Bawat tao ay paminsan-minsang nakakaranas ng anxiety o pagkabalisa. Maaaring maranasan mo ito kapag nagkaroon ka ng problema, o kapag sumali ka sa isang kompetisyon, o bago kumuha ng pagsusulit. Gayunpaman, ang hindi gumagaling na pagkabalisa ay may kasamang higit pa sa kaba o takot.
Sa mga anxiety disorders, ang mga takot, pag-aalala, o pagkabalisa ay hindi nawawala. Karaniwang lumalala ang mga ito habang lumilipas ang oras nang walang paggamot. Malubhang nakakaapekto ito sa pang-araw-araw na karanasan at pakikipag-ugnayan ng isang tao, kasama na sa trabaho o sa paaralan.
Paano nagiging disorder ang hindi gumagaling na anxiety?
Ang konting stress at anxiety ay may iba’t ibang epekto sa tao. Para sa ilan, nagiging mas productive sila kapag may konting stress. Nagmo-motivate ito sa kanila na maging mas mahusay. Pero sa ibang tao, may mga oras na ang pagkabalisa ay nananaig sa kanila at pagtagal, hindi na nakakayanan. Nagiging overwhelming ito, hanggang sa punto na hindi na sila gumagalaw tulad ng dati.
Kapag naging masyadong mataas ang mga level ng stress, takot, at pag-aalala, maaari itong mauwi sa anxiety disorder. Maraming iba’t ibang uri ng mga anxiety disorder, ngunit ang pinakakaraniwang anyo nito ay ang generalized anxiety disorder. Ito ay ang labis at patuloy na pagkabalisa at pag-aalala sa karamihan ng mga araw sa loob ng hindi bababa sa 6 na buwan. Ang mga alalahanin ay maaaring tungkol sa mga personal conflicts, kalusugan, paaralan, trabaho, o mga relasyon.
Ano ang signs at symptoms ng hindi gumagaling na pagkabalisa?
Hindi pare-pareho ang mga sintomas sa bawat tao. Maaaring may maraming pagkakatulad at karaniwang mga palatandaan sa mga taong dumaranas ng chronic anxiety. Ngunit lahat ng tao ay naaapektuhan nang iba ng mga kaganapan sa kanilang buhay.
Ang mga posibleng sintomas ay kinabibilangan ng:
- Takot na gumawa ng mga maling pagpili
- Kawalang-katiyakan
- Hindi mapakali at pakiramdam na nasa bingit
- Hindi maka-relax
- Masyadong iniisip ang bawat problema at sitwasyon
- Patuloy na pagkabalisa o pag-aalala tungkol sa mga bagay na maaaring wala sa iyong kontrol
- Ang hirap mag-concentrate
- Insomnia, o problema sa pagtulog sa gabi
- Nanginginig
- Labis na pagpapawis
- Pagduduwal
- Pagkapagod
Maaaring ang mga nabanggit ay parang natural o normal na mga aksyon sa ilang mga sitwasyon. Pero nakadepende pa rin ang lahat sa kung gaano ito nakakaapekto sa paraan ng pagtugon mo sa mga sitwasyon. Kung ang alinman sa mga ito ay nangyari sa iyo at nagpapatuloy, maaaring oras na upang humingi ng tulong mula sa isang propesyonal.
Kung may anxiety, hindi ibig sabihin na palagi mo itong nararamdaman sa lahat ng oras ng buhay mo. Maaaring nakakaranas ka ng pagkabalisa kahit na wala kang anumang dahilan. Ang nagbabantang pakiramdam na may masamang mangyayari ay maaaring isang bagay na nakakaabala sa iyo sa lahat ng oras.
Paano Mabuhay na may Chronic Anxiety?
Sa mga taong may pagkabalisa, maaaring napaka-stressful ng buhay. Maaari nilang pilitin ang kanilang sarili na gumawa ng higit sa kanilang makakaya. Maaari silang mag-overcompensate ng marami para sa mga bagay na sa tingin nila ay kulang sa kanila. Ang mga taong may talamak na pagkabalisa ay maaaring lubos na kailangan ng validation at reassurance.
Ngunit iba’t iba ito sa bawat tao. Makipag-ugnayan sa isang propesyonal kung sa palagay mo ay:
- Ang pag-aalala at takot na iyong nararamdaman ay labis na nakakasagabal sa iyong buhay – trabaho, relasyon, at iyong kapakanan
- Masyado kang depress o moody
- Gumagamit ka ng mga droga, alak, at iba pang substances upang makatakas, o para maging mas kalmado
- Mayroon kang mga suicidal na pag-iisip at pag-uugali
Key Takeaway
Ang pagkabalisa ay maaaring malubhang makaapekto sa iyong buhay. Maaaring hindi gumana kaagad ang tulong medikal at propesyonal, ngunit hindi ito nangangahulugan na hindi na gagaling ang mga bagay. Sa sandaling napansin mo na ang iyong mga takot ay nagdulot sa iyo ng labis na pag-iisip at nagbibigay sa iyo ng higit na hindi kinakailangang stress, pinakamahusay na humingi ng tulong sa lalong madaling panahon. Ang pagkabalisa ay mas mahusay na ginagamot kapag natukoy nang maaga.
Kasama ng tulong medikal, matutulungan mo rin ang iyong sarili sa pamamagitan ng pag-aaral kung paano unahin ang mga bagay, at mas mahusay na pag-aalaga sa iyong sarili.
Maaaring mahirap ang pamumuhay na may malalang anxiety, ngunit hindi ito palaging kailangang ganoon.