Ilang araw lang matapos ideklara ng World Health Organization (WHO) ang monkeypox outbreak bilang isang “public health emergency of international concern,” ikinumpirma naman nitong tanghali (Hulyo 29) ng Department of Health (DOH) ang first case of monkeypox sa Pilipinas. Alamin ang mga detalye dito.
First Case Of Monkeypox Sa Pilipinas
Ayon kay Health Undersecretary at alternate spokesperson ng DOH Beverly Ho, ang first case of monkeypox sa Pilipinas ay isang 31 taong gulang na Pilipino. Siya ay dumating mula sa mga bansang may dokumentadong kaso ng monkeypox noong Hulyo 19. Nalaman na lang nila na siya ay positibo sa naturang sakit matapos niyang sumailalim sa isang RT-PCR test. Gayunpaman, hindi isiniwalat ng kagawaran kung ano ang kasarian at travel history ng unang kumpirmadong kaso.
Idinagdag ng DOH na mayroong ang 10 malapit na contact na natukoy, kabilang ang tatlo mula sa iisang bahay. Ngunit binanggit din ni Ho na ang mga naturang malalapit na kontak ay hindi nagpapakita ng anumang sintomas at patuloy na sinusubaybayan.
Kasalukuyang sumasalim sa mahigpit na isolation at monitoring ang nasabing kumpirmadong pasyente.
Anya, kailangan pa ring magtulungan at maging mapagbantay ng publiko, lalo na ang populasyon na tinuturing na pinaka-panganib.
Mga Karagdagang Impormasyon Tungkol Sa Monkeypox
Dahil sa first case of monkeypox sa Pilipinas, nais malaman ng mga tao kung ano ang mga mahalagang impormasyon tungkol sa sakit.
Ang monkeypox ay isang bihirang sakit dulot ng impeksyon ng monkeypox virus. Ito ay kabilang sa pamilya ng mga virus partikular ang nagdudulot ng smallpox, ang variola virus. Kung kaya, halos parehas sila ng mga sintomas. Ngunit, mas banayad at bihirang humahantong sa pagkamatay ang mga sintomas ng monkeypox. Hindi rin ito nauugnay sa bulutong o chickenpox.
Ilan sa mga sintomas ng monkeypox ay ang mga sumusunod:
- Lagnat
- Sakit ng ulo
- Pananakit ng likod at iba pang muscles
- Pamamaga ng mga lymph nodes
- Panginginig
- Pagkaramdam ng pagod
- Mga respiratory symptoms (tulad ng sore throat, nasal congestion, o ubo)
- Pantal na maaaring magmukhang mga tigyawat o paltos na lumalabas sa mukha, sa loob ng bibig, at sa iba pang bahagi ng katawan (tulad ng mga kamay, paa, dibdib, ari, o anus)
Ang pantal na ito ay dumadaan sa iba’t ibang yugto at karaniwang tumatagal ng 2-4 na linggo bago ganap na gumaling. Minsan, ang mga tao ay unang nagkakaroon ng pantal, na sinusundan ng iba pang mga sintomas. Samantala, ang iba naman ay maaaring makaranas lamang ng pamamantal.
Hindi bagong sakit ang monkeypox. Sa katunayan, ang first case of monkeypox ay naitala noong 1970. Bago pa man ang kasalukuyang outbreak, naiulat na ito sa ilang mga sentral at kanlurang bansa sa Africa. Noon, halos lahat ng kaso sa labas ng nasabing bansa ay naiuugnay sa internasyonal na paglalakbay kung saan ang sakit ay karaniwang nakukuha mula sa imported na hayop. Maraming kontinente ang nakaranas ng ganitong sitwasyon.
Ngayon Na May Naitala Ng First Case of Monkeypox, Paano Mo Maproprotektahan Ang Iyong Sarili?
Ayon sa Centers for Disease Control ang Prevention (CDC), wala pang partikular na treatment para sa naturang monkeypox viral infection. Gayunpaman, dahil ito ay naihahalintulad sa mga smallpox, gumagamit din ng mga antiviral drugs at vaccines upang magamot at maiwasan ang impeksyon. Samakatuwid, nakasalalay sa pag-iwas sa taong mayroon nito sa pamamagitan ng ilang mga pamamaraan:
- Iwasan ang pakikipag-ugnayan sa mga nahawaang hayop (lalo na ang mga may sakit o patay na hayop), maging mga taong maaaring nahawaan ng naturang virus.
- Iwasang madikit sa kama at iba pang materyales na kontaminado ng virus.
- Siguruduhing maluto nang maayos ang lahat ng pagkain na naglalaman ng karne o anumang bahagi ng hayop.
- Panatalihing malinis ang mga kamay sa pamamagitan ng regular na paghuhugas gamit ang sabon at tubig.
- Ugaliing ang paglinis o pag-disinfect ng mga bagay na madalas hawakan.
- Panatilihin ang pagsuot ng face masks lalo sa mga matataong lugar.
- Gumamit ng personal protective equipment (PPE) kapag nag-aalaga ng mga taong nahawaan ng virus.
Bagaman hindi naman itinuturing na isang sexually-transmitted disease ang monkeypox, pinaalalahanan pa rin ang mga tao na maaaring makuha ang impeksyon sa sexual o intimate contact tulad ng pakikipaghalikan o pakikipagtalik.
Ayon sa WHO, makatutulong ang pagbabakuna laban sa monkeypox upang matigil ang paglaganap nito. Ngunit, kinakailangan pa ring kumuha ng DOH ng compassionate special permit para rito. Hindi tulad ng COVID-19, piling populasyon lang ang makakukuha nito.
Siguruduhing kumunsulta agad sa doktor kung ikaw ay nakararamdam ng alinman sa mga sintomas na nabanggit upang magamot ito sa lalo madaling panahon.
Alamin ang iba pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.