Delikado at maaaring ikamatay ng tao ang pagkakaroon ng toxic megacolon. Ano ang mga sintomas nito at paano ginagamot ang toxic megacolon? Alamin ‘yan dito.
Ang colon ay bahagi ng large intestine, kasama ng rectum at anus. Kamukha ng tubo ang large intestine na nagsisilbing huling daanan para sa dumi bago ito ilabas ng katawan. Dito sa large intestine nagaganap ang pagsipsip ng tubig.
Paano Ginagamot ang Toxic Megacolon: Ano ang Toxic Megacolon?
Bibihira ngunit banta sa buhay ang toxic megacolon kung saan lumuluwag ang colon dahil sa iritasyon o impeksyon. Pwede itong mangyari sa loob ng ilang araw. Ang pinakakaraniwang sanhi nito ay ang tinatawag na inflammatory bowel disease or IBD. Isa itong kolektibong termino para sa dalawang sakit na sanhi ng chronic inflammation sa bowel na tinatawag na Crohn’s disease at ulcerative colitis. Gayunpaman, marami pang ibang kondisyon ang pwedeng maging sanhi ng sakit na ito. Narito ang iba pang sanhi ng toxic megacolon:
- Mga impeksyon sa colon (karaniwang dulot ng C. difficile)
- Colon cancer
- Ischemia, o kawalan ng pagdaloy ng dugo kaya’t nawawalan ng oxygen sa organ
- Diabetes
- Organ transplant
- Kidney failure
- Chronic obstructive pulmonary disease
- Bumagsak na resistensya
Nangyayari ang toxic megacolon kapag ang IBD o ang anumang iba pang sanhi ay nagdulot ng abnormal na pagluwag ng colon. Kapag nangyari ito, nahihirapan ang colon na gawin ang trabaho nito gaya ng paglalabas ng digested food sa katawan, at pagsipsip ng tubig. Kung hindi magagamot, pwedeng pumutok ang large intestine dahil sa pamumuo ng dumi sa colon. Isang banta sa buhay ang pagputok ng colon. Ang iyong GI tract ay may milyon-milyong bacteria. Kapag pumutok ito, malalagay ka sa panganib na kumalat ang mga bacteria na ito sa iyong sistema.
Bagaman kadalasang dulot ng inflammation o impeksyon ang toxic megacolon, mayroon ding iba pang uri ng megacolons na hindi dulot ng inflammation o impeksyon.
Toxic Megacolon: Mga Senyales at Sintomas
Kabilang sa mga sintomas ng toxic megacolon ang:
- Pagsakit ng abdomen
- Pagiging sensitibo ng tiyan
- Bloating
- Pagtaas ng heart rate
- Lagnat
- Shock
- Madugong pagtatae
- Masakit na pagtatae
Kapag nakaranas ka ng alinmang kombinasyon ng mga sintomas na ito, mahalagang humingi agad ng medikal na atensyon para masuri nang mabuti ang iyong kondisyon.
Toxic Megacolon: Diagnosis
Ang batayan ng diagnosis ay ang mga sintomas ng pasyente at ang pagluwag ng colon na makikita sa radiographic images. Maaaring hilingin ng iyong doktor na sumailalim ka sa X-ray o CT scan upang makita ang pagluwag o dilation ng iyong colon.
Isang criteria ang kadalasang ginagamit upang ma-diagnose ang sakit. Narito ang pinakakaraniwang diagnostic criteria na ginagamit para sa toxic megacolon:
- Radiographic evidence ng dilation ng colon, at:
- Hindi bababa sa tatlo ng mga sumusunod:
- Lagnat na mas mataas na 38 degrees Celsius
- Heart rate na mas mataas sa 120 tibok kada minuto
- Tumaas ang bilang ng white blood cells (makikita sa complete blood count o CBC)
- Isa sa mga sumusunod:
- Dehydration
- Altered sensorium (pagkahilo o lethargy)
- Electrolyte disturbances (makikita sa blood chemistry)
- Hypotension o mababang blood pressure
Humingi ng medikal na atensyon sa oras na makaranas ng mga ganitong sintomas. Hindi mada-diagnose ang toxic megacolon sa bahay.
Paano Ginagamot ang Toxic Megacolon
Kadalasang surgery ang treatment sa toxic megacolon. Sa oras na tanggapin sa ospital, bibigyan ka ng intravenous fluids upang maiwasan ang dehydration. Mapapanatili rin nito sa normal ang iyong blood pressure. Sa oras na matapos ito, saka ka sasailalim sa surgery. Gagamutin ng mga surgeon ang anumang punit sa iyong colon. Gagawin ito upang hindi na kumalat pa ang bacteria sa iyong colon papunta sa iba pang bahagi ng katawan.
Sakaling walang makitang punit o sira ang surgeon sa iyong colon, maaaring may pinsala ang mga tissue sa iyong colon kaya’t kailangan itong tanggalin. Sa ilang mga kaso, depende sa pinsala ng iyong colon, maaaring kailangang isagawa ang colectomy o ang pagtatanggal ng bahagi o ng buo mong colon.
Bibigyan ka ng antibiotics para sa procedure upang maiwasan ang sepsis, na isang matinding response ng katawan sa impeksyon na napatunayang nakamamatay.
Key Takeaways
Bihira ngunit isang banta sa buhay ang toxic megacolon kung saan lumuluwag ang colon dahil sa iritasyon o inflammation. Ang pinakamadalas na sanhi nito ay inflammatory bowel disease.
Upang makatulong na mabawasan ang mga sintomas ng IBD, kailangan mo ng pagbabago sa iyong pamumuhay, at ng maintenance na mga gamot. Makatutulong ito upang maiwasan ang impeksyon, at mabawasan ang tsansang magkaroon ka ng toxic megacolon.
Matuto pa tungkol sa inflammatory Bowel Disease dito.