Nakakasabik ang pagdalo sa mga pagtitipon ng pamilya o mga kaibigan, lalo na kung matagal kayong hindi nagkita. May pagkakataong may inuman sa mga selebrasyon. Gayunpaman, kapag nasobrahan, maaari itong magdulot ng matinding sakit ng ulo, o hangover, sa susunod na araw. Sa mga ganitong kaso, ano ang pinakamabisang lunas sa hangover?
Lunas sa Hangover: Ano ang Nangyayari Kapag May Hangover?
Ang pangunahing nagdudulot ng hangover ay alak at ang reaksyon ng katawan mo dito. Nararamdaman sa buong katawan ang hangover, mula sa utak hanggang sa mga kalamnan. Lahat ng ito ay apektado ng alak.
Ang unang reaksyon ng iyong katawan ay ma-relax at maging masaya. Sinisipsip ang alak sa stomach papunta sa daluyan ng dugo at napupunta sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Maaaring makaramdam ka ng pagkahilo at kaunting panlalabo ng mata. May ibang nakikipag-usap pa ng malakas sa kasama.
Maaari ding makaranas ka ng madalas na pag-ihi dahil isang diuretic ang alak. Nawawalan ka ng koordinasyon sa iyong katawan at bumabagal ang pagtugon mo. Namumula ka at bumibilis ang tibok ng iyong puso. May ibang nakararanas ng iritasyon sa stomach kaya’t sumusuka sila.
Mahihirapan ka ring matulog dahil nahihilo ka. Nakakaramdam ka ng panghihina at pwedeng sumakit ang iyong mga kalamnan. Paggising mo, pwede kang makaranas ng matinding sakit ng ulo.
Ang Pinakamabisang Lunas sa Hangover ay Pag-iwas
Magkakaiba ang reaksyon ng katawan sa magkakaibang uri ng alak. Narito ang ilan sa mga karaniwang lunas sa hangover at mga hakbang sa pag-iwas na pwede sa maraming tao.
Panatilihing Hydrated Ang Sarili
Bago man, habang, o pagkatapos uminom ng alak, pinakamabuting panatilihing hydrated ang sarili. Pwede kang paulit-ulit na paihiin ng alak kaya’t kailangan mong ibalik ang nawalang electrolytes sa iyong katawan. Ang pag-inom ng tubig sa pagitan ng bawat paglagok ng alak ay bumubusog sa iyo na dahilan upang hindi ka na uminom pa. Paggising mo kinabukasan, maganda ring humigop ng mainit na sabaw kung mahirap para sa iyong kumain ng heavy meal.
Piliing Mabuti ang Iinumin
Hindi magandang paghalu-haluin ang iba’t ibang uri ng alcohol. May mga alak na kaunti lang ang epekto sa katawan kumpara sa iba. Ang mas maiitim na kulay ng alak ay may likas na kemikal na tinatawag na congeners na lalong nagpapatindi sa hangover. Kapag alam mo kung anong alak ang iinumin, maiiwasan mo ang pagkakaroon ng hangover sa susunod na araw.
Huwag Iinom Kung Walang Laman ang Tiyan
Isa sa mga paraan upang maiwasan ang hangover ay tiyaking may laman ang iyong tiyan bago uminom. Sa ganitong paraan, mababawasan mo ang absorption ng alak.
Alamin Kung Kailan Dapat Huminto
May mga taong mas mataas ang tolerance sa alak kumpara sa iba. Maaaring pilitin ka ng ibang uminom ng mas maraming alak dahil kaya pa nilang uminom. Kung alam mo kung gaano lang karami ang kaya mong inumin, maiiwasan mong makaranas ng matinding hangover sa susunod na araw. Maaaring masaya ang uminom nang uminom ngunit sa dulo, katawan mo ang magdudusa sa susunod na araw. Hindi rin magandang ideya na abusuhin ang katawan sa pag-inom ng sobrang alak na mauuwi sa magkakaibang sakit sa hinaharap.
Key Takeaways
Masayang uminom ng alak basta’t in moderation. Isa pa rin itong toxic substance na maaaring magdulot ng mga seryosong sakit kapag inabuso. Upang maiwasan ang hangover, panatilihin ang sariling hydrated, alamin ang iyong alcohol tolerance, at kontrolin ang dami ng iniinom. Ang kaalaman sa lunas sa hangover ay makatutulong upang maiwasan ang matinding pagod at sakit ng ulo kinabukasan.
Matuto pa tungkol sa Digestive Health Issues dito.