Hindi kaila sa atin na mahalaga ang pahinga. Kapag napapagod sa trabaho o kaya sa gawaing bahay, mahalagang maglaan ng oras upang tumigil at pagpahingahin ang katawan bago bumalik ulit sa trabaho. Gayunpaman, maraming pagkakataon kung saan kahit pagod na tayo ay hindi natin nagagawang mamahinga, o kaya ay pinipilit nating magtuloy-tuloy dahil sayang ang oras.
Minsan pa nga ay inaantok na at kailangan nang matulog ay pinipilit pa rin nating magtrabaho. Sa mga ganitong sitwasyon, ang pagkakaroon ng oras na mamahinga ay parang luho. Pero ang katotohanan ay napaka-importante nito para sa atin.
Bakit kailangang magpahinga?
Ang simpleng paliwanag kung bakit natin kailangan magpahinga ay dahil nakatutulong ito upang mapawi ang ating pagod. Ito ay kabilang sa mga pangunahing pangangailangan ng ating katawan kasama na ang hangin, tubig, at pagkain.
Kapag tayo ay tuloy-tuloy na nagtatrabaho at nakararanas ng pagod ay ipinaparamdam sa atin ng ating katawan kung kailan tayo dapat magpahinga. Maari natin itong hindi pansinin at magtuloy-tulo lang sa ating ginagawa, darating rin sa punto na kung saan ay hindi na talaga kaya ng ating katawan at kailangan na ng pahinga.
Hindi lang limitad sa pisikal nating katawan ang halaga ng pagpapahinga. Pati ang utak natin ay kinakailangan rin nito. Halimbawa na lang ay kapag tayo ay nakararanas ng stressful na sitwasyon; nakakaramdam tayo ng kagustuhan na magpahinga pagkatapos nito.
Paano ito nakatutulong sa kalusugan?
Hindi lang limitado sa pagpapanumbalik ng lakas ang tulong ng pahinga. Malaki ang nagiging epekto ng wastong pahinga sa ating kalusugan. Heto ang ilan sa mga benepisyong ito:
- Pinapatibay ang ating resistensya
- Nakatutulong labanan ang anxiety at stress
- Nagpapabuti ng ating pakiramdam
- Nakatutulong bawasan ang mga sakit sa katawan
- Pampatibay ng cardiovascular system
- Nakatutulong pababain ang blood pressure
Ang mga nakalista sa taas ay iilan lamang sa mga posibleng benepisyo ng pagkakaroon ng sapat na pahinga.
Ano ang posibleng epekto ng kakulangan sa pahinga?
Kapag kinukulang ang katawan sa tulog at pahinga, ang unang nararamdaman ay matinding pagod at panghihina. Kasabay nito, posible ring tumaas ang levels ng stress, anxiety, at minsan ay nagiging iritable rin ang mga taong kinukulang sa pahinga.
Ang kakulangan rin ng tulog at pahinga ay maaaring makasama sa cardiovascular system, kidney, at pagmulan rin ng mataas na blood pressure. Ang isang dapat tandaan pagdating sa kakulangan ng sapat na pahinga ay hindi agad-agad na lalabas ang epekto nito. Posibleng okay pa ang pakiramdam mo pero habang tumatagal, naapektuhan na nito ang iyong kalusugan.
Paano makakakuha ng sapat na pahinga?
Maraming mga paraan upang makapagpahinga. Heto ang ilan sa mga maaaring gawin upang makapahinga ang iyong katawan:
- Pagkakaroon ng sapat na tulog
- Pag-iwas sa pagpupuyat
- Pag-meditate
- Pagkakaroon ng break mula sa paggamit ng computer at mga gadgets
- Pagbabasa
- Pagpikit ng mata
- Power nap