Nangangailangan ng maingat na talakayan ang pinagkaiba ng pneumonia at tuberculosis. Ayon sa mga ulat, maaaring mapagpalit ang mga ito dahil sa magkakaparehong sintomas. Pareho silang puwedeng mauwi sa kakapusan sa paghinga, pagkapagod, at pananakit ng dibdib habang humihinga o umuubo.
Kung nakararanas ka ng mga problema sa paghinga at nagsususpetsang may pneumonia o tuberculosis (TB), narito ang ilang tips upang makita ang pinagkaiba ng pneumonia at tuberculosis gamit ang kanilang mga senyales at sintomas.
Pag-ubo
Ang ubo ng pneumonia at tuberculosis ay maaaring hindi makita ang pinagkaiba, ngunit maaari mong isaalang-alang ang tagal nito. Maraming mga ulat ang nagsabing isang “bad cough” ang ubo ng TB na tumatagal ng dalawang linggo o higit pa. Ang hemoptysis, o pag-ubo ng dugo, ay isa ring sintomas ng TB.
Lagnat, pagpapawis, at panginginig
At dahil parehong impeksyon ang tuberculosis at pneumonia, hindi na nakagugulat na magkaroon ng lagnat, na may kasamang pagpapawis at panginginig ang mga ito.
Sa pneumonia, ang mga taong nasa edad 65 pataas o ang mga may mahihinang resistensya ay maaaring may mas mababa sa normal na temperatura ng katawan.
Isa pang kapansin-pansin sa pagpapawis sa may tuberculosis ay kadalasang nangyayari ito sa gabi.
Pagduduwal, Pagusuka, Pagtatae, at Pagbaba ng Timbang
Hindi makokompleto ang talakayan hinggil sa pinagkaiba ng mga sintomas ng pneumonia at tuberculosis nang hindi napag-uusapan ang mga sintomas galing sa ating digestive system.
Ang mga sintomas gaya ng pagduduwal, pagsusuka, at kahit ang pagtatae ay maaaring mangyari kapag may pneumonia. Kawalan ng ganang kumain at pagbaba ng timbang, sa kabilang banda, ay mas karaniwan sa tuberculosis.
Mahalagang tandaan:
Pakitandaang ang mga sintomas ng tuberculosis at pneumonia ay nagkakaiba-iba sa mga tao.
Hindi rin ibig sabihin kailangan magkaroon ng lahat ng sintomas na nabanggit bago magkaroon ng pneumonia or TB. May ilang mga may malumanay na sintomas ng pneumonia lamang. Habang ang mga may mahinang resistensya ay maaaring magkaroon ng malubhang impeksyon.
Ang mga tao namang may nakatagong TB ay walang nakikitang mga sintomas hanggang sa maging aktibo na ang impeksyon.
Mga sunod na hakbang
Tuberculosis man o pneumonia ang mayroon ka, hindi nito mababago ang katotohanang kailangan mong kumonsulta sa doktor. Ito ay dahil sila lamang ang tamang makasusuri ng iyong kondisyon at makapagbibigay ng tamang gamutan.
Tandaan: ang pneumonia at TB ay nangangailangan ng magkaibang pharmacological treatment.
Sa opisina ng doktor, asahan mo na ang mga tanong tungkol sa history ng iyong kalusugan na dapat mong sagutin, gaya ng “Gaano ka na katagal inuubo?” at “Nakasalamuha mo ba ang taong may pneumonia o TB?”
Malaki din ang tsansang magsabi ang iyong doktor na magpa-test ka tulad ng x-ray, blood rest, at sputum exam upang makumpirma ang iyong kondisyon.
Matapos ang konsultasyon sa doktor, makatutulong ang mga sumusunod na tips:
Ihinto ang pagkalat ng impeksyon
Karamihan sa mga kaso ng pneumonia at active TB ay nakahahawa, kaya’t magandang ideya na gawin ang mga hakbang upang mahinto ang pagkalat ng impeksyon.
Hangga’t maaari, manatili sa bahay hanggang sa gumaling o hanggang sa sabihin ng iyong doktor na hindi ka na nakahahawa. Totoo ito lalo na para sa tuberculosis dahil nakahahawa ka hanggang sa makompleto mo ang unang dalawang linggo ng gamutan. Kapag may kasamang iba, tiyaking magsusuot ng mask.
Syempre pa, huwag kalimutan ang basic infection control practices tulad ng madalas na paghuhugas ng kamay, disinfection, at iwasan ang pagpapahiram ng kubyertos.
Panghuli, kontakin ang taong nakasalamuha mo bago ang iyong diagnosis. Sa ganitong paraan, mababantayan nila ang mga respiratory symptoms at makagawa ng kinakailangang hakbang.
Uminom ng mga gamot
Isa pang mahalagang bahagi ng paggamot ng parehong pneumonia at tuberculosis ay ang pag-inom ng iniresetang gamot ng doktor.
Halimbawa, kapag binigyan ka ng antibiotics sa loob ng dalawang linggo, tiyaking maiinom ito nang dalawang linggo base sa instruksyon ng doktor. Kailangan makumpleto ang bilang ng araw base sa ibibigay ng doktor, kahit na sabihin pang nagkaroon na ng lunas o ginhawa ng pakiramdam bago matapos ang nairekomenda ng doktor na tapusin ang nasabing gamot.
Ang gamutan para sa tuberculosis ay karaniwang kinabibilangan ng maraming gamot. Kaya’t upang maiwasan ang pagkalito, magtakda ng paalala o isulat ito. Kung naka-enrol ka sa TB treatment center, kailangan mong inumin ang gamot sa ilalim ng pagbabantay ng isang healthcare worker.
Bantayan ang mga sintomas
Panghuli, bantayan ang iyong mga sintomas. Kung hindi bumuti ang iyong pakiramdam o lumala kahit nagdaan na ang isa o dalawang linggong gamutan at pahinga, huwag magdalawang isip na bumalik sa ospital o klinika.
Key Takeaways
Mahirap makita ang pinagkaiba ng pneumonia at tuberculosis. Kaya naman, mahalagang kumonsulta sa doktor sa oras na magkaroon ka ng mga respiratory symptoms o sintomas sa baga tulad ng ubo at kakapusan ng hininga, at systemic na sintomas tulad ng lagnat. Kapag nakumpirma na ang iyong kondisyon lamang maaaring magrekomenda ng tamang gamutan ang doktor para sa iyo.
Matuto pa tungkol sa Pneumonia dito.