20032881/, Accessed December 15, 2021

Health Benefits of Fresh Coconuts, https://nutrition.org/coconut-water/, Accessed December 15, 2021

Seven health benefits of coconut water, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/nutrition-and-healthy-eating/expert-answers/coconut-water/faq-20207812, Accessed December 15, 2021

The Health Benefits of Coconut Water, http://health.clevelandclinic.org/the-health-benefits-of-coconut-water/, Accessed December 15, 2021

Is coconut good or bad for the heart?
https://www.health.harvard.edu/newsletter_article/Ask_the_doctor_Is_coconut_good_or_bad_for_the_heart, Accessed December 15, 2021

Kasalukuyang Version

06/02/2022

Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora

Narebyu ng Eksperto Chris Icamen

In-update ni: Jan Alwyn Batara


Mga Kaugnay na Post

Masustansya Ba Talaga Ang Pagkain Ng Isda Araw-Araw? Alamin Dito!

Dahong gulay: 11 sa Pinakamainam na Gulay para sa Kalusugan


Narebyu ng Eksperto

Chris Icamen

Dietetics and Nutrition


Isinulat ni Niña Christina Lazaro-Zamora · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement