Ang pagkakaroon ng masakit na paa ay maaaring bunga ng mga aktibidad na ginagawa ng tao gaya ng labis na pagtakbo, at pagsusuot ng maling sapatos. Kung saan ang pagiging masakit ng paa ng tao dahil sa mga gawain na ito ay maaaring iugnay sa pagkakaroon nila ng “plantar fasciitis”.
Marahil ang iba sa atin ay hindi pamilyar sa kung ano ang plantar fasciitis at kung paano ito pwedeng makaapekto sa isang indibidwal. Kaya naman basahin ang artikulong ito para malaman ang mga mahahalagang impormasyon tungkol sa plantar fasciitis.
Ano Ang Plantar Fasciitis?
Ayon sa iba’t ibang mga pag-aaral at artikulo ang plantar fasciitis ay isa sa pinakakaraniwang dahilan ng pananakit ng sakong ng isang tao sa kanilang mga paa. Ito ay maaaring bunga ng iba’t ibang aktibidad na ginagawa ng tao tulad ng sobrang paglalakad.
Maituturing na sakit sa talampakan ang plantar fasciitis na sanhi ng pagkirot ng iyong sakong sa paa. Nagaganap ang plantar fasciitis kapag ang malakas na band ng tissue na sumusuporta sa arko ng iyong paa ay namaga o nairita. Sa madaling sabi, sangkot sa plantar fasciitis ang pamamaga ng iyong makapal na band ng tissue na dumadaloy sa ilalim ng mga paa na nag-uugnay sa mga buto ng sakong sa mga daliri ng iyong mga paa.

Sino Ang Karaniwang Nagkakaroon Ng Masakit Na Paa At Plantar Fasciitis?
Madalas na nagkakaroon ng plantar fasciitis ang mga atleta at indibidwal na may sobra sa timbang, dahil sa kanilang madalas na pagbibigay ng pressure sa kanilang mga sakong at talampakan kapag tumatakbo o naglalakad. Dagdag pa rito, karaniwan ang kondisyon na ito sa kahit anong edad at kasarian.
Ano Ang Mga Dahilan Ng Plantar Fasciitis?
Narito ang mga posibleng dahilan kung bakit nagkakaroon ng masakit na paa at plantar fasciitis ang isang tao:
- Pagiging buntis
- Pagkakaroon ng sobra sa timbang
- Pagsusuot ng mga sapatos o sandals na masikip o hindi angkop sa’yong mga paa
- Paglalaro ng mga isport na nagbibigay ng matinding pressure sa’yong sakong
- Pagiging matanda
- Sobra-sobrang pag-eehersisyo at pagja-jogging
[embed-health-tool-bmi]
Ano Ang Mga Maaari Mong Maramdaman Sa Pagkakaroon Nito?
Narito ang ilan sa mga pwede mong maranasan sa pagkakaroon ng plantar fasciitis:
- Mas lumalala ang sakit na nararamdaman sa sakong kapag nagsimula kang maglakad, at pagkatapos mong matulog o magpahinga.
- Ang sakit ay nararamdaman habang nag-eehersisyo ka at gumagawa ng iba’t ibang aktibidad.
- Nahihirapan kang itaas ang iyong mga daliri sa sahig,
Paano Nada-Diagnose Ang Plantar Fasciitis?
Maaaring tanungin ka ng iyong doktor tungkol sa lifestyle na mayroon ka at sa mga sintomas na iyong nararamdaman sa iyong paa.
Asahan mo rin na magsasagawa sila ng physical exam para matingnan ang arches o arko sa iyong paa at makita kung namumula, namamaga, at naninigas ito.
Pwede rin mag-utos ang doktor ng pagsasagawa ng x-ray, MRI, at ultrasound scan sa’yong paa upang makita kung ano pa ang posibleng dahilan ng pananakit ng iyong sakong.
Paano Ginagamot Ang Masakit Na Paa At Plantar Fasciitis?
Sa pagpapakonsulta sa doktor maaaring irekomenda nila ang mga sumusunod:
- Pagpapahinga sa paa
- Pagsusuot ng mga sapatos at sandals na magiging komportable ang iyong mga paa
- Pagsusuot ng orthotics
- Pag-inom ng pain-relief medicine
- Pagsasagawa ng physiotherapy na may kasamang espisipikong exercises para ma-strech ang Achilles tendon at plantar fascia
- Pagsusuot ng heel pads at arch na susuporta sa’yong sapatos
- Pagpapahid ng icepack ng 10-20 na minuto na pwedeng gawin ng 4 na beses sa isang araw
Kung hindi magiging epektibo ang mga paggamot na nabanggit maaaring magbigay na ng steroid injections sa iyong sakong ang doktor.
Key Takeaways
Sa oras na nakakasagabal na sa iyong pamumuhay ang pananakit ng paa, magpakonsulta na agad sa doktor. Doktor lamang ang makapagbibigay ng medikal na diagnosis sa’yong kondisyon. Huwag ka rin basta-basta na iinom ng mga gamot para maibsan ang pananakit ng iyong mga paa. Mas maganda pa rin kung magkakaroon ka ng reseta ng doktor upang maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon.
Huwag mo ring kakalimutan na maaaring mahirapan ang isang tao sa kanyang pagtayo, paglalakad, at paggawa ng iba’t ibang gawain dahil sa pananakit ng paa at sakong na dulot ng plantar fasciitis.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan dito.