Hindi tulad ng mga malulubhang impeksyon kung saan gumagaling tayo sa loob ng ilang linggong pagpapahinga at pag-inom ng gamot, ang asthma ay isang pangmatagalang kondisyon. Upang makontrol ang dalas ng pag-atake at ang mga posibleng epekto nito, ang mga taong may asthma ay lubhang nakadepende sa mga gamot at rescue inhalers. At bagama’t tunay na epektibo ang mga gamot at inhalers, nagiging tanong pa rin ng iba: gumagaling o nawawala ba ang asthma?
Nawawala Ba Ang Asthma? Hindi, Subalit…
Hanggang ngayon, wala pa ring paraan upang magamot nang natural at permanente ang asthma. Subalit maaari itong makontrol.
Malaking bahagi ng pagkontrol sa asthma ay sa pamamagitan ng iyong mga gamot. Ang mga pangmatagalan gamot ay hindi lamang upang makontrol ang mga sintomas. Nakatutulong din ang wastong paggamit nito upang iwasan ang pag-atake ng asthma.
Subalit ang pagkakaroon ng gamot ay hindi nangangahulugang hindi mangyayari ang pag-atake ng asthma. Maaari lamang nitong mapababa ang tyansa at pagkontrol sa mga sintomas. Ngunit kung palagi kang exposed sa mga bagay na maaaring maging sanhi ng pag-atake ng asthma at hindi mo inaalagaan ang iyong sarili, maaaring hindi mo makontrol ang sakit na ito.
Dahil dito, isaalang-alang ang pagsunod sa mga sumusunod na hakbang. Hindi man ito paraan upang permanenteng mawala ang asthma, subalit maaaring natural na makontrol ang sakit.
Mga Hakbang Upang Natural Na Makontrol Ang Asthma
Nawawala ba ang asthma? Hindi. Kaya naman, bukod sa pag-inom ng iyong mga gamot at paggamit ng rescue inhaler, maaaring gusto mong isaalang-alang ang mga sumusunod na hakbang:
1. Tandaan at iwasan ang mga bagay na maaaring maging sanhi ng pag-atake ng asthma
Ang unang hakbang upang makontrol ang asthma ay ang pagtanggal o pag-iwas sa mga bagay na maaaring maging sanhi ng pag-atake nito.
Ang mga maaaring maging sanhi ng asthma ay bagay o sitwasyon na posibleng magresulta sa pag-atake nito. Nagbabago-bago ang mga ito depende sa tao subalit kadalasang kasama rito ang alikabok, balahibo ng alagang hayop, usok, malamig na hangin, at emosyonal na stress.
Hindi man nito magamot ang asthma nang permanente at natural, subait ang pag-iwas o pagtanggal sa mga ito ay makatutulong upang maiwasan ang mga atake.
2. Aktibong sikapin na maging malusog
Isa pa sa mga paraan upang makontrol ang asthma ay ang pagsasagawa ng pagbabago sa paraan ng pamumuhay upang mapabuti ang kabuoang kalusugan. Ayon sa mga eksperto, nakatutulong ang mga sumusunod na gawi:
- Sikaping magkaroon ng malusog na timbang, unang-una sa pamamagitan ng masustansyang diet at regular, angkop na ehersisyo.
- Tandaan na ang pisikal na gawain ay maaaring maging sanhi ng pag-atake ng asthma, kaya kumonsulta sa iyong doktor upang malaman ang mga ehersisyong angkop sa iyo.
- Tumigil sa paninigarilyo at iwasang makalanghap ng usok ng sigarilyo. Hindi lamang ito sanhi ng asthma subalit maaari din itong makasira ng baga.
- Magkaroon ng sapat at magandang tulog. Kung ang nocturnal asthma ay dahilan upang mahirapan kang matulog, kumonsulta sa iyong doktor.
3. Kontrolin ang stress
Katulad ng nabanggit kanina, ang emosyonal na stress ay maaaring maging dahilan ng pag-atake ng asthma. Dahil dito, kailangang mong unahin ang pagkontrol sa iyong stress. Maraming mga paraan upang gawin ito, kabilang ang:
- Pagsasanay ng tamang paghinga
- Yoga
- Masahe
- Meditation
At syempre, huwag kalimutan na ang pag-iwas sa pagkapagod ay mainam na paraan upang mabawasan ang stress. Ilan sa mga mainam na paraan upang maiwasan ang pagkapagod ay ang paghahati mga gawain sa mga mas maliliit na gawain. Sa ganitong paraan ay naiisa-isa ang mga gawain at nalalaman kung ano ang dapat unahin.
Makatutulong Ba Ang Mga Halamang Gamot?
Batay sa ilang mga pananaliksik, marami ang gumagamit ng mga alternatibong gamot, tulad ng mga halamang gamot, upang makontrol ang kanilang asthma. At bagama’t hindi ito tinatanggap sa larangan ng medisina, ang ilan sa mga gamot na ito ay may malalaking potensyal.
Halimbawa, isang ulat ang nagsabing ang halamang gamot na Echinacea ay may bronchodilatory at anti-inflammatory effects na maaaring pandagdag na gamot sa allergic disorders tulad ng asthma.
Sa ibang pag-aaral, natuklasang ang bawang at ginseng ay nakapagpapawala ng mga sintomas sa baga at pamamaga.
Bagama’t maaaring nakahihikayat gamitin ang mga ito bilang alternatibong gamot, mahalagang tandaan na kailangan natin ng karagdagang patunay at lubhang mag-ingat. Ito ay dahil una, kung ikaw ay may allergy sa halamang gamot, maaaring mas lumubha ang iyong kondisyon. At ikalawa, ang halamang gamot ay maaaring may interaksyon sa ibang gamot na iyong iniinom at mapababa ang kabisaan nito.
Kung gusto mong subukan ang halamang gamot para sa iyong asthma, kumonsulta muna sa iyong doktor.
Key Takeaways
Nawawala ba ang asthma? Ayon sa mga eksperto, walang permanente at natural na paraan upang gumaling o mawala ang asthma. Ang pinakamainam na gawin ay ang kontrolin ito sa pamamagitan ng mga iniresetang gamot ng iyong doktor, inhalers, at pagbago sa paraan ng pamumuhay.
Kung ikaw ay may asthma, kailangan mong iwasan at tanggalin ang mga bagay na maaaring maging sanhi ng pag-atake ng sakit na ito. Dagdag pa, sikaping maging malusog at kontolin ang stress. Maging maingat sa pag-inom ng mga halamang gamot. Maaaring maging sanhi ang mga ito ng allergic reaction at interaksyon sa ibang gamot na iyong kasalukuyang iniinom.
Matuto pa tungkol sa Hika dito.