Sa kabila ng hindi mabilang na kapakinabangan natin sa paggamit ng plastic, maaari pa rin itong makasama sa kapaligiran at sa kalusugan. Sa puntong ito, alam na nating libo-libong hayop ang namamatay dahil nakakain sila ng plastic o dahil napulupot sila sa plastic na basura. Sinasabi rin ng mga ulat na nangyayari ang leaching – kapag ang mga kemikal mula sa plastic (tulad ng plastic na bote ng tubig) ay humiwalay at nalipat sa ating pagkain o tubig. Ngayon, nakita ng mga researcher ang microplastics sa ilang sample ng dugo ng tao at tissue ng baga. Ano ang microplastics?
Ano Ang Microplastics?
Tulad ng katawagan para dito, ang microplastics ay maliliit na piraso ng plastic. May sukat itong hindi lalagpas ng 5 millimeters na haba. Ngunit ayon sa mga eksperto, maaaring maging napakaliit nito na hindi kayang makita ng ating mga mata.
Maaaring mula ang microplastic particles sa pagkakagawa ng produkto o sa pagkasira nito. Halimbawa, kapag nag-manufacture tayo ng mga damit, may mga microfiber (na microplastics) na maaaring kumalat. Gayundin kapag ang malalaking produktong plastic ay magkalat ng mga piraso ng microplastic.
Microplastics At Ang Katawan Ng Tao
Bago natin pag-usapan kung bakit may nakitang microplastic particles sa dugo ng tao, talakayin muna natin ang mga naunang mga pag-aaral na nakakita ng microplastics sa ihi at dumi ng tao.
Ang mga unang imbestigasyon ay nakakita ng phthalates at iba pang plastic additives sa ihi. May isang pag-aaral din ang nagsiwalat na nakakita ng microplastic particles sa sample ng dumi ng tao, na nagmumungkahing nakakain ng microplastics ang mga kalahok sa pag-aaral.
Ngayon, iminumungkahi ng bagong pag-aaral na ang microplastics ay maaari ding matagpuan sa dugo. Hindi na ito nakagugulat. Lalo pa’t nagmumula ang ating ihi sa nasalang dugo.
Ngunit ngayong alam na nating may microplastic nga sa ating circulatory system, lumilitaw ngayon ang potensiyal nitong dulot na kapahamakan. Kung nasa dugo natin ang mga maliliit na particle na ito, ibig din bang sabihin na nakarating na ito sa ating mga internal organ o laman loob?
Microplastics Sa Ating Dugo: Saan Ito Nanggaling?
Gumamit ng cutting-edge technology ang mga researcher sa pag-aaral na ito upang masala ang mga sample ng dugo at makita ang mga microplastic particle.
Sa 22 sample ng dugo mula sa malulusog na adult volunteer, 17 dito ang may microplastics. Naitala ng mga imbestigador na nakapagsala ang kanilang ginamit na teknolohiya ng microplastics sa 700 hanggang 500,000 nanometers (nm) na sukat. Sa konteksto, 700 nm ay nasa 140 times na mas maliit kumpara sa width ng karaniwang buhok ng tao.
Dalawa sa mga microplastics na kanilang natagpuan ay:
- Polyethylene terephthalate (PET), na kadalasan nating ginagamit sa plastic na bote ng tubig, at
- Polystyrene (PS), na karaniwang component ng plastic food packaging.
Nasa Baga Din Natin Ang Mga Microplastic, Ayon Sa Isa Pang Pag-aaral
Sa hiwalay na imbestigasyon, nakakita ang mga researcher ng mga microplastic sa tissue ng baga sa 11 tao na sumasailalim sa surgery. Bagaman hindi ito ang unang beses na makakita ang mga siyentista ng microplastic sa tissue ng baga, ito ang unang beses na makakita nito sa nabubuhay pang mga pasyente.
Sa 12 na mga microplastic na nakita ay mga PET at Polystyrene.
Sinabi ng mga eksperto na pinakamaraming microplastic ang nakita sa lower lungs. Ayon sa kanila, nakasosorpresa ito. Ipinaliwanag nilang mas makipot ang mga daanan ng hangin sa lower lungs, kaya’t inasahan nilang baka makulong o masala palabas ang mga microplastic.
Sinabi ng pag-aaral na “tumataas ang concern” hinggil sa nakakain at nalalanghap na mga microplastic.
Hindi Na Nakagugulat Ang Mga Natuklasan, Ngunit Nakapag-Aalala Pa Rin Ito
Dahil araw-araw gumagamit ang mga tao ng plastic, ang resulta ng pag-aaral tungkol sa microplastic particles sa dugo at baga ay hindi na nakagugulat. Gayunpaman, nakapag-aalala pa rin ito.
Ipinakita sa pag-aaral na kayang ma-deform ng microplastic particles ang ating mga cell at maapektuhan ang function nito. May ilang mga ekspertong naniniwala na posibleng madala ang mga microplastic sa ating mga organ.
Sa ngayon, kailangan pa natin ng dagdag na pag-aaral upang matukoy ang mga epekto ng microplastic sa katawan ng tao. Pansamantala, maaari nating mabawasan ang exposure sa mga microplastic.
Paano Maiiwasan Ang Mga Microplastic
Ang EcoWatch, na isang “komunidad ng mga ekspertong naglalathala ng kalidad, nakabatay sa siyensyang nilalaman tungkol sa mga usaping pangkapaligiran, mga sanhi, at solusyon para sa mas malusog na planeta at buhay” ay nagrekomenda ng mga sumusunod na hakbang upang maiwasan ang microplastics:
- Iwasan ang paggamit ng mga plastic sa microwave na mga pagkain.
- Itigil ang paggamit ng plastic water bottle.
- Hangga’t maaari, huwag nang gumamit ng mga plastic cups at plastic-lined plates.
- Suriin ang mga ginagamit na pampaganda. Ilan sa mga iyan ang may microplastic particles.
- Gusto mo ng tsaa? Gumamit ng loose tea leaves kaysa tea bags.
Maaaring imposibleng tuluyang tanggalin ang paggamit ng plastic sa ating buhay. Ngunit makatutulong ang mga ito upang mabawasan ang posibleng pinsala ng microplastic sa ating katawan.
Key Takeaways
Ano ang microplastics? Napag-alaman ng kamakailan lang na pag-aaral mula sa 22 sample ng dugo ng malulusog na adult volunteer, 17 dito ang may microplastic particles. Ang pinakakaraniwang microplastic na nakita ng mga researcher ay ang PET at PS. Ang PET ay kadalasang matatagpuan sa mga plastic na bote ng tubig at ang PS naman ay karaniwang nasa plastic food packaging. Isiniwalat din ng isa pang pag-aaral na may ilang tissue ng baga ng buhay na mga pasyente ang may microplastic din.
Hindi pa natin alam ang kabuoang epekto ng microplastic particles sa kalusugan ng tao. Ngunit isang pag-aaral ang nagsabing kaya nitong ma-deform ang mga cell at maapektuhan ang function nito. Kaya naman dahil dito, pinakamabuting limitahan ang paggamit ng plastic hangga’t maaari.
Matuto pa tungkol sa Balitang Pangkalusugan dito.