Inamin ng Kapuso star na si Carla Abellana na malaki ang naging epekto ng kanyang mga karanasan sa pagbaba ng kanyang confidence. Ang mga pangyayari sa buhay niya tulad ng paghihiwalay nila ng kanyang dating asawang aktor na si Tom Rodriguez ay ilan lamang sa mga dahilan ng pagbaba ng kanyang tiwala sa sarili. Gayunpaman naniniwala pa rin si Carla na ang mga hamon na ito ay nilayon para mas palakasin siya, bagama’t nakaramdam siya ng labis na panghihina.
“In life, we all go through ups and downs. We all have our own problems, issues, struggles. Wala naman lumalampas na taon na wala kang pinagdaraanan. Whether you’re at your best, you’re happy, you’re at the top, laging may papasok na challenges or problems. Laging may papasok na unexpected talaga,” paglalahad ni Carla.
Matatandaan na nagpakasal sina Carla at Tom noong Oktubre 2020, at isinapubliko lamang ito noong Marso 2021. Sila ay ikinasal sa Madre de Dios Chapel, Tagaytay Midlands sa Talisay, Batangas noong ika-23 ng Oktubre 2021.
Subalit noong Enero 2022 nagkaroon ng breakup rumors ang mag-asawa nang i-unfollow ni Tom Rodriguez si Carla sa social media. Hindi rin nagtagal ay inamin din ni Tom noong Hulyo na divorced na sila ni Carla.
Kumusta Na Si Carla at Tom
“I’m okay now,” ito ang sagot ni Carla noong tanungin siya sa isang interview kung kamusta na siya.
“Medyo nakakapanibago lang dahil may face-to-face na uli pero okay naman, happy and excited. Tuloy-tuloy naman ‘yung mga blessing na dumarating. May mga guesting from time-to-time, appearances. I am busy na rin building my new house. And I have more time to take care of my family and myself.”
Sa ngayon ay abala sina Carla at Tom Rodriguez sa kani-kanilang trabaho at buhay. Kapwa nila sinusubukan harapin ang bawat bukas na hindi na kasama ang isa’t isa. Kung saan hindi ito naging madali noong una para sa kanila. Kaya naman marami ang curious sa kung paano mag-move on sa pakikipaghiwalay sa asawa o boyfriend/girlfriend — o paano ito pwedeng harapin.
5 Tips Paano Mag-Move On Sa Ex
Ayon sa mga eksperto at doktor, maraming mga bagay ang maaari mong gawin na makakatulong sa’yong makayanan ang isang break up. Dagdag pa nila ang pinakamahalagang bagay na maaari mong gawin ay bigyan ang iyong sarili ng oras at huwag pilitin ang sarili na maging masaya. Ang pagiging totoo sa nararamdaman ay makakatulong sa pagproseso ng iyong mga damdamin.
Bukod pa rito sa mga nabanggit, narito pa ang 5 tips sa pag-move on ayon sa mga doktor:
1. Kausapin o makipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan at pamilya
Hindi mo kailangan na mag-isang harapin ang sakit ng pakikipaghiwalay. Maaari kang makipag-usap sa mga taong pinagkakatiwalaan mo dahil pwede ka nila matulungan sa iyong pagbangon. Ang pagsasabi rin sa kanila ng iyong nararamdaman ay makakatulong upang gumaan ang iyong pakiramdam, sapagkat mararamdaman mo na hindi ka nag-iisa at may karamay ka.
2. Ipaalala sa iyong sarili ang magaganda mong katangian
Tulad ni Carla Abellana maraming tao ang bumababa ang kanilang confidence dahil sa iba’t ibang karanasan — gaya ng pakikipaghiwalay sa karelasyon. Kaya naman ipinapayo ng mga doktor na kahit mahirap ay pilitin mong balikan at tingnan ang iyong magagandang katangian, dahil makakatulong ito para maiwasan o mabawasan ang iyong pagse-self pity. Ang pagkilala rin sa iyong magandang katangian ay makakatulong rin sa iyong pag mo-move on dahil magkakaroon ka ng kumpyansa sa sarili mo na kaya mong lagpasan ang sakit na dulot ng break up.
3. Magsimula ng bagong hobby o gawin ang mga bagay na makapagpapasaya
Maglaan ka ng oras sa pagdiskubre ng iyong mga bagong interes. Maaari ka ring makahanap ng isang bagong tao na gustong gawin ang mga bagay na tulad nang sa iyo. Bukod pa rito, ang paggawa ng iyong hobby ay makakatulong upang magkaroon ka ng “me time” at mas mapahalagahan ang sarili.
4. Magsulat
Sumulat ng tula, kanta, o sumulat ng liham tungkol sa iyong mga iniisip at nararamdaman at itago ito o punitin pagkatapos isulat. Makakatulong ito para mas maunawaan ang sarili at mailabas ang tunay na nararamdaman na kailangan sa proseso ng iyong pagmo-move on kay ex.
5. Gawin ang iyong normal routine
Bagamat mahirap magsimula muli pagkatapos ng isang break up, mas maganda pa rin na ipagpapatuloy mo ang iyong mga routine na ginagawa sa araw-araw. Ang pagpasok sa paaralan, pag-eehersisyo, paglabas kasama ang mga kaibigan, at iba pa ay makakatulong upang malibang ka at masanay na ginagawa ang bagay na wala na ang dating kasintahan. Isa ito sa mga mabisang paraan kung paano mag-move on kay ex.