Dahil sa social distancing at sa mga lungsod na naka-lockdown, parami nang parami ang mga tao na naghahanap ng skin-to-skin contact. Dahil dito, nahihirapan ang mga tao na manatili sa bahay, lalo na at posibleng nakararanas sila ng phenomenon na tinatawag na “skin hunger.” Ano ang skin hunger? At ano ang epekto nito sa mental health?
Ano Ang Skin Hunger?
Tinatawag na skin hunger ang pangangailangan nating humawak at mahawakan ng iba. Social creatures ang mga tao kaya likas nating hinahanap ang pakikipag-ugnayan sa iba, at mahalagang bahagi nito ang paghawak.
Sa katunayan, napakahalaga ng paghawak sa ating buhay na siyang rason kung bakit ipinapatong ang mga bagong panganak sa dibdib ng kanilang ina matapos nila isilang. Nagsisimulang magkaroon ng bonding kapag may skin-to-skin contact ang mga bagong silang at kanilang mga ina, na nagiging pundasyon ng isang ligtas at matatag na relasyon. Nakatutulong ang ganitong klase ng relasyon sa bata para lumaki silang may kakayahan harapin ang stress.
Para sa mga nasa hustong gulang, malaking bahagi rin ang skin-to-skin contact sa kung paano tayo nakikihalubilo at nakikipag-ugnayan sa isa’t isa. Nakatutulong ang paghalik, pagyakap, paghawak-kamay, at kahit high-five para makuha ang neurological need natin sa paghawak.
At sa tuwing makakakilala tayo ng bago, isa sa mga unang bagay na ginagawa natin ang pakikipagkamay. Nakatutulong ito na makabuo ng relasyon at ipaalam sa tao na mapagkakatiwalaan tayo.
Ito rin ang dahilan kung bakit sa tuwing nalulungkot o nalulumbay tayo, tila isang yakap lamang at nawawala na ang ating mga problema. Ito ang dahilan kung bakit napakagandang pakiramdam ng isang tapik sa likod pagkatapos mo gumawa ng mabuting bagay, at kung bakit natural lamang ang paglalagay ng braso sa balikat ng isang kaibigan.
Bakit Biglang Naghahanap Ng Skin-To-Skin Contact Ang Mga Tao?
Dahil sa lockdown, at sa social distancing bilang new normal, parami nang parami ang mga taong nakararanas ng skin hunger. Ano ang skin hunger?
Para sa ibang tao, kaya nilang tiisin ang hindi pakikipag-ugnayan sa ibang tao sa loob ng ilang araw. Maaaring tanggap din ng ilan ang mga pagbabago at ang oras nila para sa sarili.
Ngunit kung naka-lockdown ka na ng maraming buwan at matagal nang walang physical contact, maaari mong maramdaman ang mga epekto ng isolation.
Posibleng negatibong makaapekto sa iyong kalusugan ang patuloy na isolation, kasama na ang kawalan ng physical contact. Maaari kang maging balisa, iritable, maiinipin, at maaari mo rin maramdaman na tila ba bumaliktad ang iyong mundo.
Nagiging mas mahirap ang pag-adjust sa kasalukuyang sitwasyon dahil pisikal tayong nakahiwalay sa ating mga kaibigan at mahal sa buhay. Sila ang grupo ng suporta na kailangan natin sa mapanghamong panahon tulad nito at nagiging mas mahirap ito harapin nang malayo sa kanila.
Kapag nakahiwalay ang mga tao sa isa’t isa sa mahabang panahon, narito ang ilang bagay na maaaring mangyari:
- Nagiging mas balisa atstressed sa maliit na bagay.
- Nahihirapan ang ilan na matukoy kung gaano katagal na panahon na ang lumipas.
- Madaling mainis o mairita.
- Ilan ang naghahanap ng atensyon.
- Maaari lumala ang kasalukuyang kondisyon sa kalusugan tulad ng hypertension, diabetes, at mga problema sa puso.
- Maaaring tumindi ang pakiramdam ng kalungkutan.
- Posible ang burnout, lalo na sa mga nagtatrabaho sa bahay.
- Ilan ang maaaring dumanas ng depresyon.
Resulta ang lahat ng ito ng kakulangan ng physical contact sa ibang tao. At sa pinagsamang takot at balisa na dulot ng pandemya, nahihirapan manatiling malusog ang kaisipan ng lahat ng tao sa buong mundo sa panahong ito.
Ano Ang Makatutulong sa Skin Hunger?
Ang physical contact sa ibang tao ang pinakamagandang solusyon para sa skin hunger. Patuloy pa rin ang pandemya, kaya kailangan pa rin ng mga taong iwasan ang physical contact hanggang sa maaari.
Gayunpaman, may ilang bagay na maaari mong gawin upang makatulong na mapawi ang skin hunger at paghahanap ng skin-to-skin contact:
1. Lumapit sa mga mahal sa buhay
Kung mag-isang naninirahan, magandang ideya na magpadala ng mensahe sa mga kaibigan o pamilya. Hindi man ito katulad ng personal na kasama sila, ngunit tiyak na mararamdaman mo ang pagmamahal nila kahit video call lang ito.
Tamang panahon din ito para muling makipag-ugnayan sa mga kaibigan na matagal mo nang hindi nakakausap.