Noong 2022 matatandaan na si Binibining Pilipinas 1st runner up, Herlene Budol na kilala rin bilang “Hipon Girl” ay nagpahayag ng kanyang pagdadalamhati sa pagkamatay ng kanyang lola na si Nanay Bireng na pumanaw dahil sa kidney failure.
“Ito ay isang post na mahirap para sa akin na isulat… Nawala na ang aking pinakamamahal na lola ngayon lang umaga [9 a.m.] 6-6-22 at mamimiss kita ng sobra,” pahayag ni Herlene Budol sa kanyang instagram post noong ika-6 ng Hunyo 2022.
Makikita sa larawan na naka-post sa instagram ang paghawak ni Herlene sa kamay ng kanyang lola na nakahiga sa hospital bed.
Ibinunyag ni Herlene Budol na bukod sa kidney failure, dumanas din si Nanay Bireng ng iba pang karamdaman tulad ng diabetes, pneumonia, at mataas na presyon ng dugo. Sobra-sobrang ang kalungkutan na nararamdaman ni Herlene dahil si Nanay Bireng ang nagpalaki sa kanya.
“Siya ay isang special na babae at ang pagkawala [niya] ay lubos na nararamdaman ng marami, even though she lived a full life. [Sa] nakalipas [na] isang buwan, matapang siyang lumaban sa kidney failure at sakit,” paglalahad ni Herlene.
Ang pagtanggap sa pagkamatay ng kanyang lola ay hindi naging madali lalo’t nasa kalagitnaan siya ng kompetisyon ng Binibining Pilipinas noong pumanaw ang kanyang lola. Sariwang-sariwa rin sa kanyang alaala ang pinagdaanan ng kanyang Nanay Bireng sa ospital.
“At ang pinakamasakit ang makita siyang nagdurusa sa mga huling oras na iyon ay napakahirap,” pahayag ni Herlene.
Marami ang naka-relate sa pinagdadaanan ni Herlene Budol, partikular ang mga netizen na namatayan ng kaanak dahil sa sakit, at mga biglaang namatay ang mahal sa buhay.
Pero ano nga ba ang epekto ng biglaang pagkamatay ng minamahal sa mga taong naiwan? Alamin sa artikulong ito.
Sudden Death o Biglaang Pagpanaw
Ang biglang pagkamatay ng taong minamahal ay isang kamatayan na nagaganap nang hindi inaasahan at biglaan. Ito ay tulad ng isang nakamamatay na aksidente o atake sa puso, ayon sa mga doktor at artikulo na mula sa Johns Hopskin Medicine.
Ang trahedya ng biglaang pagpanaw ng kaanak ay maaaring magdulot ng pagkagulat at pagkalito. Kaya naman kadalasan sa mga namatayan ay nagkakaroon ng maraming tanong, unresolved issues, at iba’t ibang emosyon tulad ng galit, guilt, at pananakit ng kalooban.
Anu-ano Ang Epekto Ng Biglaang Pagkamatay Ng Minamahal?
Ang isang taong namatayan ng biglaan ay maaaring magkaroon ng matinding kalungkutan. Pwede silang ma-overwhelm at hindi makapag-isip nang maayos. Ayon sa mga doktor ang mga epekto ng kalungkutan ay madalas na kahawig ng depresyon. Kaya kung nahaharap ka sa isang malaking pagkawala at nahihirapan kang makayanan ito, magpatingin ka sa iyong doktor. Dahil hindi biro ang laban sa pagtanggap ng kamatayan ng mahal sa buhay, maaari kang mamanhid at maging in denial lalo na kung biglaan ang pagkasawi.
Narito pa ang ilang epekto ng biglaang pagpanaw ng kaanak
- Pag-examine ng kanilang spiritual life
Ang mga taong namatayan ay madalas na naghahanap ng kahulugan at sinusuri ang kanilang espirituwal na paniniwala. Kung saan ito ang isa sa paraan nila upang mahanap ang sagot sa kanilang mga katanungan at pinagdadaanan.
- Pagkakaroon ng complicated grief
Sa ilang mga namatayan ang kalungkutan ay maaaring tumagal o mas maging matindi araw-araw. Ito ay maaaring makasagabal sa kanilang kakayahang makayanan ang pang-araw-araw na buhay. Ayon sa mga eksperto, ang matagal na kalungkutan ay tinutukoy rin bilang “complicated grief”. Ito ay ang patuloy na anyo ng matinding kalungkutan kung saan nahihirapan ang mga tao na mabuhay kasama ang pagkawala.
Sa halip na unti-unting mag-isip nang mas positibo, ang mga kaisipan nila maaaring maipit sa isang madilim, at malungkot na lugar. Maaari nilang maramdaman ang pag-iisa dahil sa pagkawala ng mahal sa buhay.
- Pag-withdraw ng kanilang hilig at emosyon
Maaaring maging iba ang pagkilos ng mga namatayan bilang tugon nila sa trahedyang naganap sa kanila. Pwede rin silang mag-isip na saktan ang sarili, mahirapan mag-concentrate, mag-withdraw, at hindi ma-enjoy sa kanilang mga karaniwang gawain.
Sa ilang mga pagkakataon pwede silang uminom, manigarilyo o gumamit ng droga para makalimutan ang sakit ng pagkawala ng mahal sa buhay.
- Pagpapabaya ng physical health
Ang pagluluksa ng mga namatayan ay maaaring maging nakakapagod na sanhi para humina ang immune system ng isang tao. Kung saan ito ang nagiging dahilan para mas madalas na magkaroon ng lagnat o iba pang sakit ang isang taong namatayan. Pwede rin maapektuhan ang kanilang pagtulog dahil sa pagod sa pagluluksa na humahantong madalas sa pagsakit ng tiyan, ulo, at katawan.
Bukod pa rito, hindi rin malayo na dahil sa pagluluksa ay mawalan ng appetite ang isang tao na humahantong sa pagbabago ng timbang.
- Post-traumatic growth
Ang ilang mga taong namatayan na matagumpay naharap ang kalungkutan at pagkawala ay maaaring magkaroon ng isang bagong pakiramdam ng karunungan, maturity at kahulugan sa buhay.