backup og meta

Ngipin Sa Leeg, Paano Ito Naging Posible? Alamin Dito!

Ngipin Sa Leeg, Paano Ito Naging Posible? Alamin Dito!

Trending sa iba’t ibang social media platforms ang balita tungkol sa babaeng may ngipin sa leeg. Kung saan, bunga ito ng dalawang palpak na operasyon para sa pagtanggal ng wisdom tooth ng pasyente. Sa video ng GMA News Feed, itinago sa pangalang “Rian” ang biktima. Ayon pa sa mga ulat, nakaranas si Rhian ng pamamaga at nana sa kanyang leeg dahil sa wisdom tooth extraction. Hindi maibuka ni Rian ang kanyang bibig at halos tatlong buwan na hindi makakain ng maayos.

“Para s’yang may bukol tapos sumakit ‘yung lalamunan ko. Sobrang sakit, hindi ko na kaya,” pahayag ni Rian.

Lumabas sa x-ray ni Rian na ang bumaong wisdom tooth ang dahilan kung bakit namamaga ang kanyang leeg. Noong una, inakala niya na natanggal ito ng magpunta siya sa dental clinic — ngunit mas bumaon lamang ito.

“Noong tinanggal na niya iyong ngipin ko, nagtaka ako kasi parang buo niyang tinanggal. Eh ‘yung kabilang ngipin ko noong tinanggal nang dati kong dentist, sinection niya” ayon kay Rian.

Subalit, ang sinabi sa kanya ng dentista na mas maganda raw kung buong tatanggalin ang ngipin niya. Dagdag pa rito, nang isasagawa na ang operasyon para sa kanya. Napansin niyang nagbago ang mukha ng dentista.

“Bigla kasing nagbago iyong hitsura ng muka niya. E natakot ako. Ang ginawa ko, pumikit na lang ako. Noong nakapikit ako, bigla niyang sinabi “Hayun! Buti na lang natanggal ko na,” pahayag ni Rian.

Basahin ang artikulong ito para sa mga mahahalagang detalye tungkol sa kwento ni Rian — at sa mga impormasyon tungkol sa wisdom tooth extraction.

Paano nangyari ang pagkakaroon ng ngipin sa leeg?

Matapos ang ilang linggo na pagbunot ng wisdom tooth ni Rian, nagsimula ang pamamaga sa kanyang leeg. Bumalik muli si Rian sa dentista para magpakonsulta, at niresetahan lamang siya ng antibiotics at vitamins. Subalit, hindi pa rin nawala ang pamamaga ng kanyang leeg at hindi na niya makontak ang dentista.

Kaya naman napagdesisyunan ni Rian na magpunta na sa espesyalista.

“Mukhang pinuwersa nang malakas iyong ngipin during binubunutan siya kaya nag-break off iyong buto doon sa banda likod noong ngipin kaya na-displace siya papunta sa submandibular space. Since nabasag iyong buto sa likod, na-shoot iyong ngipin papunta sa loob,” pagpapaliwanag ng doktor.

Ayon kay Dr. Gerald Hernandez isang oral surgeon, hindi natanggal ang wisdom tooth ni Rian na dapat bubunutin. Nausog o nawala lamang ito sa puwesto at nabaon sa leeg ni Rian nang mabasag ang likuran na bahagi ng buto sa kanyang panga. Ito ang pangunahing dahilan bakit nagkaroon siya ng ngipin sa leeg.

Natanggal ba ang ngipin sa leeg?

Ayon sa mga balita natanggal na ang wisdom tooth ni Rian, Subalit, hindi maitatanggi na nag-iwan ito ng matinding trauma sa pasyente. Dahil hindi naging biro ang naging karanasan niya sa pagkakaroon ng ngipin sa leeg.

Kaya naman nagpayo si Dr. Hernandez sa kanyang kapwa dentista na dapat alam ng bawat isa ang limitasyon sa practice nila — at sa skills. Para maiwasan ang anumang komplikasyon tulad ng mga naganap kay Rian.

Bakit mahalaga ang wisdom tooth removal?

Isang surgical procedure ang wisdom tooth extraction para alisin ang 1 o higit pang wisdom teeth. Ito ang apat na permanent adult teeth na matatagpuan sa likod na sulok ng bibig sa ibaba at itaas.

Ang wisdom teeth ang pangatlo o huling permanenteng ngipin na lalabas. Karaniwan na lumilitaw ito sa pagitan ng edad na 17 at 25. Ngunit, ang ilang mga indibidwal ay hindi kailanman nagkaroon ng wisdom teeth. Dahil para sa iba, ang wisdom teeth ay normal na lumalabas. Kagaya ng iba pa nilang molars at hindi nagiging dahilan ng problema.

Inirerekomenda ng ilang doktor, oral surgeons at dentista ang pagtanggal sa wisdom tooth. Kahit hindi pa nagdudulot ng mga problema ang mga apektadong ngipin. Ginagawa ang bagay na ito para maiwasan ang potensyal na problema sa hinaharap. 

Dagdag pa rito, kung walang space o puwang ang wisdom tooth sa pagtubo. Maaaring magresulta ito ng impacted wisdom tooth — at magresulta ng pananakit at impeksyon. 

Narito pa ang mga sumusunod na mga problema sa impacted wisdom teeth:

  • Pagkakaroon o pamumuo ng isang fluid-filled sac (cyst) sa paligid ng wisdom tooth
  • Mga komplikasyon sa orthodontic treatment para ituwid ang ibang ngipin
  • Pagka-trap ng pagkain at debris sa likod ng wisdom tooth
  • Impeksyon o sakit sa gilagid (periodontal disease)
  • Pagkabulok ng ngipin sa isang partially erupted na wisdom tooth
  • Pinsala sa malapit na ngipin o nakapaligid na buto

Maraming tao ang nagkakaroon ng impacted wisdom teeth. Dahilan para bahagyang hindi lumabas o hindi na talaga lumabas ang ngipin.

Ano ang pwedeng maganap sa apektadong wisdom tooth?

  • Lumaki sa right angle sa iba pang mga ngipin — na para bang ang wisdom tooth ay “nakahiga” sa loob ng jawbone.
  • Paglaki ng tuwid pataas o pababa gaya ng ibang mga ngipin. Subalit, nananatili itong nakakulong sa loob ng buto ng panga.
  • Lumaki sa anggulo patungo sa likod ng bibig.
  • Paglaki sa isang angle patungo sa susunod na ngipin (second molar)

Sino ang maaaring magtanggal ng wisdom tooth?

Laging tandaan na siguraduhin ang kakayahan at expertise ng doktor na magsasagawa ng operasyon sa pagtanggal ng wisdom tooth. Para maiwasan ang anumang medikal na komplikasyon na pwedeng maglagay sa’yo sa panganib. Maaaring isagawa ang pagbunot ng wisdom tooth ng isang dentista o isang oral surgeon.

Risks

Karaniwan hindi nagreresulta ang wisdom tooth extraction ng long-term complications. Subalit, ang pagtanggal nito ay karaniwang nangangailangan ng surgical approach. Kung saan, kasama dito ang paghiwa sa gum tissue at pagtanggal ng buto. Narito ang mga bihirang komplikasyon:

  • Impeksyon sa socket mula sa bacteria o nakulong na particles ng pagkain.
  • Painful dry socket, o exposure ng buto kapag nawala ang namuong dugo pagkatapos ng operasyon mula sa lugar ng surgical wound (socket).
  • Pinsala sa mga kalapit na ngipin, buto ng panga o sinus at nerves.

Kapag ba hindi sumasakit ang wisdom tooth pwede nang hindi tanggalin?

Mahirap hulaan at makita ang mga problema sa hinaharap sa mga apektadong wisdom teeth. Gayunpaman, narito ang rationale para sa preventive extraction:

  • Maaari pa ring magkaroon ng mga itinatagong sakit ang symptom-free wisdom teeth.
  • Kadalasan, mahirap na makuha ang dumi at malinis ng maayos ang ngipin, kung walang sapat na espasyo para sa paglabas ng wisdom teeth.
  • Ang mga malubhang komplikasyon sa may wisdom teeth ay mas madalas na nagaganap sa younger adults.
  • Pwedeng makaranas ng kahirapan sa operasyon at mga komplikasyon pagkatapos ng operasyon ang mga matatanda.

Sa pagpapatanggal din ng wisdom teeth dapat na maghanda ka ng mga katanungang kaugnay sa’yong operasyon. Mabuting hakbang ito para sa pagtiyak ng iyong kaligtasan at makaiwas sa anumang medikal na komplikasyon.

Kadalasan din ang wisdom tooth extraction ay laging isinasagawa bilang outpatient procedure. Sa madaling sabi, pagkatapos ng operasyon maaari ka ng umuwi. Makakatanggap ka rin ng instructions mula sa ospital o dental clinic staff sa mga bagay na dapat gawin bago ang surgery. 

Mga dapat tandaan sa operasyon

Asahan mo na bibigyan ka ng dentist o oral surgeon ng ilan sa mga sumusunod na anesthesia. Depende sa iyong pangangailangan at complexity. Narito ang mga sumusunod:

  • Local anesthesia
  • Sedation anesthesia
  • General anesthesia

Habang isinasagawa rin ang wisdom tooth extraction, narito ang mga dapat asahan na magaganap:

  • Paggawa ng hiwa sa tissue ng gilagid para malantad ang ngipin at buto.
  • Tinatanggal ang buto na humaharang sa pagpasok sa tooth root.
  • Hinahati ang ngipin sa mga seksyon kung mas madaling tanggalin ang mga piraso
  • Tinatanggal ang ngipin
  • Nililinis ang lugar na pinagtanggalan ng ngipin ng anumang debris mula sa ngipin o buto
  • Isinasara ang sugat para itaguyod ang paggaling.
  • Naglalagay ng gauze sa lugar ng extraction upang makontrol ang pagdurugo at makatulong sa pagbuo ng blood clot form

Key Takeaways

Bago magsimula ang operasyon, siguraduhin muna na nakuha mo ang lahat ng kaalaman na kailangan mo para sa surgery. Maging handa sa mga proseso ng wisdom tooth extraction. Pagkatapos ng operasyon, sundin ang mga instruction na ibibigay ng dentista o oral surgeon para sa’yong pagpapagaling. Siguraduhin lamang na eksperto ang dentista at oral surgeon na hahawak ng iyong surgery. Para makasigurado rin sa kaligtasan at angkop ang maibibigay ng medikal na payo. Hindi mo na rin kailangan ng follow-up appointment. Kung wala ka namang anumang isyu sa medikal na kalusugan pagkatapos ng operasyon. Subalit, kung magkakaroon ka ng kakaibang pakiramdam at medikal na isyu sa kalusugan. Magpakonsulta agad sa doktor!

Larawan kuha mula sa screencap ng gmanetwork.com.

Matuto pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Wisdom teeth removal: When is it necessary? https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/wisdom-teeth/expert-answers/wisdom-teeth-removal/faq-20058558#:~:text=According%20to%20the%20American%20Dental,Fluid%2Dfilled%20sacs%20(cysts), Accessed June 22, 2022

The Prophylactic Extraction of Third Molars: A Public Health Hazard, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC1963310/, Accessed June 22, 2022

Wisdom Teeth Management, https://myoms.org/what-we-do/wisdom-teeth-management/#:~:text=Wisdom%20teeth%20(also%20known%20as,environment%20with%20healthy%20gum%20tissue, Accessed June 22, 2022

Preparing for Wisdom Tooth Surgery, https://www.texasoralsurgery.com/preparing-for-wisdom-tooth-surgery/, Accessed June 22, 2022

Wisdom tooth extraction, https://www.mayoclinic.org/tests-procedures/wisdom-tooth-extraction/about/pac-20395268, Accessed June 22, 2022

Kasalukuyang Version

09/23/2022

Isinulat ni Lornalyn Austria

Narebyung medikal ni Mae Charisse Antalan, MD

In-update ni: Vincent Sales


Mga Kaugnay na Post

Masakit Na Ngipin, Ano Ang Mga Maaaring Maging Dahilan?

Pangingilo Ng Ngipin: Sanhi, Sintomas, At Paggamot


Narebyung medikal ni

Mae Charisse Antalan, MD

General Practitioner


Isinulat ni Lornalyn Austria · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement