Marami sa atin ang mahilig sa macadamia nuts dahil sa medyo buttery na lasa nito. Maaaring ang iba sa atin ay regular na kumakain ng chocolate-coated macadamia. Ang magandang balita rito, mayaman ang mga mani na ito sa sustansyang may benepisyo sa kalusugan. Matuto pa tungkol sa benepisyo ng macadamia nuts.
Mga Benepisyo ng Macadamia Nuts na Nakabatay sa Siyensya
Iniisip mo ba kung ano ang mga benepisyo ng macadamia nuts para sa iyong katawan? Narito:
Sustansya
Una sa listahan ng benepisyo ng macadamia nuts: makapagbibigay ang 100g ng mani na ito ng:
- 716 kcal (for energy)
- 8g ng fiber
- 12.8g ng carbohydrates
- 7.79g ng protein
- 76.1g ng total lipid o fats
Dagdag pa, makapagbibigay ang mga mani na ito ng napakaraming micronutrients, tulad ng calcium, magnesium, iron, phosphorus, zinc, vitamin C, vitamin B6, at folate.
Maganda sa Puso
Nag-aalala ka ba sa kalusugan ng iyong puso? O baka nais mo lang mapanatiling healthy ang iyong puso? Kung oo, subukang kumain ng macadamia nuts maya’t maya.
May ilang mga pag-aaral na nagsasabing isa sa mga benepisyo ng macadamia nuts ay nakatutulong ito na protektahan ang iyong puso sa pamamagitan ng:
- Pagpapababa ng kabuoang cholesterol at LDL (bad cholesterol)
- Nagpapataas ng level ng HDL (good cholesterol)
Binabawasan ang Pamamaga
Alam mo bang ang macadamia ay may ilang pinakamatataas na level ng flavonoids sa mga tree nuts? Ito ang mga antioxidant na nagne-neutralize ng free radicals na maaaring mag-trigger ng pamamaga.
Ang matagal na pamamaga ay naiuugnay sa napakaraming seryosong sakit, tulad ng cancer, Alzheimer’s Disease, Type 2 Diabetes Mellitus, Rheumatoid Arthritis, at iba pang mga sakit sa puso.
Proteksyon Laban sa Metabolic Syndrome at Type 2 Diabetes
Ang metabolic syndrome ay tumutukoy sa grupo ng mga salik na sabay-sabay na nangyayari na nagpapataas ng panganib ng tao na magkaroon ng mga seryosong sakit tulad ng stroke at type 2 diabetes. Kabilang sa mga ito ang high blood pressure, high blood sugar, mababang good cholesterol, at mataas na triglycerides.
Isa sa mga benepisyo ng macadamia nuts ay kaya nitong mapabuti o maprotektahan ang taong may metabolic syndrome. Dahil ito sa mayaman ang macadamia nuts sa monounsaturated fatty acids (MUFAs).
Bukod pa rito, may mababang glycemic index ang macadamia nuts. Ibig sabihin, hindi nito naaapektuhan nang lubos ang blood sugar.
Proteksyon Laban sa Kanser
May mga properties na panlaban sa kanser ang flavonoids at mayroon ding isang uri ng vitamin E ang macadamia nuts na sinasabing may taglay na napakamakapangyarihang anticancer properties.
Gayunpaman, pakatandaang ang pag-aaral tungkol sa vitamin E ay hindi pa nagagawa sa tao. Kaya naman, kailangan pa ng karagdagang pag-aaral ukol dito.
Mga Paalala sa Pagkonsumo ng Macadamia Nuts
Nais mo bang makuha ang mga benepisyo ng macadamia nuts? Tandaan ang mga ito:
- Bagaman binabase natin ang nutritional content sa 100g, tandaang ang healthy serving ay mas mababa pa rito. Sinasabi ng mga ulat na ang serving ay kailangang nasa 10 piraso o isang onsa lamang. Siksik ang macadamia nuts sa calories, kaya’t maging maingat na hindi sumobra sa pagkain nito.
- Hangga’t maaari, kumain ng hilaw na macadamia. Kung hindi mo kaya, subukan ang dry-roasted na uri nito. Iwasan ang oil-roasted dahil maaaring may added fats ito.
- Puwede mong meryendahin ang buong mani o gamitin ito bilang pamalit sa hindi gaanong masustansyang sangkap. Halimbawa, puwede kang magbudbod ng hiniwang mani sa salad sa halip na bacon. Maaari ka ring maglagay sa ibabaw ng sopas ng hiniwang mani sa halip na croutons.
Muli, piliin nang mabuti ang macadamia nuts. Kapag ito ay oil-roasted o ibinabad sa matamis na tsokolate, maaari kang makakain ng hindi kinakailangang fats, sugar, o asin mula rito.
Panghuli, tandaang walang isang pagkain na makapagpapabuti ng iyong kalusugan. Upang makakuha ng sapat na nutrisyon mula sa mga kinakain, kailangan mo itong makuha mula sa iba’t ibang pagkain. Kumonsulta sa iyong doktor tungkol sa pinakamainam na dyeta para sa iyo.
Key Takeaways
Ano ang mga potensyal na benepisyo ng macadamia nuts? Sinasabi ng mga ulat na marami itong sustansya, nakapagpapalakas ng puso, nakatutulong sa pamamaga, nakapagpapabuti ng metabolic syndrome at type 2 diabetes, at panlaban sa cancer.
Matuto pa tungkol sa Masustansyang Pagkain dito.
[embed-health-tool-bmr]