backup og meta

Ano nga ba ang kondisyon na anorexia nervosa?

Ano nga ba ang kondisyon na anorexia nervosa?

Ano ang anorexia?

Isang silent killer ang anorexia nervosa.

Marami na itong kinitil at inilagay sa panganib na buhay. Magpapatuloy pa rin ito hangga’t hindi pa rin naisusulong ang kamalayan hinggil sa kung ano ang anorexia nervosa.

Sa artikulong ito, matututunan mo ang ilang pangunahing kaalaman hinggil sa kung ano ang anorexia nervosa at kung paano mo ito haharapin. Narito ang mga bagay na hindi sinasabi sa iyo tungkol sa paglaban dito.

Ano ang Anorexia?

Ang anorexia nervosa ay isang uri ng eating disorder. Mailalarawan ito bilang matinding pagbaba ng timbang na dulot ng pagkagutom. Ang matinding pagbaba ng timbang dahil sa kondisyong ito ay maaaring mauwi sa mga seryosong problema sa kalusugan at kamatayan.

Maaaring isalin ang salitang anorexia na nangangahulugang “pagkawala ng gana” bagaman maaaring mali ito. Ang mga taong nakararanas ng ganitong uri ng disorder ay madalas at sobrang nagugutom. Bagaman sobrang gutom na sila, hindi pa rin sila kumakain. Ginagawa nila ito dahil sa takot na tumaas ang timbang.

Sino ang Nakararanas ng Anorexia?

Bagaman maaari ding makaranas ng anorexia ang mga lalaki, karamihan sa mga kaso nito ay mga babae. Mataas ang panganib na makaranas ng disorder na ito ang mga aktor, modelo, atleta, at iba pang propesyon na puhunan ang hitsura at physical fitness.

Kadalasang mga achiever ang nakararanas ng anorexia. Mahusay sila sa paaralan at maging sa propesyon na kanilang pinili. Sila ang may tendency na maging perfectionist.

Bagaman normal na lumilitaw ang anorexia sa puberty, puwede itong maranasan sa anumang edad.

Mga Sanhi ng Anorexia

Ano ang mga sanhi ng anorexia?

Sa kasamaang palad, hindi pa rin malinaw ang eksaktong sanhi ng anorexia. Batay sa pananaliksik, maaaring kombinasyon ito ng personalidad, pattern ng pag-iisip, mga emosyon, kapaligiran, at iba pang salik.

Ang mga nakararanas ng ganitong disorder ay kadalasang ginagamit ang pagkain bilang paraan upang maramdaman nilang kontrolado nila ang kanilang buhay sa mga pagkakataong hindi na nila kinakaya ang mga pangyayaring dumarating. Maaari din silang bumaling sa pagkain kapag ang ilang aspekto ng kanilang buhay ay bumabagsak.

Ang katotohanang karamihan sa ating lipunan ay itinutumbas ang pagiging payat sa pagiging maganda at pagiging mataba sa pagiging pangit ay nakaaambag sa salik kaya’t nakararanas ng ganitong disorder ang mga tao. Kabilang sa iba pang factor ang kalungkutan, at pakiramdam ng pagiging kulang na tunay na nakaaapekto sa tao. Maaari ding magkaroon ng ganitong disorder ang mga taong madalas asarin o pagtawanan noong bata pa dahil sa kanilang timbang.

May mga ebidensya ring nagsasabi na ang eating disorder ay mayroong ilang pisikal na mga sanhi. Ang pagbabago sa level ng hormone sa katawan ay maaaring magdulot ng anorexia. Mayroon ding patunay na sa kabilang banda, puwedeng maapektuhan ng anorexia ang mga hormone ng ating katawan.

Mga Sintomas ng Anorexia

Ang pinakahalatang sintomas ng anorexia ay ang matinding pagbaba ng timbang na pinagdaraanan ng mga taong may disorder na ito. Lumilitaw ang sintomas na ito kalaunan na nagiging sanhi ng iba pang mga sintomas.

Narito ang iba pang sintomas ng anorexia na dapat mong malaman:

  • Kaunting-kaunti kung kumain kahit napakababa na ng timbang
  • Matindi at hindi makatwirang takot na tumaba
  • Kakaibang habit sa pagkain
  • Nakakaramdam na parang mataba kahit kulang sa timbang
  • Sobrang kritikal sa sarili
  • Malaki ang epekto sa kanyang self-esteem ang kanyang timbang
  • Depresyon at anxiety
  • Irregular menstrual periods para sa mga babae

Hindi lamang ito ang tanging mga sintomas na makikita sa mga taong may anorexia ngunit mayroon pang ibang mas karaniwan.

Gaya ng nabanggit kanina, maaaring magdulot ng seryosong problema sa kalusugan at kamatayan ang anorexia. Kailangan itong magamot sa lalong madaling panahon. Maaari itong makasira sa mahahalagang organ gaya ng puso, utak, at mga bato. Puwede rin itong maging dahilan upang bumagsak ang blood pressure, maging ang paghinga. Mayroon ding ilang may anorexia na nakararanas ng pagkalagas ng buhok. Karamihan sa mga problemang ito ay dulot ng kakulangan sa nutrisyon.

Ang pinakaseryosong mga kaso ng anorexia ay maaaring mauwi sa pagkamatay. Sanhi ito ng matagal na pagkagutom. Ngunit isa rin ang pagpapakamatay sa nangungunang sanhi nito sa mga taong nakararanas ng anorexia. 

Paano Nasusuri Kung May Anorexia?

Dahil malihim at nahihiya sa kanilang pinagdaraanan ang mga taong may anorexia, mahirap itong ma-diagnose. May ilang mga taong ayaw aminin na nakararanas sila nito.

Gagamitin ng mga doktor ang mga sintomas bilang mga indicator, saka magsasagawa ng physical examination upang malaman kung nakararanas ba ng anorexia ang isang tao. Tandaang walang tiyak na exam na makatutukoy kung nakararanas ba ng eating disorder ang isang tao. Ngunit kaya itong masabi ng mga doktor.

Hahanapin muna ng mga doktor ang iba pang dahilan ng mga sintomas. Ang biglaang pagbagsak ng timbang, halimbawa, ay maaaring dulot ng iba pang karamdaman. Kung hindi makahanap ng iba pang sanhi para sa mga sintomas, saka siya papayuhang magpunta sa psychologist o psychiatrist.

Pag-iwas sa Anorexia

Imposibleng makaiwas sa isang disorder kung hindi malinaw kung ano ang mga sanhi nito. Gayunpaman, may ilang mga paraan na puwedeng gawin upang mabawasan ang tsansang magkaroon ng anorexia. Ang pagkain ng masustansya, halimbawa, ay pinaniniwalaang maganda ang natutulong upang makaiwas sa anorexia dahil nagbibigay ito ng lahat ng nutrisyon at bitamina na kailangan ng katawan.

Napakadelikadong disorder ang anorexia. Napakadelikado nito dahil kaunti pa lamang ang nalalaman natin tungkol dito. Kung may kakilala kang sa tingin mo ay dumaranas ng anorexia, kumbinsihin mo siyang kumonsulta sa doktor.

Matuto pa tungkol sa eating disorder dito.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Anorexia, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/anorexia-nervosa/symptoms-causes/syc-20353591, Accessed July 22, 2022

Anorexia, https://www.hormone.org/diseases-and-conditions/anorexia, Accessed July 22, 2022

Ask Dr. Rob About Eating Disorders, https://www.health.harvard.edu/mind-and-mood/ask-dr-rob-about-eating-disorders, Accessed July 22, 2022

Stress, Disordered Eating, and Mental Health, https://www.hsph.harvard.edu/population-mental-health/2021/03/05/stress-disordered-eating-and-mental-health/, Accessed July 22, 2022

Eating Disorders, https://www.psycom.net/eating-disorders-suicide, Accessed July 22, 2022

Kasalukuyang Version

06/21/2023

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Mia Dacumos, MD

In-update ni: Mia Labrador, MD


Mga Kaugnay na Post

Anorexia Nervosa vs Bulimia: Mga Pagkakaiba, Sintomas, at Paggamot

Mga Dapat Malaman Tungkol Sa Bulimia


Narebyung medikal ni

Mia Dacumos, MD

Nephrology · Makati Medical Center


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement