Hindi naman bago sa atin ang mga benepisyo at kahalagahan ng pag-inom ng tubig, pero aware ka ba na mayroon tayong tinatawag na water intoxication? Kung saan pwede itong maging sanhi ng kamatayan ng isang tao? Marahil ang ilan sa atin ay hindi alam ang bagay na ito, at tiyak na marami ang nagtatanong kung masama ba ang sobrang pag-inom ng tubig. Ngayon, sa artikulong ito malalaman natin ang lahat ng kasagutan tungkol sa mga tanong na ito.
Basahin ang mga mahahalagang impormasyon tungkol water intoxication.
Masama Ba Ang Sobrang Pag-Inom Ng Tubig?
Ayon sa mga doktor hindi dapat bumaba ng 8 basong tubig ang ating iniinom sa araw-araw upang manatili tayong hydrated. Pero minsan nakadepende sa aktibidad na ginagawa ng tao kung ilang basong tubig ang kanilang dapat inumin, lalo na kung ikaw ay pinagpapawisan sa’yong ginagawa. Sapagkat habang ang tao ay pinagpapawisan indikasyon ito na nangangailangan tayo ng tubig sa katawan.
Dagdag pa rito, hinihikayat din ang tao na uminom ng maraming tubig lalo na kung tayo ay may sakit upang magkaroon tayo ng kaginhawaan sa katawan. Pero dapat mo pa ring tandaan na mapanganib para sa atin ang sobrang pag-inom ng tubig, dahil maaari itong humantong sa pagkamatay ng isang tao, at ang tawag sa ganitong senaryo ay water poisoning — o hyponatremia water intoxication. Kaya naman mahalaga na alam mo ang mga dahilan kung bakit hindi maganda ang sobra-sobrang pag-inom ng tubig. Narito ang mga sumusunod:
Bumababa Ang Electrolytes Sa Katawan Ng Isang Tao
Sa oras na naging labis ang tubig na nainom ng isang tao bumababa ang electrolytes ng isang indibidwal partikular na ang sodium sa ating katawan. Hindi dapat ito bumaba ng sobra dahil ang sodium ay mahalaga sa pagbabalanse ng fluid sa labas at loob ng cells.
Pamamaga Ng Cells
Tandaan na sa oras na tuluyang bumaba ang level ng sodium sa katawan ng tao, asahan na ang fluid na nagmumula sa labas ng cells ay papasok sa loob nito na nagdudulot ng pamamaga sa cells. Kung saan mayroon itong kakambal na hindi magandang epekto sa utak at buong katawan ng isang tao.