Ang appendicitis ay ang inflammation o pamamaga ng appendix, isang maliit at manipis na tube sa tiyan. Nagdudulot ng matinding sakit ng tiyan at discomfort ang appendicitis. Kung hindi magagamot, maaari itong mauwi sa seryosong komplikasyon sa kalusugan tulad ng mga impeksyon sa tiyan. Ngunit ano ba ang eksaktong sanhi ng appendicitis? Posible bang pagkain ang dahilan? Kung oo, anong klaseng pagkain ito?
Ano ang appendix?
Ang appendix ay maliit na hugis tubong sisidlan o pouch mula sa colon o sa large intestine. Pinaniwalaan noon na ang appendix ay isang vestigial organ, o bahagi ng katawang naiwan mula sa ebolusyon.
Gayunpaman, sinasabi ng bagong pananaliksik na ang appendix ay maaaring nagsisilbing imbakan ng mga good bacteria. Kung kailangan ng bituka ng mas maraming good bacteria, pwede itong kumuha sa appendix.
Ngunit sa pangkalahatan, pwedeng mabuhay nang malusog ang isang tao kahit walang appendix. Ito ang dahilan kung bakit kapag may appendicitis ang isang tao, karaniwan nang tinatanggal ito. Sa ganitong paraan, wala na ang source ng appendicitis, at wala nang panganib na bumalik pa ito.
Mga Sanhi ng Appendicitis
Pagdating sa mga posibleng sanhi ng appendicitis, ang tanong na madalas sabihin ng mga tao ay “anong pagkain ang sanhi ng appendicitis?”
Ang katotohanan, hindi hinaharangan ng pagkain ang appendix. Ibig sabihin, kahit magbago ka ng kinakain o kahit umiwas ka sa ilang pagkain, maaari ka pa ring magkaroon ng appendicitis.
Gayunpaman, may iba pang bagay ang maaaring responsable sa pagkakaroon ng appendicitis.
1. Bara sa appendix
Sa ilang mga kaso, pwedeng humarang sa appendix ang tumigas na dumi (stool) o makapal na mucus. Dahil dito, nagsisimulang mapuno ng mucus ang appendix, kaya ito bumubukol at namamaga.
Ito ang sanhi ng impeksyon sa appendix. Bilang tugon, nagpapadala ng antibodies ang ating katawan upang harapin ang impeksyon. Dahil dito, nagsisimulang bumukol at mamaga ang appendix.
Kung hindi magpapagamot ang taong may appendicitis, posibleng pumutok ang appendix at makontamina ang tiyan. Pwede itong mauwi sa mga seryosong komplikasyon tulad ng peritonitis o ang impeksyon sa lining ng tiyan o matinding impeksyon sa dugo (sepsis).
2. Mga Tumor o mga tumutubo dito
Isa pang posibleng sanhi ng appendicitis ay kapag may tumor o growths sa appendix. Kapareho sa matigas na dumi o mucus, posibleng magdulot ng pagbara ang mga tumutubong ito sa appendix, kaya’t namumuo ang bacteria dito.
Bihira ang mga tumor sa appendix, at mas bihira ang cancer sa appendix. Karaniwang hindi napapansin ng mga pasyente na may mga tumor sila sa appendix hanggang sa magdulot na ito ng pagkabara o kapag sumailalim ang pasyente sa imaging tests.
Kung may tumor o cancer ang pasyente sa appendix, ang karaniwang ginagawa ay tinatanggal na ang appendix. Gayunpaman, kung lumabas sa mga test na cancerous ang tumubo dito, maaaring sumailalim ang pasyente sa karagdagang test upang matiyak kung hindi pa kumakalat ang cancer sa iba pang bahagi ng katawan.
3. Trauma o pinsala
Panghuli, napag-alaman ng mga doktor na pwedeng magkaroon ng appendicitis sa mga pasyenteng nakaranas ng trauma o pinsala sa kanilang tiyan.
Kadalasan, kapag nakaranas ng blunt trauma sa kanilang tiyan, napipinsala ang mga bituka at iba pang organ sa tiyan. Ngunit sa napakabihirang mga kaso, pwede ring mapinsala ang appendix.
Ang nangyayari ay ang hematoma o minsan, ang impacted stool ay pwedeng bumara sa appendix. Namumuo ngayon ang bacteria sa loob ng appendix, na nagiging sanhi ng inflammation at appendicitis.
Maaaring mangailangang sumailalim sa dagdag na mga test upang ma-diagnose ang appendicitis na dulot ng trauma o injury. Ito ang dahilan kung bakit mahalaga para sa mga pasyente na maging alerto sa mga sintomas, at huwag magdalawang isip na makipag-usap sa doktor kung may hindi magandang nararamdaman.
Key Takeaways
Ang appendicitis ay dulot ng napakaraming bagay. At kadalasan, mahirap maiwasan ang appendicitis.
Dahil dito, napakahalagang makipag-ugnayan agad sa inyong doktor kung nararamdaman mong may appendicitis ka. Sa ganitong paraan, mababawasan mo ang tsansang pumutok ito at magdulot ng mas seryosong mga problema sa kalusugan.
Matuto pa tungkol sa digestive health dito.