Hirap dumighay, at gaya ng kabag at kumakalam na sikmura, nakakahiyang gawin sa publiko.
Gayunpaman, makakatulong ang pagdighay upang mapagaan ang sumasakit na tiyan. Normal lamang ito ngunit kung madalas mangyari, baka naman senyales ito ng isang problema sa kalusugan.
Madalas ka bang dumighay? Malamang oras na para alamin kung bakit.
Ang belching o pagdighay ang paraan ng iyong katawan sa pagpapalabas ng labis na hangin mula sa iyong upper digestive tract. Karamihan nito ay sanhi ng paglunok ng labis na hangin. Ang hangin na ito ay kadalasang hindi umabot sa tiyan ngunit naiipon lang sa iyong esophagus.
Dumidighay ka kapag nalunok mo ang hangin habang kumakain o umiinom. Ang nilalabas na hangin sa pagdighay ay kombinasyon ng oxygen at nitrogen.
Pwede ka rin makalunok ng labis na hangin kapag:
- Nagsasalita ka habang kumakain
- Ngumuya ng gum
- Pagsipsip ng matigas na kendi
- Pag-inom ng carbonated na inumin
- Paninigarilyo
Dahilan kung bakit hirap dumighay
Peptic ulcer
Ang peptic ulcer ay mga bukas na sugat sa loob ng lining ng iyong tiyan (gastric ulcers) at sa itaas na bahagi ng iyong maliit na bituka (duodenal ulcers). Ang pinaka karaniwang sanhi ng peptic ulcer ay impeksyon dulot ng bacterium Helicobacter pylori at pangmatagalang paggamit ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs tulad ng ibuprofen at naproxen sodium.
Salungat sa sinasabi ng iba, hindi nagreresulta sa peptic ulcer ang stress at pagkonsumo ng maanghang na pagkain. Gayunpaman, maaari nilang palalain ang iyong mga sintomas tulad ng hirap dumighay.
Acid reflux
Ang acid reflux o gastroesophageal reflux disease (GERD) ay maaaring magdulot ng labis na pagdighay. Nangyayari ito sa pamamagitan ng labis na paglunok ng laway. Ang talamak na belching ay maaari ding nauugnay sa pamamaga ng lining ng tiyan. Maaari din na kaugnay ito ng isang impeksyon sa Helicobacter pylori, ang bacterium na responsable para sa ilang mga stomach ulcers.
Hirap dumighay ang mga taong may acid reflux o GERD ayon sa ulat. Ang pagdaloy ng acid mula sa tiyan pabalik sa iyong esophagus patungo sa bibig ay nagreresulta sa acid reflux. Ang madalas na yugto nito ay maaaring sintomas na ng GERD.
Kasama sa mga sintomas ng GERD ang sumusunod:
- Heartburn
- Pagduduwal
- Maasim na lasa sa likod ng bibig
- Pagdighay
Ayon sa mga eksperto, ang pagdighay ay isang ganap na normal na pangyayari na tumutulong upang alisin ang sa tiyan ang labis na hangin. Normal para sa isang malusog na tao ang dumighay ng hanggang 30 beses sa isang araw. Ngunit maaaring mas madalas pa ang iyong pagdighay kung ikaw ay may acid reflux.
Gastroparesis
Hirap dumighay rin ang dulot ng Gastroparesis o bahagyang pagkaparalisado ng tiyan. Ito ay isang sakit kung saan hindi kayang alisin ng iyong tiyan sa normal na paraan ang taglay nitong pagkain.
Kung mayroon kang ganitong kondisyon, hindi normal na gumagana ang mga nasirang nerves at kalamnan. At dahil wala silang koordinasyon, bumabagal ang paggalaw ng laman ng tiyan sa iyong digestive system.
Ang Gastroparesis ay isang pangkaraniwang kondisyon sa mga taong matagal nang may diabetes. May pagkakataong nami-misdiagnose ito at napagkakamalang ulcer, heartburn o allergic reaction. Sa mga taong walang diabetes, ang kondisyon ay maaaring nauugnay sa acid reflux.
Hirap dumighay? Paano maiibsan ito?
Maaari mong bawasan ang pagdighay sa pamamagitan ng dahan-dahang pagkain at pag-inom. Maglaan ng sapat na oras sa pagkain upang hindi ka nagmamadaling kumain. Maaaring makatulong ang paglalakad ng kaunti pagkatapos kumain.
Iwasan rin ang mga carbonated na inumin at beer dahil naglalabas sila ng carbon dioxide gas. Gayundin ang paninigarilyo o ang paglanghap ng usok nito. Kung mayroon kang pustiso, makipagkita sa iyong doktor upang masiguro na ito ay angkop sa iyo upang hindi maging sanhi ng labis na paglunok ng hangin.