It may be worrying for you to see blood in your stool after you have a bowel movement. Pero madalas nahihiya kang ipaalam ito sa ibang tao— maging sa iyong doktor. Kaya naman isinasawalang bahala mo ang dugo sa iyong dumi at wala kang interes sa mga dahilan kung bakit may dugo ang iyong dumi. Ngunit alam mo ba ang dugo sa dumi ay maaaring magpahiwatig ng iba’t ibang problema sa kalusugan? Ayon sa mga doktor at eksperto, posible na maging palatandaan ito ng iba’t ibang medical condition.
Sa totoo lang ang pagkakaroon ng kaalaman sa mga dahilan kung bakit may dugo ang dumi ay nakakatulong para maagapan ang iba’t ibang health condition, gaya ng cancer na maaaring lumala kapag hindi ito naagapan o nagamot.
Para maiwasan ito, patuloy na basahin ang article na ito at alamin ang mga dahilan kung bakit may dugo ang dumi.
7 Posibleng Sanhi Bakit May Dugo Ang Iyong Dumi
- Constipation
Maraming tao ang nakakaranas ng constipation at hindi regular na pagdumi. Maaaring magresulta ang constipation ng matigas at bihirang pagdumi na pwedeng humantong sa sapilitang pag-ire at sugat sa puwet. Ito ang dahilan bakit kung minsan may dugo sa dumi ng isang tao.
- Inflammatory bowel disease
Ang pamamaga ng small at large intestine ay tinatawag na “inflammatory bowel disease” o IBD. Kung saan nagtataglay ito ng 2 uri batay sa iba’t ibang mga pag-aaral— at ang mga uri nito ay colitis at crohn’s disease.
Narito ang pagkakaiba ng 2 uri ng IBD:
- Colitis – tumutukoy ito sa pamamaga ng colon
- Crohn’s disease — isa itong kondisyon na nagtataglay ng pamamaga ang mga bahagi ng digestive tract
Nakakaranas ang mga taong may IBD ng mga pagbabara sa intestines at dugo sa dumi.
- Almoranas
Isa itong kilalang kondisyon na dahilan ng dugo sa dumi ng isang indibidwal. Ang almoranas ay tinatawag din bilang hemorrhoids — at sa kondisyon na ito pwede kang makaranas ng pamamaga sa iyong anus. Kapag napabayaan ito maaari kang magkaroon ng seryosong impeksyon na nangangailangan ng angkop na medikal na atensyon.
- Kanser sa bituka
Itinuturing ito bilang isa sa pinakamalubhang mga dahilan kung bakit may dugo ang dumi ng isang tao. Kaya ipinapayo ng mga doktor na magpakonsulta sa doktor, lalo na kapag madalas kang may dugo sa iyong dumi at may iba ka pang sintomas na nararamdaman.
- Sugat sa butas ng puwet
May mga pagkakataon na kayo may dugo sa iyong dumi ay dahil may sugat o punit ang butas ng iyong puwet. Madalas na nagkakaroon ng sugat sa butas ng pwet ang isang tao kapag sobrang hirap ilabas ang dumi, partikular na kung malaki ito o matigas.
- Diarrhea
Ang pagkakaroon ng diarrhea ay maaaring magresulta ng hindi makontrol na pagdumi ng isang tao. Kung saan dahil sa paulit-ulit na pagdumi maaaring magkasugat ang puwet na sanhi upang magkaroon ang isang indibidwal ng dugo sa kanyang dumi.
- Peptic ulcer
Tandaan mo na kapag sobra ka sa digestive fluid sa intestines, pwedeng masugatan ang lining ng digestive tract. Sa oras na maganap ito, maaari na maging dahilan ito ng ulcer. Karaniwan na maitim at may kasamang dugo ang dumi ng mga taong may ulcer.
Payo ng mga doktor
Ang pagkakaroon ng sapat na kaalaman sa mga dahilan kung bakit may dugo ang dumi ay nakakatulong para maging mulat ka sa mga posibleng sakit na pwede mong taglayin. Kaya naman sa oras na maging madalas ang pagdumi mo na may kasamang dugo, huwag mag-atubili na magpakonsulta sa doktor upang makakuha ng angkop na diagnosis at treatment, kung sakaling makumpirma na mayroon kang taglay na medical condition na kailangan na gamutin.
Hindi mo rin kailangan mag-panic agad kung may makitang dugo sa iyong dumi, dahil maaari sanhi lamang ito ng sugat na mula sa butas ng iyong puwet.