backup og meta

Anu-ano ang mga Posibleng Maging Sanhi ng Pagtitibi

Anu-ano ang mga Posibleng Maging Sanhi ng Pagtitibi

Ang pagtitibi ay karaniwang problema sa panunaw ng tao. Sa kondisyong ito, nahihirapan ang taong makadumi. Pagbabago sa pamumuhay, diyeta, kakulangan sa fiber, at ilang medikasyon ang posibleng mga sanhi ng pagtitibi.

Magkakaiba ang pagdumi ng bawat tao. May mga taong dumudumi ng ilang beses sa isang araw. Habang ang iba naman ay dalawa o tatlong beses lang sa isang linggo. Karaniwan, maikokonsiderang may pagtitibi ang isang tao kapag kaunti, matigas, at tuyong dumi ang inilabas niya na hindi lalagpas sa tatlong beses sa isang linggo.

Gaano Kadalas Makaranas ng Pagtitibi?

Karaniwan ang pagtitibi sa mga babae kapag buntis at pre-menopause. Madalas din itong problema para sa matatandang 65 taong gulang pataas. Ang mga posibleng sanhi ng pagtitibi sa age group na ito ay dulot ng edentulism (toothlessness) at kawalan ng wastong diyeta at ehersisyo.

Paano Nangyayari Ang Pagtitibi?

Sa prosesong tinatawag na peristalsis, nagko-contract ang mga kalamnan (muscles) na tulad ng alon na nagdadala ng pagkain sa magkakaibang organ sa panunaw.

Nagsisimula ang peristalsis sa lalamunan at saka mapupunta sa mga maliit na bituka kung saan nasisipsip ng katawan ang mga nakuhang sustansya. Nagtatapos ito sa malaking bituka kung saan ang tubig mula sa hindi natunaw na pagkain (waste) ay sinisipsip papunta sa daluyan ng dugo. Ang natirang materyal (stool) ay inilalabas gamit ang rectum at anus.

Kung may pagtitibi ka, mas magiging matagal ang prosesong ito. Ang tubig mula sa sa dumi o stool na naipon sa malaking bituka ay patuloy na masisipsip ng katawan. Magsisimula na ngayong matuyo, maging matigas, at mahirap ilabas ang dumi.

Ano ang mga Sanhi ng Pagtitibi?

Maaaring sanhi ng iba’t ibang dahilan ang pagtitibi. Ang mga sumusunod ang pangunahing posibleng mga sanhi ng pagtitibi:

Kakulangan sa ehersisyo

Nakapagpapasigla ng colon ang pagiging aktibo, kaya’t mas madaling makapagpalabas ng dumi. Ang madalas na pag-upo o hindi pagiging aktibo ay sanhi ng pagtitibi.

Kakulangan sa fiber sa mga kinakain

Nakapagpapatagal ng pagtunaw ng pagkain sa tiyan ang pagkonsumo ng pagkaing mababa sa fiber. Nagdudulot din ito ng iregularidad sa pagdumi, pagtigas ng dumi, at minsan, pagsakit ng tiyan.

Mahalaga ang fiber sa katawan, lalo na sa pagtunaw ng kinain. Pinalalakas nito ang colon, tumutulong sa pagtunaw ng pagkain, at tinitiyak ang regular na bowel movement. Ipinapayong magdagdag ng mas maraming pagkaing mayaman sa fiber.

Pagbabago sa pamumuhay

Ang hindi inaasahang pagbabago sa iyong pang-araw-araw na ginagawa ay maaaring makaapekto sa iyong regular na pagdumi. Halimbawa, kapag natutulog ka, nagpapahinga rin ang iyong colon. Kapag gising ka, nagsisimula muling mag-contract ang colon. Ang pagkain ay isa ring salik na nagpapasigla ng colon contraction.

Kung bigla mong binago ang iyong diet, oras ng pagkain, at oras ng pagtulog, maaapektuhan nito ang iyong pagdumi. Matuto pa ng mga paraan kung paano mapabubuti ang iyong gut health.

Mga Gamot

Ang matatanda ay maaaring makaranas ng paulit-ulit na pagtitibi dahil sa magkakaibang gamot na iniinom. Ilan sa mga gamot na ito ay ang tricyclic antidepressants, opioid pain reliever, incontinence medication, over-the-counter cold remedies, at non prescription sleeping pills.

Kakulangan sa naiinom na tubig

Ang kakulangan sa tubig ay isa ring salik na nagdudulot ng pagtitibi. Kapag dehydrated ka, sisipsipin ng iyong colon ang lahat ng tubig na puwede nitong makuha mula sa hindi pa natutunaw na pagkain sa iyong tiyan. Ito ang dahilan kung bakit tumitigas at bukol-bukol ang iyong dumi.

Matagal na pagpipigil ng dumi

Ang hindi pagpipigil na dumumi ay maaaring magresulta sa mas mahirap at hindi komportableng bowel movement. Kapag matagal na nanatili sa rectum mo ang dumi, sisipsipin ng colon ang lahat ng tubig na mayroon ito.

Madadagdagan ng panibagong dumi ang duming matagal mong piniit. Lumalaki ito pagtagal, kaya’t mas mahirap at mas masakit itong ilabas.

Dependent sa Laxative

Katanggap-tanggap ang paggamit ng mga laxative kapag mahirap nang kontrolin ang pagtitibi. Gayunpaman, maaaring lumikha ng problema ang sobra-sobrang paggamit nito sa iyong pagdumi.

Maaaring lalong magtagal ang pagtitibi kung gumamit ng laxatives sa mahabang panahon. Kapag naging dependent ka sa laxatives, puwede mong mapinsala ang iyong digestive system sa kabuuan.

Lifestyle at Home Remedies para sa Pagtitibi

Narito ang mga pagbabago sa paraan ng pamumuhay na puwede mong gawin at home remedies na maaaring gamitin upang mabawasan ang pagtitibi.

Dagdagan ang pagkaing mayaman sa fiber

Makatutulong sa pagkontrol ng bowel movement at pag-iwas sa pagtitibi ang pagkain ng whole grains, mani, at ilang prutas na mayaman sa fiber. Tiyakin lamang ang kokonsumo ng inirerekomendang dami ng fiber. Maaaring magdulot ng bloating at gas ang sobrang fiber.

Huwag pigilin at patagalin ang pagdumi

Kung nadudumi ka na, magpunta ka na agad sa palikuran. Huwag na itong pigilan o patagalin. Huwag magmadali sa pagdumi at tiyaking nailabas mo ang lahat.

Key Takeaways

Lahat ay puwedeng makaranas ng pagtitibi. Makatutulong upang maiwasan ang pagtitibi at matugunan ang posibleng mga problema sa panunaw kung magiging maalam sa mga posibleng sanhi ng pagtitibi.

Huwag ding kalimutang kumonsulta sa inyong doktor.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Chronic constipation: A review of literature, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC5976340/, accessed 2 June 2020

Definition & Facts for Constipation,  https://www.niddk.nih.gov/health-information/digestive-diseases/constipation/definition-facts Accessed 2 June 2020

Coming to terms with constipation, https://www.health.harvard.edu/digestive-health/coming-to-terms-with-constipation, accessed 2 June 2020

Constipation and impaction, https://www.health.harvard.edu/a_to_z/constipation-and-impaction-a-to-z, accessed 2 June 2020

Constipation, https://www.hopkinsmedicine.org/health/conditions-and-diseases/constipation Accessed 2 June 2020

Constipation, https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/constipation/symptoms-causes/syc-20354253 Accessed 2 June 2020

Kasalukuyang Version

08/20/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Sanhi ng Constipation, Anu-ano ang mga Ito? Alamin Dito!

Bakit Minsan Nakararanas ng Constipation Pagkatapos ng Diarrhea?


Narebyung medikal ni

Jobelle Ann Dela Cruz Bigalbal, MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement