Akala natin noon na ang mabilis na pagkakaroon ng bakuna para sa COVID-19 ay isa nang napakalaking tagumpay. Tapos, sinorpresa tayo ng mga siyentista ng hindi lang isa kundi maraming bakuna na gawa sa magkakaibang pamamaraan (mRNA technology, inactive virus, etc.). Ngayon, may panibago tayong milestone: Inaprubahan na ng Canada ang Covifenz, ang unang plant-based na bakuna sa COVID.
Narito ang dapat mong malaman hinggil sa development na ito:
Ang unang plant-based na bakuna sa COVID-19 ay mula sa pinagsama-samang pagsisikap
Nilikha ng Medicago, Inc at GlaxoSmithKline Plc (GSK) ang Covifenz. Mahalagang malaman na ang Medicago ay isang unit na pagmamay-ari ng dalawang kompanya: Ang Mitsubishi Chemical Holding Corps at Philip Morris International.
Ang plant engineering ay hindi na “bagong” technology
Nang ilabas ang mRNA vaccine, isa sa mga ikinatatakot ng mga tao ay ang pagiging bago ng teknolohiyang ito.
Bago ipag-alala ang plant-based technology, pakitandaang hindi na ito talaga bago. Sa katunayan, tatlong dekada nang mayroong plant engineering hanggang ngayon.
Kahit ang World Health Organization ay kinilala ang mga sumusunod na benepisyo ng mga bakunang mula sa halaman:
- Maaari tayong makapagprodyus ng maraming bilang nito nang mura.
- May napakaliit na tsansa ng plant virus contamination
- Maaari nating magamit ang karaniwang mga halaman tulad ng patatas at mais bilang carrier
- Puwedeng iimbak nang mas matagal ang mga bakunang gawa sa halaman
Gawa sa protina ang Covifenz
Ang bagong develop na plant-based na bakuna sa COVID-19 ay gawa sa mga protinang mula sa mga halaman na may malapit na kaugnayan sa tobacco. Ang mga protinang ito ay tulad ng virus na nagdudulot ng COVID-19 infection sa mga tao. May kakayahan itong “sanayin” ang ating immune system laban sa aktuwal na SARS-CoV-2.
Bukod dyan, mayroon ding Glaxo’s pandemic adjuvant ang Covifenz, isang substance na tumutulong upang mapalakas ang ating immune system. Ayon sa GSK, ang adjuvant ay “dagdag sa ilang bakuna upang mapalakas ang immune response, na gumagawa ng mas malakas at longer-lasting immunity laban sa mga impeksyon kaysa sa bakuna lamang.”
Noong Disyembre, ibinunyag ng mga ulat na ang bakunang ito ay may 71% efficacy rate laban sa maraming COVID variant. Lumabas din sa mga trial na 71% itong epektibo laban sa delta variant at 89% na epektibo laban sa gamma, na unang natukoy sa Brazil.
At dahil wala pang Omicron nang panahong isinagawa ang mga pag-aaral, nagbabalak ang kompanyang magsagawa pa ng mga pananaliksik.
Ano ang pwede nating asahan sa plant-based na bakuna sa COVID-19?
Sa panahong isinusulat ito, tanging sa Canada pa lamang aprubado ang Covifenz para sa mga taong edad 18 pataas. Ang bansang ito ay mayroon nang 76 milyong dose ng plant-derived vaccine. Gayunpaman, naiulat na nakikipag-usap na ang mga kompanya sa Japan, USA, at mga awtoridad sa Europa at Asya.
Sakaling maging available ang Covifenz sa Pilipinas, narito ang ilang bagay na dapat tandaan:
- 2 dose pa rin ang kailangan iturok nito (tulad ng karamihan sa mga bakuna natin ngayon)
- Maaaring maganda itong option para sa mga taong hindi komportable sa mRNA vaccines (Pfizer at Moderna)
- Madaling ibyahe at iimbak ang Covifenz dahil hindi nito kailangan ng ultra-low temperature para sa storage.
Depende sa mga resulta ng kanilang mga trial, maaari na rin nating magamit ito, bilang mga booster shot at sa mga batang wala pang 18 taong gulang.
Magpabakuna na laban sa COVID-19 sa lalong madaling panahon
Sa puntong ito, malinaw ngayon na dapat nang magpabakuna ang mga tao at magpa-booster hangga’t kaya nila. Idineklara na ng mga eksperto na ligtas at epektibo ang mga ito laban sa malalang kaso ng COVID-19 na nangangailangan ng hospitalization at maaaring mauwi sa pagkamatay.
Kailangan mo ba ng dagdag na impormasyon tungkol sa mga bakuna laban sa COVID-19? Baka makatulong sa iyo ang mga sumusunod na artikulo:
Syempre pa, kung mayroon kang pagdududa o inaalala tungkol sa bakuna at sa iyong kalusugan, pinakamainam na kumonsulta sa doktor.
Magbasa pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.