Kinakailangan ng tao na kumain upang mabuhay at magkaroon ng lakas sa araw-araw na aktibidad, kaya naman dapat masigurado natin na malinis at ligtas ang ating mga kinokonsumo na pagkain para maiwasan ang food borne diseases o food poisoning sa mga pagkain na ating iniinom at kinakain. Kaugnay nito, napakahalaga na malaman natin ang mga pamamaraan upang makaiwas sa food borne disease, nang sagayon ay mapangalagaan natin ang ating mga sarili at pamilya.
Basahin ang artikulong ito para sa mga mahahalagang detalye tungkol sa food borne disease.
Ano ang food borne disease?
Tumutukoy ang food borne disease sa mga sakit na pwedeng makuha mula sa mga pagkain mayroong samu’t saring uri ng bakterya, parasites, at viruses. Habang ang iba naman ay maaari na makuha dahil sa toxins, kemikal at lason na nahahalo sa pagkain ng isang tao.
Saan maaaring makuha ang food borne disease?
Narito ang list ng mga pangkaraniwang senaryo o sitwasyon na maaaring pagmulan ng food borne disease:
- Pagkain ng mga nilutong hayop na may sakit na bago pa man katayin
- Pagiging kontaminado ng mga hayop na niluto mula sa mga daga, ipis at insekto
- Hindi maayos o malinis ang paghahanda ng mga pagkain
- Paglalagay ng mga nakakalasong sangkap sa pagkain na inihain o niluto
- Pagiging hindi masyadong luto ng mga pagkain
Sino ang nasa risk magkaroon ng food borne disease?
Lahat ng tao anuman ang edad, kasarian at estado sa buhay ay pwedeng magkaroon ng food borne disease dahil lahat ng indibidwal ay kinakailangan na kumain para mabuhay at magkalakas.
Gayunpaman, tandaan na mas nasa mataas na risk ang mga tao na mahina ang immune system partikular ang sumusunod na taong mayroong sakit na:
Nasa mataas din na panganib ang mga matatanda, sanggol, bata, buntis na babae, at maging ang baby na kanilang pinagbubuntis.
Ano ang mga sintomas na nagkaroon ka ng food borne disease?
Ang sintomas ng pagkakaroon ng food borne disease ay pwedeng mag-manifest sa ilang minuto o linggo pagkatapos ng pagkain ng contaminated food. Narito ang ilang mga sintomas na dapat mong malaman sa pagkakaroon ng food borne disease:
- Pagkakaroon ng flu-like symptoms
- Pagkahilo
- Pagsusuka
- Diarrhea
- Lagnat
Maraming tao ang hindi nakapagre-recognize agad ng food borne disease dahil sa mga flu-like symptoms na nararanasan ng isang tao at kadalasan napagkakamalan nila na trangkaso ang food borne disease.
Nakamamatay ba ang food borne disease?
Para sa katanungang ito, ang sagot ay “OO”, nakakamatay ang food borne disease lalo na kung hindi ito naagapan dahil sa mga komplikasyon na pwedeng idulot nito.
Dagdag pa rito, batay sa artikulong nagmula sa Food Safety and Inspection Service U.S Department of Agriculture nasa 48 millions na tao ang nagkakasakit dahil dito at 3,000 ang tinatayang namamatay kada tao sa United States sanhi ng food borne disease.
Kailan ako dapat magpakonsulta sa doktor?
Sa oras na lumala ang iyong mga sintomas gaya ng pagsusuka mas mabuti kung magpadala ka na sa ospital at magpakonsulta sa doktor.
Bukod pa rito, narito ang ilan sa mga malalang sintomas na dapat mong makita para sa agarang medikal na atensyon:
- Pagkakaroon ng dugo sa dumi
- Dehydration
- Kaunting pag-ihi
- Pagtagal ng pagkahilo sa loob ng 3 araw
Madalas ang mga sintomas na nabanggit ay sinasamahan ng mataas na lagnat.
Mga pamamaraan upang makaiwas sa food borne diseases
1. Lagi mong tingnan ang expiration date ng pagkain
Maganda kung lagi mong itsetsek ang expiration date ng mga produkto na iyong binibili para maiwasan ang food poisoning.
2. Paglilinis ng maigi sa mga utensils bago gamitin sa pagluluto
Pagkatapos at bago gamitin ang mga kagamitan sa pagluluto maganda kung huhugasan o isa-sanitize muna ito ng mabuti para matanggal ang anumang mikrobyo na pwedeng kumapit sa kagamitan.
Pwedeng gumamit ng antibacterial na sabon o panghugas na plato para linisin ang mga kagamitan sa pagluluto at lalagyan ng pagkain ng maligamgam na tubig.
3. Siguraduhin na malinis ang mismong lugar na kakainan
Kapag gusto mong kumain at bumili sa street vendors at food stalls lagi mong siguraduhin kung malinis ba ang kanilang lugar at maayos ba ang kanilang tubig, dahil pwede kang makakuha ng typoid fever at hepatitis kung hindi maayos ang lugar na nais kainan.
4. Paghuhugas sa mga gulay ng maayos at mabuti
Dapat lamang na hinuhugasan ng mabuti ang mga gulay at prutas bago kainin o lutuin para matanggal ang mga kemikal gaya ng pesticide na masama para sa’ting kalusugan.
5. Siguraduhin na nasa malinis na lalagyan ang mga pagkain na inihahain
Dapat mong siguraduhin na malinis ang mga lalagyan ng pagkain dahil minsan kaya nagiging kontaminado ang mga food ay dahil hindi malinis ang pinaglalagyan.
Tiyakin din na i-ref ang mga tirang pagkain upang maiwasan ang pagkapanis nito.
6. Mga pamamaraan upang makaiwas sa food borne diseases: Pagluluto ng mabuti sa pagkain
Mainam na lagi mong sinisigurado na naluluto ng maayos ang mga karne, itlog, manok at iba pang mga pagkain. Sa paraang ito, maiiwasan ang mikrobyo gaya ng salmonella na matatagpuan sa mga hilaw na pagkain.
7. Huwag tikman ang mga pagkain na sa palagay ay panis na
Ipinapayo na huwag ng amuyin at tikman ang mga pagkain na sa palagay natin ay panis. Maaari itong maging dahilan para mas maikalat pa ang bakterya. Kaya naman mas maganda kung i-dispose o tapon na lamang ito upang hindi na mag-multiply ang bacteria.
Key Takeaways
Lahat ay maaaring makaranas ng food poisoning anuman ang iyong edad, estado, at kasarian. Dahil dito, napakahalaga na magkaroon tayo ng kamalayan tungkol sa mga pamamaraan upang makaiwas sa food borne diseases na pwedeng maging sanhi ng ating pagkakasakit. Huwag mo ring kakalimutan na magpakonsulta sa doktor o magpadala na sa ospital kapag nakita mo na mas nagiging malubha ang iyong mga sintomas. Kailangan mo ng doktor para sa medikal na payo, diagnosis at angkop na treatment sa’yong kondisyon at kalagayan.
Matuto pa tungkol sa Masustansiyang Pagkain dito.
[embed-health-tool-bmi]