Ang pag-inom ng antibiotic na walang reseta ay mahigpit na ipinagbabawal sapagkat maaari itong magresulta ng mga medikal na komplikasyon at problema. Gayunpaman, may mga indibidwal pa rin na patuloy itong ginagawa dahil umaasa sila na bibilis ang pagbuti ng kanilang pakiramdam at kalusugan.
May mga pagkakataon din na mas pinipili na lang mag-self diagnose ng isang tao dahil ayaw nilang pumunta sa ospital at magpakonsulta sa doktor. Kaya naman humahantong ito sa pag-inom nila ng mga antibiotics na walang reseta. Subalit dapat mong tandaan na ang ganitong praktis at kaugalian ay hindi maganda dahil pwede itong maging sanhi ng paglala ng isang espisipikong karamdaman.
Mas maganda kung magpapakonsulta ka muna sa doktor bago uminom ng kahit anong antibiotics upang maiwasan ang pagkakaroon ng maling paggamot sa isang kondisyon.
Narito ang mga dahilan kung bakit hindi dapat uminom ng mga antibiotic na walang reseta:
1. Pagkakaroon Ng Antibiotic-Resistant Strains
Isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit nagiging masama ang pag-inom ng mga antibiotic na walang reseta ay dahil maaaring mauwi ito sa pagiging immune ng bakterya sa antibiotics na iniinom ng isang tao. Kung saan tinatawag na “antibiotic-resistance” ang pagiging immune ng bakterya sa antibiotics na nagiging dahilan upang malimitahan ang kakayahan ng ating katawan na labanan ang impeksyon.
2. Pag-Inom Ng Maling Antibiotics
Tandaan mo na hindi lahat ng antibiotics ay magkakapareho dahil bawat impeksyon ay mayroong mga angkop na type ng antibiotics na dapat inumin ang isang tao. Kaya naman napakahalaga na magkaroon ang isang tao ng konsultasyon muna bago mag-take ng anumang antibiotics, dahil may mga sakit na hindi nalulunasan ng antibiotics.
May mga pagkakataon kasi na ang sakit ng isang tao ay dahil sa virus at hindi sanhi ng anumang impeksyon. Dagdag pa rito, ang pag-inom ng mga antibiotic na walang reseta ay pwedeng maging sanhi ng pagpuksa o pagpatay sa mga good bacteria na mayroon sa ating katawan na lumalaban rin sa sakit.
3. Hindi Pagiging Mabisa Ng Mga Gamot Na Hindi Naireseta Ng Doktor
Kadalasan ang mga antibiotic na walang reseta ng doktor ay ang mga gamot na leftovers o natira mula sa mga nakaraang gamutan. Kaugnay nito, may mga pagkakataon na hindi na ganoong ka-epektibo ang mga gamot bilang paggamot gaya ng liquid antibiotics. Nawawala ang bisa ng mga gamot na ito kapag na-expire, hindi agad nainom, o nailagay sa refrigerator. Ang mga tableta na antibiotic naman ay nawawalan ng kabisahan kapag naitatago sa mainit o sa mga humid na lugar sa bahay gaya ng banyo.
Mga Dapat Tandaan Sa Pag-Inom Ng Gamot
Para makakuha ng angkop na gamot sa’yong karamdaman maganda kung magpapakonsulta ka sa isang doktor. Malaki ang maitutulong nila upang mas maintindihan mo rin ang dahilan ng iyong pagkakasakit at matukoy ang mga paggamot na dapat mong isagawa.
Huwag mo ring kakalimutan na ang antibiotics na para sa isang tao ay nakabatay sa kung ano ang iyong sakit, edad, at timbang kaya napakahalaga na mayroon kang patnubay ng doktor sa pag-inom.
Key Takeaways
Mahigpit na ipinagbabawal sa Pilipinas na makabili ang isang indibidwal ng kahit anong antibiotics sa mga botika at drugstores ng walang reseta na galing sa doktor. Ito ay ipinatutupad upang maiwasan ang pagkakaroon ng maling paggamot at maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon. Gayunpaman, marami pa ring mga tao ang nagsasagawa ng self-diagnosis at self-medicate para mas makamura at hindi na kailanganin na pumunta sa ospital at doktor. Subalit ang ganitong praktis ay hindi maganda dahil maaari itong mauwi sa pagkakaroon ng antibiotic-resistant strain ng bakterya. At ayon na rin sa mga eksperto, ang pag-inom ng antibiotics na hindi nireseta ng doktor ay pwede magdulot ng mga hindi magagandang side-effects sa kalusugan.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan dito.