Ang sipon ay isang viral infectious disease na nakakahawa sa upper respiratory system.
Sanhi ito ng higit sa 200 iba’t ibang mga virus. Ang rhinovirus ang pinakakaraniwan, na umaabot sa 10 hanggang 40 porsyento ng mga sipon. Kasama sa iba pang mga common cold virus ang coronavirus at respiratory syncytial virus (RSV), influenza, at parainfluenza. Ang karaniwang sipon ay kilala rin bilang acute viral rhinopharyngitis at acute coryza.
Ang kaalaman sa importanteng facts tungkol sa karaniwang sipon ay maaaring makatulong sa tamang pangangalaga at paggamot.
Lubhang nakakahawa ang sipon at ito ang pinakakaraniwang infectious disease sa mga tao. Ang katawan ay hindi makabuo ng paglaban sa lahat ng mga virus na nagdudulot ng sipon. Kaya naman ito ay karaniwan at madalas na bumabalik.
Nagkakasipon ang mga adults sa average na dalawa hanggang apat na beses bawat taon. Habang ang mga bata ay dumaranas nito ng average na anim hanggang 10 beses bawat taon.
Maaaring seasonal ang karaniwang sipon, pero posibleng magkaroon nito anumang panahon ng taon.
Mga Palatandaan at Sintomas
Bihirang lumitaw nang mabilis ang mga sintomas ng sipon, karaniwang tumatagal ng ilang araw bago lumitaw. Kasama sa mga sintomas na ito ang mga sumusunod:
- Runny o baradong ilong
- Congestion
- Pagbahing
- Nagluluha ang mga mata
- Mucus na umaagos mula sa iyong ilong papunta sa iyong lalamunan
- Humihina ang panlasa at pang-amoy
- Makati o masakit na lalamunan
- Ubo
Kung minsan ang ubo ay may kasabay na mild fever, panghihina, pananakit ng ulo, masasakit na joints, at pagkapagod. Ang sipon ay bihirang nagdudulot ng karagdagang mga problema sa kalusugan. At kahit na paminsan-minsan ay napagkakamalan silang trangkaso, mahalagang tandaan na ang mga sintomas ng trangkaso ay kadalasang mas malala.
Kailan dapat magpatingin sa doktor?
Ang mga virus tulad ng sipon ay hindi maaaring gamutin ng antibiotic. Karamihan ng mga kaso ay hinahayaan lang na mawala ng kusa. Ang mga sintomas lamang ng impeksyon ang maaaring gamutin, at hindi ang impeksyon mismo.
Ang mga taong naninigarilyo, at may hika o iba pang respiratory illness ay maaaring makaranas ng mga sintomas nang mas matagal.
Magpa-appointment upang magpatingin sa iyong doktor kung magpapatuloy ang mga sintomas pagkatapos ng pito hanggang 10 araw. At kung maranasan mo ang mga sumusunod na sintomas:
- Hindi karaniwang malubhang sintomas ng sipon
- Mataas na lagnat
- Pananakit sa tenga
- Sinus-type na sakit ng ulo
- Ubo na lumalala habang bumubuti ang iba pang sintomas ng sipon
- Antok
- Hirap sa paghinga
- Mga problema sa pag-ihi
- Pananakit sa dibdib
- Flare-up ng anumang chronic lung problem, tulad ng hika
Ang mga sintomas na ito ay maaaring magpahiwatig ng mas malaking problems, tulad ng trangkaso o strep throat.
Ang sipon ay maaari ring maging daan para sa iba pang mga impeksyon, tulad ng sinus o impeksyon sa tainga, at chronic bronchitis.
Isang karaniwang komplikasyon ay impeksyon sa sinus na may matagal na ubo. Ang mga kondisyon para sa mga taong may hika, chronic bronchitis, o emphysema ay maaaring lumala sa loob ng maraming linggo kahit na nawala ang sipon.
Ang mga importanteng facts na ito tungkol sa sipon ay makakatulong sa ma tao na mag-decide kung kailangan nilang magpatingin sa doktor tungkol sa kanilang sintomas.
Mga Sanhi ng Sipon
Ang karaniwang sipon ay maaaring kumalat sa pamamagitan ng air droplets na nakukuha sa pag-ubo at pagbahing o sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa mga infected na ibabaw. Maaari itong makahawa mula 1-2 araw bago magsimula ang mga sintomas hanggang sa tumigil ang mga sintomas.
Ang virus ay maaaring mabuhay sa ibabaw ng ilang araw. Kung ang isang taong may virus ay humipo ng keyboard ng computer, handle ng pinto, o kutsara, halimbawa, ang mga taong humipo sa parehong mga bagay na iyon ay maaaring makuha ang mga mikrobyo. At magkasakit kung hinawakan nila ang kanilang mga mata, ilong, o bibig pagkatapos.
Risk Factors
May ilang mga kondisyon na maaaring magpataas ng tyansang magkaroon ng sipon. Kabilang dito ang:
- Time of the year- maaaring mangyari ang sipon anumang oras ng taon, ngunit mas karaniwan sa panahon ng tag-ulan o malamig na panahon.
- Edad – ang mga batang wala pang 6 taong gulang ay mas malamang na magkaroon nito. Ang panganib ay mas mataas pa kung sila ay nasa paaralan at patuloy na nakikipag-ugnayan sa ibang mga bata.
- Kapaligiran – ang close contact at mataong lugar, tulad ng pagsakay sa bus, tren, o eroplano, o pagdalo sa isang concert, ay malamang na makadagdag ng encounter sa mga rhinovirus.
- Compromised immune system – ang chronic o kagagaling lang sa sakit ay nagiging mas malamang na makakuha ng virus ng sipon.
- Paninigarilyo – ang mga taong naninigarilyo ay may mas mataas na panganib na magkaroon ng sipon at may posibilidad na magkaroon ng mas malalang sintomas kumpara sa mga hindi naninigarilyo.
Diagnosis at Treatment
Dahil ang sipon ay karaniwan, kadalasan ay minor, at may mga sintomas na madaling makilala. Ang pag-diagnose nito ay bihirang nangangailangan ng pagbisita sa doktor.
Maaaring kailanganin ang isang mas detalyadong diagnosis kung magpapatuloy ang mga sintomas pagkatapos ng isang linggo. Dahil maaaring magpahiwatig ang mga ito ng iba pang kondisyon sa kalusugan.
Paano ginagamot ang karaniwang sipon?
Walang gamot para sa sipon ngunit may iba’t ibang paraan upang mapawi ang mga sintomas nito:
- Subukan ang mga nasal decongestant drops o mga spray upang alisin ang congestion sa ilong.
- Uminom ng paracetamol, ibuprofen, o aspirin para makatulong sa pananakit at lagnat.
Kasama sa mga over-the-counter na gamot sa sipon ang mga decongestant, antihistamine, at pain reliever, o kumbinasyon ng tatlo.
Basahing mabuti ang label upang maiwasan ang anumang komplikasyon sa kalusugan. Maaaring kailangan ng mga taong may mataas na blood pressure ang gabay ng mga doktor kapag umiinom ng over-the-counter na gamot sa sipon.
Mga Pagbabago sa Lifestyle at Home Remedies
Madaling matutunan ang ilang habits na makakatulong na maiwasan ang sipon. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Maghugas ng kamay madalas, lalo na kung humawak sa isang taong may sipon. Ang pisikal na pakikipag-ugnayan sa isang taong may sipon o nakahipo ng mga bagay na maaaring may virus ay maaaring magdulot ng impeksyon. Maaaring gumamit ng sanitizer na may 60% na alkohol kapag walang sabon at tubig.
- Huwag hawakan ang ilong at mata. Ito ay para maiwasan ang pagpasok sa katawan ng particle ng virus ng sipon.
- Takpan ang ilong at bibig ng tissue kapag umuubo o bumabahing. Umubo o bumahing sa tissue o sa iyong siko, hindi sa kamay. Ito ay upang maiwasan ang pagkalat ng germs sa paligid. Itapon ang tissue at maghugas ng kamay.
- Iwasan ang close contact sa mga taong may sipon. Importante ito sa mga unang araw kung kailan pinakamalamang na magkalat sila ng impeksyon.
- Disimpektahin ang mga bagay na madalas hawakan – kabilang dito ang mga laruan, doorknob, mobile phone, at remote control.
- Uminom ng maraming likido – ang higit sa sapat na fluid intake ay pipigil sa pagkatuyo ng lining ng ilong at lalamunan, upang ang mucus ay mananatiling basa at madaling maalis mula sa ilong.
- Iwasan ang mga caffeinated na mga inumin tulad ng kape, tsaa, o soda. Gayundin ang alcoholic na inumin- ang caffeine at alkohol ay nauuwi sa dehydration.
- Huminto sa paninigarilyo. Ang habit na ito ay nagpapataas ng tyansang magkaroon ng sipon.
- Alagaan ang iyong bituka- kumain ng bacteria-rich food tulad ng yogurt, o uminom ng pang-araw-araw na probiotic supplement. Para mapanatiling malusog ang bacteria community at mapabuti ang pangkalahatang kalusugan.
- Pigilan ang pagkalat ng impeksyon – lumayo o limitahan ang malapit na pakikipag-ugnayan sa mga taong mahina, tulad ng mga may hika o iba pang malalang sakit sa baga.
May ilan ding mga home remedies para makatulong na mapawi ang sintomas ng sipon:
- Pahinga- ang isa o dalawang araw ng pahinga ay maaaring makatulong sa pakiramdam ng pagkahilo na kadalasang kasama ng sipon.
- Hydration – uminom ng maraming likido. Ang maiinit na inumin ay maaari ring magdulot ng ginhawa sa namamagang lalamunan.
- Pagkain – ang ilang mga tao ay nawawalan ng gana kapag sila ay may sipon. Ngunit ang pagkain ay nagpapalakas ng enerhiya at nagbibigay ng mga kinakailangang sustansya at fluids para labanan ang virus.
- Salt gargles– ang pagmumog ng mainit-init na tubig na may asin ay makakapagpaginhawa ng namamagang lalamunan. Makakatulong din ang nasal spray na i-clear ang nasal congestion.
- Warm baths- ang mga ito kung minsan ay nakakatulong na mabawasan ang lagnat at mapawi ang mild aches na karaniwan sa sipon
- Herbs, minerals at iba pang produkto – ang echinacea, eucalyptus, bawang, pulot, lemon, menthol, zinc, at vitamin C ay posible ring panlunas sa sipon.
Key Takeaways
Marahil ang isa sa mga pinakaimportanteng fact tungkol sa karaniwang sipon ay ang mga ito ay karaniwang hindi nakakapinsala. At malinaw na walang anumang malubhang kahihinatnan. Ang mga sintomas ay madaling makilala at maaaring tumagal ng isang linggo.
Gayunpaman, maaaring lumitaw ang mga komplikasyon sa kalusugan. At pinakamahusay na kumunsulta sa isang doktor kung nagpapatuloy ang mga sintomas pagkatapos ng pito hanggang 10 araw. Maaaring pana-panahon ang sipon ngunit maaaring makuha ito ng mga tao sa buong taon. Lubos na nakakahawa, ang sipon ay maaaring kumalat sa pamamagitan ng mga droplet at pisikal na pakikipag-ugnayan.
Ang pinakamahusay na paraan upang maiwasan ang mga sipon ay ang pag-iwas sa virus nito. Uminom ng maraming likido, magsagawa ng mabuting kalinisan sa kamay, huwag hawakan ang iyong mukha, at iwasan ang malapit na pakikipag-ugnayan sa mga taong may sipon. Manatiling hydrated, well rested, at malusog para maiwasan ang impeksyon.