Sa bawat araw, isang malaking desisyon ang pagpili ng iyong kakainin sa almusal, tanghalian, merienda o gabihan. Lahat kasi ng iyong kakainin ay may maidudulot sa ating kalusugan. Isa naman ang cereal sa paboritong kainin ng iilan. Ang tanong, masustansya ba ang cereal?
Ang cereal ay madalas na kinakain tuwing umaga sapagkat mabilis lamang itong ihanda. Bukod rito, ito ay masarap at hindi kamahalan ang presyo. Mababa lamang ang calorie ng cereal kung ikukumpara sa iba pang almusal na pagkain. Dagdag pa rito, kaunti lamang ang taba, kolesterol at mayaman naman sa fiber ang cereal.
Bagamat mayroong iba’t ibang brand ng cereal, ilan sa mga ito ay gawa sa whole grain, calcium, at vitamin D. Malaki rin ang bahagi mo bilang mamimili ng cereal upang mas maging masustansya o masiguro na ito ay may benepisyong maihahatid sa iyong kalusugan.
Mga Dapat Tingnan sa Cereal
Katulad na lamang ng unang nabanggit, mahalaga ang parte mo upang makabuo ng masustansyang cereal na kakainin. Ilan lamang ang sumusunod sa mahahalagang dapat tandaan sa pamimili nito.
Basahin nang mabuti ang sangkap ng cereal bago ito bilhin dahil mahalagang alam mo kung paano at ano ang mga ginamit dito. Tingnan nang mabuti kung mataas ang asukal na ginamit dahil hindi ito ganoon makabubuti. Ganoon din, tingnan din nang mabuti ang nutrition label sa pakete ng cereal. Ilan sa mga makabubuting tingnan ay ang sumusunod.
Whole grain
Ilan sa mga cereal ay gawa sa whole grain. Ang whole grain ay may mataas na fiber, protina, iron, magnesium, selenium, at vitamin B kung ikukumpara sa mga harina. Ito ay nakatutulong upang mapaliit ang tyansa na magkasakit sa puso. Dagdag pa rito, nakaaapekto rin ito upang maging wasto ang timbang ng isang tao.
May ilang mga pag-aaral din na nakatutulong na mabawasan ang panganib ng mga kanser sa tiyan at colon ang whole grain. At huli, tumutulong din ang whole grain sa pamamahala ng maayos na asukal sa dugo at lebel ng insulin sa katawan.
Fiber
Nagbibigay rin ang cereal ng fiber sa ating katawan. Ang fiber ay nakatutulong upang maging maayos ang proseso ng pagtunaw ng mga pagkain sa ating katawan. Tumutulong din ito upang ikaw ay makaramdam ng pagkabusog na makakaiwas sa pagkain ng labis.
Dagdag pa rito, nakatutulong din ang fiber upang maging maayos ang regular na pagdumi. Nagreresulta ito upang maging malusog ang mga bituka.
Inirerekomenda rin ang pagpili ng cereal na naglalaman ng hindi bababa sa tatlong gramo ng fiber bawat serving. Ito ay dahil naibibigay nito ang sapat na fiber na kailangan ng katawan upang ma-regulate ang asukal sa dugo.
Protina
Ang mga cereal ay madalas na dinadagdagan ng protina. Tumutulong ang protina upang ikaw ay mabusog. Ngunit kailangan tandaan na hindi lahat ng cereal ay mayaman sa protina. Ang mga matamis na cereal ay mayroon lamang isa hanggang dalawang gramo ng protina.
Mga Maaaring Idagdag sa Cereal
Ang simpleng cereal ay maaari mong gawing mas masarap at mas masustansya sa pamamagitan ng pagdaragdag ng iba pang pagkain.
Mani
Nakakadagdag sa sarap ng mismong cereal ang mga mani. Bukod rito, pinalalakas din nito ang protina at mabuting taba sa ating katawan. Ngunit tandaan na sapat na dami lamang ng mani ang ilalagay upang hindi sumobra sa calorie.
Mga Prutas
Ang pagdaragdag ng mga pinatuyong prutas ay hindi gaanong inirerekomenda sapagkat ito ay may kasamang asukal. Mas mabuti na idagdag sa cereal ang mga plain flakes at pasas.
Mahalagang Tandaan
- Ang cereal ay mas magiging masustansya kung ikaw ay magiging maalam sa mismong sangkap nito.
- Iwasan ang mga cereal na may mataas na lebel ng asukal.
- Ilan sa benepisyo ng cereal ay fiber, protina at dahil ito ay gawa sa whole grain.
Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o panggamot.
[embed-health-tool-bmi]