Ano ang TSH test? Ang thyroid-stimulating hormone test (TSH test) ay nakatutulong upang masukat ang dami ng thyroid-stimulating hormone sa dugo. Ang pituitary gland na matatagpuan sa base ng utak ay ang nagpoprodyus ng TSH. Responsable ang pituitary gland na ito sa bilang ng hormones na inilalabas ng thyroid.
Ang thyroid ay hugis paru-paro, maliit na gland na matatagpuan sa harap ng leeg. Naniniwala ang mga doktor na mahalaga ang gland na ito dahil ito ay nagpoprodyus ng tatlong pangunahing hormones tulad ng:
- Calcitonin
- Triiodothyronine (T3)
- Thyroxine (T4)
Sa tulong ng tatlong hormones na ito, kinokontrol ng thyroid ang maraming iba’t ibang paggana ng katawan na kinabibilangan ng paglaki at metabolismo.
Ang maraming TSH ay maaaring maging senyales na ang thyroid hormones ay hindi sapat tulad ng sa mga kaso ng hypothyroidism. Sa kabilang banda, ang mababang TSH ay maaaring mangahulugan ng sobrang thyroid hormones. Natuklasan ng mga pag-aaral na ang pituitary gland at thyroid ay nagtutulungan upang magprodyus ng tamang dami ng TSH. Gayunpaman, kung hindi maayos ang pagtutulungan ng dalawang ito o maapektuhan ang kanilang paggana, ang thyroid ay nagpoprodyus ng maaaaring sobra o kaunting thyroid hormones.
Sa mga kababaihan, ang lebel ng TSH ay maaaring bumaba nang kaunti habang nagreregla, nagbubuntis, o menopause. Gayunpaman, ang pagbabang ito ay maaring maging normal.
Kadalasan ang TSH test ay isinasagawa upang malaman kung may anomang hindi normal sa produksyon ng thyroid hormone. Gayundin, nakatutulong ang test upang matuklasan kung ang thyroid gland ay sobra o hindi gaanong aktibo. Sa pamamagitan ng pag-alam sa lebel ng TSH, mauunawaan ng doktor kung gumagana nang mabuti ang thyroid.
Ano Ang TSH Test? Bakit Ito Isinasagawa?
Maaaring irekomenda ng doktor ang thyroid stimulating hormone test kung ang isang tao ay nakararanas ng mga sintomas ng thyroid disorder, na maaaring hyperthyroidism o hypothyroidism.
Hyperthyroidism
Ito ay isang kondisyon kung saan ang thyroid gland ay nagpoprodyus ng sobrang hormones, nagpapasigla ng metabolismo ng katawan.
Ang mga sintomas ng hyperthyroidism ay kinabibilangan ng insomnia, gana sa pagkain, panginginig, mabilis na tibok ng puso, pamumugto, pag-umbok ng mga mata, pagkabalisa, at kahirapan sa pagtulog.
Narito ang listahan ng mga karaniwang sanhi ng hyperthyroidism:
- Ang thyroid nodules ay mga hindi mapapanganib na bukol na minsan ay nabubuo sa thyroid. Kung naging sobrang aktibo ang mga bukol na ito habang nagsisimulang lumaki, ang thyroid ay nagpoprodyus ng sobrang hormones.
- Ang Graves’s disease ay isang karaniwang sakit kung saan ang thyroid ay nagiging mas malaki at nagpoprodyus ng sobrang hormones.
- Ang sobrang iodine sa katawan ay maaaring maging sanhi upang ang thyroid ay magprodyus ng sobrang hormones. Maaari ding mangyari ang kondisyong ito kung ang isang tao ay gumagamit ng sobrang iodine na gamot. Kabilang sa mga gamot na ito ang Amiodarone na nakatutulong sa paggamot ng heart arrhythmias gayundin ng ubo.
- Ang thyroiditis ay maaari ding maging sanhi ng hyperthyroidism. Ito ay maaaring mangyari kung ang pamamaga ay maging sanhi upang ang thyroid ay magprodyus ng sobrang hormones at ilabas ang mga ito sa isang pagkakataon.
Hypothyroidism
Ang hypothyroidism ay isang kondisyon kung saan ang thyroid gland ay nagporpodyus ng sobrang kaunting thyroid hormone, na nakapagpapabaga ng metabolismo ng katawan. Ang karaniwang sintomas ng hypothyroidism ay kinabibilangan ng mababang lebel ng konsentrasyon, pagkapagod, pagtitibi, mababang tolerance sa lamig, panlalagas ng buhok, at hindi regular na regla.
Ilan sa mga karaniwang sanhi ng hypothyroidism ay ang mga sumusunod:
- Ang katawan ay gumagamit ng iodine upang magprodyus ng thyroid stimulating hormones. Gayunpaman, kung kulang sa iodine ang katawan, maaari itong humantong sa hypothyroidism.
- Ang Hashimoto’s disease ay isang autoimmune na sakit kung saan inaatake ng katawan ang sarili nitong thyroid cells. Maaaring hindi kakitaan ng anomang sintomas ang kondisyong ito. Kaya naman, kung maghinala ang doktor, maaaring irekomenda ang TSH blood test.
- Ang thyroiditis na sanhi ng pamamaga ng thyroid gland ay maaaring makompirma sa pamamagitan ng TSH test.
Ano Ang TSH Test? Mga Paghahanda
Walang tiyak na paghahandang kailangan para sa karaniwang thyroid-stimulating hormone test. Hindi kinakailangan ang fasting. Gayunpaman, maaari ding irekomenda ng doktor ang pag-iwas sa paggamit ng ilang gamot bago ang test dahil ang mga ito ay maaaring makaapekto sa resulta.
Ano Ang TSH Test? Resulta Nito
Ang normal lebel ng TSH ay 0.4 hanggang 4.0 milli-international units kada litro. Kung ang isang tao ay ginagamot para sa hindi normal na thyroid, ang normal na range ay 0.5 hanggang 3.0 milli-international units kada litro.
Kung ang isang tao ay may TSH value na higit pa sa malusog na range, nangangahulugang ang kanyang thyroid ay hindi gaanong aktibo, na kadalasang nangyayari sa hyperthyroidism. Kapag ang thyroid ay nagpoprodyus ng sobrang thyroid hormones, ang pituitary glands ay nagpoprodyus ng kaunting thyroid stimulating hormones.
Depende sa resulta ng thyroid stimulating hormone test, ang doktor ay maaaring magmungkahi ng mga gamot, gamutan, at iba pang medikal na pagsusuri.
Ano Ang TSH Test? Kailan Ito Dapat Ulitin
Upang makumpirma ang thyroid gland disorder, maaaring ipaulit ang pagsasagawa ng test. Kung sumasailalim sa gamutan, maaaring imungkahi ng doktor na ulitin ang TSH blood test makalipas ang ilang buwan upang masuri ang pagiging epektibo ng gamutan. Para sa bago pa lamang na-diagnose ang kondisyon o para sa may malubhang kondisyon, maaaring ipayo ng doktor ang pag-uulit ng test nang may regular na intervals upang mabantayan ang paglubha ng sakit at ang gamutan.
Ano Ang TSH test? Procedure Nito
Ang thyroid stimulating hormone test ay katulad ng ibang blood tests. Kadalasan, isang healthcare expert ang kukuha ng sample ng dugo mula sa ugat sa loob ng siko.
Lilinisin muna ang balat ng napiling bahagi at saka magtatali ng elastic band sa itaas na bahagi ng braso upang madaling makakuha ng dugo. Ituturok ang karayom at kukuha ng dugo mula sa ugat.
Kapag nakakuha na ng sapat na dami ng dugo, tatanggalin na ang karayom at elastic band, lilinis ang tinurukang bahagi, at maglalagay ng bandage.
Matapos ito, papangalanan ang sample ng dugo at ipadadala ito sa laboratoryo upang suriin.
Matuto pa tungkol sa Mga Medical Tests dito.