Kilala ng mga Pilipino ang gallbladder stone o gallstones bilang “bato sa apdo.” Kapag nakararanas ng mga sintomas at senyales ng bato sa apdo, kailangang pumunta sa doktor upang magamot ito. At kung asymptomatic naman o walang nararamdaman na sintomas o asymptomatic, maaaring hindi na kailangan alisin ang mga bato ngunit kailangan pa rin magpa-check up.
Ano ang Gallbladder?
Bago natin talakayin ang mga sintomas at senyales ng bato sa apdo, kailangan muna natin malaman kung ano ang ginagawa ng gallbladder.
Tinatawag na apdo o gallbladder ang isang organ na hugis peras na walang laman. Matatagpuan ito sa kanang bahagi ng tiyan. Sa kalooban, makikita ito sa ilalim ng atay. Nagsisilbi ito bilang imbakan ng bile na isang digestive fluid na gawa ng atay. Tumutulong ang bile sa pagtunaw ng pagkain. Tinutunaw nito ang mga taba sa porma na mas madali matunaw.
Gallstones o bato sa apdo: Kabuuang-ideya
Sa puntong ito, iniisip mo siguro: ano ang mga bato sa apdo at paano sila nabubuo?
Una, mukhang mga bato na makikita sa apdo o sa mga bild duct ang mga gallstone. Binubuo ang mga mukhang bato na ito ng mga tumigas na substance, madalas ng cholesterol o bilirubin. Para higit pang maipaliwanag, alamin natin ang pagkakaiba ng dalawa:
- Mga cholesterol stone. Madalas silang nasa yellow-green ang kulay. Tinatawag na cholesterol ang mala-wax na substance na mula sa mga taba na karaniwang nakikita sa dugo at cells ng katawan. Mas karaniwan ang mga bato sa apdo na mula sa cholesterol kaysa sa mga galing sa bilirubin.
- Mga bilirubin stone. Tinatawag din bilang pigment stone. Gawa ang mga bilirubin stone mula sa breakdown ng mga red blood cell sa atay. Bukod sa pagiging bato, maaari din lumabas sa daluyan ng dugo ang sobrang bilirubin. Kapag nangyari ito, maaaring magkaroon ng jaundice o paninilaw ng mata at balat ang isang tao.
Mga Sanhi ng Pagbuo ng Bato sa Apdo
Nakaayon ang mga sintomas at senyales ng bato sa apdo sa kung ano ang nagsanhi nito. Narito ang mga karaniwang sanhi ng pagbuo ng bato sa apdo:
- Isang “lazy” o “tamad” na apdo. May mga pagkakataon na hindi nagtatanggal ng laman ang apdo na maaring pagmulan ng bato.
- Mga sakit sa atay; isang halimbawa ang liver cirrhosis
- Mga sakit sa dugo, tulad ng leukemia o sickle cell anemia
- Mabilis na pagbaba ng timbang
- May mataas na level ng bilirubin at cholesterol sa bile
Bago tayo magpatuloy sa talakayan tungkol sa mga sintomas at senyales ng bato sa apdo, tandaan ang mga sumusunod na punto tungkol sa laki ng mga bato sa apdo:
- Iba-iba ang laki ng mga bato sa apdo. Maaaring kasing liit ng mga butil ng buhangin ang ilan, habang ang iba ay kasing laki naman ng mga bola ng golf. Maaaring isang malaking bato lamang ang nasa apdo, o maaaring isang daang maliliit na bato ang matatagpuan. Kung minsan mayroon ding pinagsamang malalaki at maliliit na bato.
- Mapanganib din ang maliliit na bato. Maaaring lumabas sa apdo ang maliliit na bato, at maiwan sa mga bile duct na mas magdudulot ng pinsala. Kung maharangan ng maliliit na bato ang karaniwang bile duct, maaari ito magdulot ng impeksyon na tinatawag na cholangitis. Bukod pa rito, maaari din itong magresulta sa pancreatitis o pamamaga ng pancreas.
Ang Mga Sintomas at Senyales ng Bato sa Apdo
Maaaring may mga tao ang may bato sa apdo at hindi naaabala ng mga ito. Gayunpaman, maaaring isa sa mga tao na yun ay symptomatic o may sintomas kung magbara ang mga bile duct dahil sa mga bato. Sumusunod ang mga pinakakaraniwang sintomas at senyales ng bato sa apdo:
Gallbladder attack
Sa mga sintomas at senyales ng bato sa apdo, ang gallbladder attack ang marahil pinakakaraniwan. Sa madaling salita, tinatawag na gallbladder attack ang pagsakit ng apdo. Maaari ito maramdaman sa itaas na bahagi, sa kanang itaas na bahagi o sa gitnang itaas na bahagi ng tiyan. Maaaring ilarawan ang sakit bilang “biglaan at tumitindi.”
Maaaring tumagal ng 15 na minuto hanggang ilang oras ang gallbladder attack. Sa karaniwan, nawawala ito sa loob ng 1 hanggang 3 oras. Kahit masakit at matagal ang pag-atake, hindi kinakailangan mag-panic. Hindi itinuturing na medical emergency ang sakit na nararamdaman, ngunit kailangan pa rin magpa-assess sa doktor.
Pananakit sa Iba pang Lokasyon
Bukod sa pananakit ng tiyan, maaari din makaranas ang taong may bato sa apdo ng pananakit sa iba pang bahagi ng katawan, kabilang ang:
- Dibdib
- Kanang balikat
- Lugar pagitna taas na parte ng likod
Iba pang Sintomas at Senyales ng Bato sa Apdo
Maaring sabayan ng mga sumusunod na sintomas at senyales ang pananakit mula sa bato sa apdo:
- Pagduduwal at pagsusuka
- Paninilaw ng balat (jaundice) at mata
- Lagnat
- Ash-colored (kulay abo) na dumi
- Hindi natutunawan ng pagkain
Treatment sa Bato sa Apdo: Paano matatanggal ang mga bato sa apdo?
Mga Risk Factor sa Pagkakaroon ng Bato sa Apdo
Upang malaman kung siguradong may mga sintomas at senyales ng bato sa apdo, makatutulong na malaman ang mga risk factor. Malalaman na isa kang at risk kung:
- Naninigarilyo
- Malakas uminom ng alak
- May diabetes
- May mataas na level ng cholesterol sa dugo
- Overweight o obese
- Madalas kumain ng mga pagkaing mataas sa taba at mababa sa fiber
- May family history ng bato sa apdo
- Umiinom ng maraming gamot
- Buntis
Mga Paraan Para Maiwasan ang Pagkakaroon ng Bato sa Apdo
Ngayong pamilyar ka na sa mga karaniwang sintomas at senyales ng bato sa apdo, oras na para alamin paano ito maiiwasan. Maaari mong gawin ang mga sumusunod para mabawasan ang iyong posibilidad na magkaroon ng bato sa apdo:
- Pabagalin ang pagbaba ng timbang. Dahil maaari kang maging mas malapit sa pagkakaroon ng bato sa apdo dahil sa pagiging overweight at obese, sikaping mapanatili ang malusog na timbang. Gayunpaman, maaaring mag-trigger ng pagkakaroon ng bato sa apdo ang mabilis na pagbaba ng timbang, kaya siguraduhin na dahan-dahan ang pagbaba ng timbang. 0.5 hanggang 1kg sa bawat linggo ang inirerekomendang pagbabawas ng timbang.
- Kumain sa oras. Nakakadagdag sa posibilidad mong magkaroon ng bato sa apdo ang pagpapalipas ng pagkain.
- Ingatan ang iyong diet. Makatutulong magpababa ng panganib sa bato sa apdo ang pagkain ng mga pagkaing mataas sa fiber. Maaari kang kumain ng mas maraming isda, prutas at gulay, at whole grains. Maaaring makatulong din ang pag-iwas sa mga pritong pagkain, at pagbabawas sa pagkain ng karne.
- Kumain ng mani. Ayon sa ilang pag-aaral, maaaring magpababa ng panganib ng pagkakaroon ng bato sa apdo ang pagkain ng mani at kasoy. Gayunpaman, mag-ingat dahil karaniwang mataas ang calories ng mga mani.
Kailan Dapat Kumonsulta sa Doktor
Kapag nakararanas ng mga sintomas at senyales ng bato sa apdo, ito ang palatandaan na kailangan mo na kumonsulta sa doktor. Lalo na kung sasabayan pa ng mga mababanggit ang iyong gallbladder attack:
- Mataas na lagnat, lalo na kapag sasabayan ng pangangatog
- Ihi na kulay tsaa
Kapag nagpapakonsulta na sa doktor, magsasagawa sila ng ilang pagsusuri upang matiyak ang pinakamabuting gawin. Bagaman nirerekomenda ang operasyon, may iba pa ring paraang para maalis ang mga bato nang walang operasyon.
Makatutulong sa iyo ang pag-unawa sa mga sintomas at senyales ng bato sa apdo para malaman kung kinakailangan mo ng medikal na tulong.
Tandaan: kung nararamdaman ang mga senyales ng bato sa apdo, kailangan mong pumunta sa doktor. Dahil may iba pang kondisyon na maaaring kapareha ng sintomas, mas mabuting masuri agad ang mga senyales na nararamdaman kasama na ang mga risk factor.
Matuto pa tungkol sa sakit sa apdo dito.