backup og meta

Paano ang Tamang Paghugas ng Kamay? Alamin Dito!

Paano ang Tamang Paghugas ng Kamay? Alamin Dito!

Bata pa lang, lagi na tayo pinaalalahanan na ugaliing magkaroon ng malinis ang kamay bago at pagkatapos humawak ng kahit anumang bagay. Mas nangibabaw ang paalalang ito lalo pa’t nasa gitna tayo ng pandemya buhat ng isang maliit na virus. Ngunit, paano nga ba ang tamang paghugas ng kamay? Basahin ang artikulong ito upang malaman ang kasagutan. 

Bakit Mahalaga ang Tamang Paghugas ng Kamay?

Ang pagpapanatiling malinis ng mga kamay ay isa sa pinakamahalagang hakbang na maaari nating gawin upang maiwasan ang pagkakasakit at pagkalat ng mga mikrobyo sa ibang mga taong ating makakasalamuha. Maraming sakit at kondisyon ang kumakalat sa pamamagitan ng hindi tamang paghugas ng kamay.

Ang paggamit ng sabon at tubig sa paghuhugas ng kamay ay nakatutulong maiwasan ang mga impeksyon marahil:

  • Madalas na hinahawakan ng mga tao ang kanilang mga mata, ilong, at bibig nang hindi man lang namamalayan. Ang mga mikrobyo ay maaaring makapasok sa nasabing mga parte ng katawan na nagiging rason kung bakit tayo ay madalas na magkasakit.
  • Ang mga mikrobyo ay maaaring makapasok sa mga pagkain at inumin habang inihahanda o kinakain ng mga tao. Ito ay maaaring dumami sa ilang uri ng pagkain o inumin, sa ilalim ng ilang partikular na kondisyon, at makapagdulot ng sakit sa mga tao.
  • Maaaring lumipat ang mga mikrobyo sa iba pang mga bagay, tulad ng mga handrail, table top, o mga laruan, at pagkatapos ay ilipat sa mga kamay ng ibang tao.

Humigit-kumulang 1.8 milyong bata na wala pang 5 taong gulang ang namamatay bawat taon mula sa mga sakit sa pagtatae at pulmonya, ang dalawang nangungunang dahilan na kumikitil ng buhay ng mga maliliit na bata sa mundo.

Samakatuwid, ang pag-alis ng mga mikrobyo sa pamamagitan ng tamang paghuhugas ng kamay ay nakatutulong upang maiwasan ang pagtatae at mga impeksyon sa paghinga at mga impeksyon sa balat at mata. Higit pa rito, malaki rin ang ambag na nabibigay ng kaalaman tungkol sa wastong at tamang paghugas ng kamay upang mapanatiling malusog at ligtas ang ating mga kumunidad. 

Paano ang Tamang Paghugas ng Kamay?

Ang tamang paghugas ng kamay ay isang madaling at mabisang paraan upang labanan ang pagkalat ng mga mikrobyo sa paligid. Sundin ang limang hakbang na ito upang mapanatiling malinis ang mga kamay:

  1. Basain ang iyong mga kamay gamit ang malinis at umaagos na tubig (mainit man o malamig). Patayin ang gripo matapos magbasa at lagyan ng sabon ang mga kamay. 
  2. Hugasan ang iyong mga kamay sa pamamagitan ng pagkuskos gamit ang sabon. Hugasan ang likod ng iyong mga kamay, sa pagitan ng iyong mga daliri, at sa ilalim ng iyong mga kuko.
  3. Kuskusin nang maayos ang mga kamay nang hindi bababa sa 20 segundo. Kumanta ng Alphabet song o Happy Birthday kung kailangan ng timer.
  4. Banlawan nang mabuti ang iyong mga kamay sa pamamagitan ng umaagos na tubig.
  5. Patuyuin ang iyong mga kamay gamit ang isang malinis na tuwalya o patuyuin ang mga ito sa hangin.

Kailan Dapat Maghugas ng Kamay?

Bagama’t imposibleng panatilihing walang mikrobyo ang iyong mga kamay, ang madalas na tamang paghugas ng kamay gamit ang sabon at tubig ay maaaring makatulong na limitahan ang paglilipat ng bacteria, virus at iba pang mikrobyo.

Ugaliing maghugas ng kamay bago at matapos ang:

  • Paghahanda at pagkain ng pagkain
  • Paggamot ng mga sugat o pag-aalaga sa taong may sakit
  • Paghawak sa isang bagay o ibabaw na madalas hawakan ng ibang tao, gaya ng mga hawakan ng pinto, gas pump o shopping cart
  • Pagpasok o pag-alis sa isang pampublikong lugar
  • Pagpasok o pagtanggal ng mga contact lens

Ugaliing maghugas ng kamay pagkatapos:

  • Gumamit ng palikuran, magpalit ng lampin o maglinis ng isang bata na gumamit ng palikuran
  • Maghawak ng hayop, pakain ng hayop o dumi ng hayop
  • Suminga, umubo, o bumahing 
  • Humawak ng basura
  • Humawak ng pagkain ng alagang hayop o mga pagkain ng alagang hayop

Gayundin, hugasan ang iyong mga kamay kapag sila ay nakikitang marumi.

Maaari bang Gumamit ng Hand Sanitizer?

Ang paghuhugas ng mga kamay gamit ang sabon at tubig ay ang pinakamainam na paraan. Gayunpaman, isang magandang alternatibo ang  paggamit ng hand sanitizer kapag walang sabon at tubig.

Ang mga hand sanitizer ay dapat maglaman ng hindi bababa sa 60% na alkohol. Ang mga kamay ay dapat na kuskusin nang magkasama (kabilang ang pagitan ng mga daliri) hanggang sa matuyo, na tatagal din ng humigit-kumulang 20 segundo. Mahalagang ilayo ang hand sanitizer sa maliliit na bata dahil maaari itong maging nakakalason kung ito ay kanilang malunok.

Key Takeaways

Ang tamang paghugas ng kamay ay isang madaling paraan upang maiwasan ang impeksyon at iba pang mga sakit. Malaking tulong ang naidudulot nito hindi lang para sa sarili kundi para na rin sa kumunidad na kinabibilangan. 
Ugaliing hugasan ang kamay upang sa maprotektahan ang iyong kalusugan.

Alamin ang iba pa tungkol sa Kalusugan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Hand-washing: Do’s and don’ts, https://www.mayoclinic.org/healthy-lifestyle/adult-health/in-depth/hand-washing/art-20046253 Accessed May 13, 2022

Hand Washing: Why It’s So Important, https://kidshealth.org/en/parents/hand-washing.html  Accessed May 13, 2022

The Importance of Handwashing, https://www.nationwidechildrens.org/family-resources-education/700childrens/2020/12/importance-of-handwashing Accessed May 13, 2022

When and How to Wash Your Hands, https://www.cdc.gov/handwashing/when-how-handwashing.html Accessed May 13, 2022

Show Me the Science – Why Wash Your Hands?, https://www.cdc.gov/handwashing/why-handwashing.html Accessed May 13, 2022

 

Kasalukuyang Version

06/02/2022

Isinulat ni Fiel Tugade

Narebyu ng Eksperto Dexter Macalintal, MD

In-update ni: Dexter Macalintal, MD


Mga Kaugnay na Post

Panganib ng Microplastic sa Kalusugan, Alamin!

Epekto ng Iodine Deficiency, Alamin!


Narebyu ng Eksperto

Dexter Macalintal, MD

Internal or General Medicine


Isinulat ni Fiel Tugade · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement