backup og meta

Maaari Bang Humantong sa Pagkamatay ang Pagkakaroon ng Trangkaso?

Maaari Bang Humantong sa Pagkamatay ang Pagkakaroon ng Trangkaso?

Ang influenza o flu (trangkaso), kung saan ito kilala, ay isang respiratory condition na umaatake sa ilong, lalamunan, at baga. Isa itong viral at nakakahawang kondisyon na halos pareho sa sipon. Gayunpaman, bagaman pareho ang mga sintomas, magkaiba naman ang mga epekto at maging ang mga sanhi nito. Kung ang sipon ay maaaring sanhi ng isa o kombinasyon ng higit 200 mga virus, ang trangkaso naman ay puwedeng dulot ng tiyak na mga virus. Ito ang dahilan ng pagkakagawa ng mga seasonal na bakuna. Bukod dito, puwedeng humantong ang trangkaso sa mas seryosong problema tulad ng pulmonya, na maaaring nakamamatay. Nakakamatay ba ang trangkaso? Oo, kung mapapabayaan o babalewalain.

Alamin natin ‘yan dito.

Ano ang trangkaso (flu)?

nakakamatay ba ang trangkaso

Ang trangkaso ay isang sakit na nakaaapekto sa kabuuang respiratory system at maaaring nakakamatay sa kaso ng mga taong kabilang sa high-risk na mga grupo. Sila ang mga sanggol na wala pang 2 taong gulang, mga matatandang higit 65 na ang edad, buntis, immunocompromised na mga tao, at iba pang tulad nila. Narito ang mga sintomas ng trangkaso:

  1. Lagnat
  2. Panginginig o pangangatog
  3. Pananakit ng ulo
  4. Pagkahapo
  5. Pananakit ng mga kalamnan
  6. Pagtulo ng sipon
  7. Congestion
  8. Ubo

May mga pagkakataong walang nararamdamang sintomas ang isang tao, lalo na kung nagsisimula pa lang ang trangkaso. Gayunpaman, hindi ibig sabihing walang sintomas ay hindi na ito delikado. Nakahahawa pa rin ito at puwedeng maipasa ang virus sa ibang tao. 

Nakakamatay ba ang trangkaso? Bihira ang namamatay dahil dito. Ngunit hindi rin naman ito isang pangyayaring kakaiba. Anumang kondisyong apektado ang iyong mahahalagang organ, kung hindi magagamot, ay maaaring mauwi sa mga seryosong kahihinatnan, at nangyayari din ito sa trangkaso.

Nakakamatay ba ang trangkaso: Posible ba ito?

Oo, posible. Gayunpaman, ang pinakaproblema dito ay hindi siniseryoso ng mga tao ang trangkaso. Madalas pa nilang maipagkamali ito sa karaniwang sipon. Ito ang karaniwang pagkakamali dahil hindi masyadong nagkakaiba ang mga sintomas nila.

Sa kabila nito, kailangang maunawaan ng tao na nagdudulot ng pananamlay at pagkawala ng ganang kumilos ang trangkaso, habang hindi ito madalas mangyari kapag mayroon ka lamang na simpleng sipon. Ang mga sintomas ng trangkaso ay mas seryoso.  Nauuwi ito sa pagkahapo kung saan hindi niya magawang gawin ang mga dapat niyang magawa sa araw-araw. 

Ang napakaliit na pagkakaibang ito ang dapat na makita. Kung hindi, maaaring mauwi sa pagkamatay ang maling pagsusuri sa trangkaso.

Nakakamatay ba ang trangkaso: Paano ito nangyayari?

Kung mapababayaan at hindi magagamot ang trangkaso, maaari itong mauwi sa mas seryosong kondisyon tulad ng mga sumusunod:

Pneumonia

Nangyayari ito kapag nahawahan na ang isa o parehong mga baga. Maaaring dulot ito ng mga flu virus, bacteria o fungi.

Lumilikha ang impeksyong ito ng lalong pamamaga sa mga baga na nakaaapekto sa kanyang paghinga. Lubhang nakahahawa ang pneumonia. Ang mga sintomas nito ay:

  • Lagnat
  • Panginginig
  • Ubong may plema
  • Hindi o hirap makahinga
  • Pananakit ng dibdib
  • Pagkahapo
  • Pananakit ng ulo

Congestive Heart Failure

Ang Congestive Heart Failure o CHF ay isa ring kondisyon na maaaring mauwi sa pagkamatay mula sa trangkaso. Nangyayari ito kapag ang mga ventricle (na parte ng puso) ay wala sa kondisyong mag-pump ng sapat na dugo sa katawan, kaya’t bumabalik ang mga fluid at dugo sa mga baga, atay, abdomen, at lower body. Puwedeng mauwi sa heart failure ang pamumuo ng fluid sa paligid nito, na nagiging banta sa buhay ng isang tao.

Chronic Obstructive Pulmonary Disease

Ang Chronic Obstructive Pulmonary Disease o COPD ay isang grupo ng sakit sa baga na progressive in nature. Ang pinakakaraniwan sa mga ito ay ang chronic bronchitis at emphysema. Nagdudulot ang una ng pagkitid ng bronchial tubes at pamamaga, habang ang pangalawa ay sumisira sa air sacs ng baga.

Nauuwi ito kalaunan sa pagdami ng plema. Kadalasang nangyayari ang COPD dahil sa paggamit ng tobacco at nangyayari paglipas ng sapat na panahon. Gayunpaman, puwede rin itong magsimula sa trangkaso.

Lahat ng mga nabanggit na kondisyon sa itaas ay kadalasang nagsisimula sa simpleng trangkaso. Bagaman pwede itong mangyari nang hiwalay, mahalagang malaman ng lahat kung ano ang mahalagang ginagampanan ng trangkaso dito at sa posibilidad nitong maging nakamamatay. Kung hindi masusuri, lahat ng ito ay maaaring mauwi sa pagkamatay dahil sa trangkaso. 

Kaya’t mahalagang bigyang pansin ang tindi o lala ng iyong kondisyon kung mayroon kang trangkaso. 

Nakakamatay ba ang trangkaso: Banta sa buhay na mga sintomas

Bagaman alam natin ang mga sintomas ng karaniwang trangkaso, kapag naging seryoso ang kondisyon, lumalala rin ang mga sintomas. Mahalagang maging mapagbantay at pansinin ang mga ito.

Iba ang mga sintomas sa mga sanggol, bata, at matatanda. Narito ang listahan ng kung papaano nito naaapektuhan ang lahat ng age group.

Banta sa buhay na mga sintomas ng trangkaso sa matatanda:

  • Kinakapos ng hininga
  • Pagkawala sa wisyo
  • Matinding pagsusuka
  • Matinding pananakit ng tiyan
  • Pananakit ng dibdib

Banta sa buhay na mga sintomas para sa mga sanggol:

  • seizure
  • Para sa mga batang wala pang 3 taong gulang, nakaaalarma ang temperaturang higit sa 100.3 degrees.
  • Problema sa pagkain
  • Hindi nagkakaroon ng luha
  • Humihinang pag-ihi

Bukod dito, may karagdagang mga sintomas sa mga bata na dapat bantayan. Sakaling mangyari ito, agad na humingi ng medikal na tulong:

  • Kapag namumutla o nangingitim ang mukha, dibdib at mga galamay ng bata
  • Matamlay o lethargic
  • Dehydration dulot ng kakulangan sa iniinom na tubig
  • Mabilis na paghinga
  • Paninigas ng leeg

Ang mga sintomas na ito at kaso ay maaaring mauwi sa pagkamatay mula sa trangkaso na dapat bantayan.

Nakakamatay ba ang trangkaso: Sino ang nasa panganib nito?

Alam na nating ang mga buntis, immunocompromised, matatanda at mga sanggol ay mas malapit sa panganib ng trangkaso. Gayunpaman, ang mga kategorya kung sino ang nasa panganib ng pagkamatay mula sa trangkaso ay kaunti pa lang at kailangang bantayan para sa anumang impeksyon, na maaaring maging malubha. 

Narito ang mga taong nasa panganib na mamatay mula sa trangkaso:

  • Mga taong nakatira sa close quarters
  • May AIDS o HIV
  • Mga taong mahina ang resistensya
  • Buntis
  • Mga babaeng nasa 2 linggong postpartum
  • Mga taong may BMI na 40 o higit pa
  • Pasyenteng may malalang sakit
  • Kabataang gumagamit ng salicylate-based na gamot
  • Mga batang wala pang 2 taong gulang
  • Matatandang higit 65 taong gulang

Key Takeaways

Posible ang pagkamatay mula sa trangkaso, ngunit hindi ito madalas ikinokonsidera ng marami dahil iniisip nilang hindi naman isang seryosong sakit ang trangkaso. Gayunpaman, dapat na maging malay ang mga tao sa lahat ng posibilidad, sintomas at epekto nito. Mahalaga ito upang maagang mapansin ang mga nakamamatay na sintomas ng trangkaso at makahingi ng medikal na atensyon.

May nakaligtaan ba kaming facts tungkol dito? May alam ka pa bang nais idagdag? Ipaalam ito sa amin sa comment section.

Matuto pa tungkol sa trangkaso dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Disease burden of Influenza

https://www.cdc.gov/flu/about/burden/index.html Accessed on September 27, 2021

Flu has disappeared for more than a year

https://www.scientificamerican.com/article/flu-has-disappeared-worldwide-during-the-covid-pandemic1/ Accessed on September 27, 2021

Influenza-associated deaths in Tropical Singapore

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC3293465/ Accessed on September 27, 2021

Influenza (flu) / https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/flu/symptoms-causes/syc-20351719 / Accessed on September 27, 2021 

Influenza – estimating burden of disease

https://www.euro.who.int/en/health-topics/communicable-diseases/influenza/seasonal-influenza/burden-of-influenza

Accessed on September 27, 2021

Why is the flu so dangerous?

health.clevelandclinic.org/why-is-the-flu-so-dangerous/

Accessed on September 27, 2021

 

Kasalukuyang Version

10/03/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyung medikal ni Jaiem Maranan, RN MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Maling Paniniwala Sa Trangkaso, Anu-Ano Nga Ba?

Alamin: Home remedy sa trangkaso


Narebyung medikal ni

Jaiem Maranan, RN MD

General Practitioner


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement