Ang hika o kilala rin sa tawag na bronchial asthma ay sakit na nakaaapekto sa ating baga. Ito sa kadahilanang ang daanan ng hangin ay sumisikip at bumubukol na maaaring makagawa ng dagdag na uhog. Nagiging sanhi ito ng hirap sa paghinga. Kaya naman, mahalagang malaman kung ano-ano ang bawal kainin ng may hika.
Sintomas ng Hika
Kalimitan ng sintomas ng hika ay kaugnay sa paghinga ng isang tao. Ilan pa sa sintomas ay ang sumusunod:
- Sumisikip o nananakit ang dibdib
- Kinakapos sa paghinga
- Nahihirapang makatulog sanhi ng hirap sa paghinga o pag-uubo
- Pag-ubo na pinapalala ng mga virus tulad ng sipon at trangkaso
Mga Nakaka-trigger at/o Sanhi ng Hika
Ilan ang sumusunod sa posibleng sanhi o nakaka-trigger ng pagkakaroon ng hika ng isang tao.
Mga Allergy
Posibleng maging dahilan ng pagkakaroon ng hika ay ang allergy sa pagkain. Maaaring malaman mo kung ikaw ay may allergy sa pagkain sa tulong ng iyong doktor. Ang doktor ay gagawa ng pagsusuri sa iyong balat upang malaman kung ikaw ay sensitibo sa ilang mga pagkain.
Mga Dapat Iwasang Pagkain
Ilan sa mga karaniwang pagkain na may kaugnayan sa allergy ay ang sumusunod.
- Itlog
- Gatas ng baka
- Mani
- Isda
- Hipon
- Mga pagkain na may mataas na sulfite; isang uri ng pang-imbak sa mga pagkain
- pinatuyong gulay at prutas
- nakabalot na patatas
- Wine o alak
- Nakaboteng kalamansi at lemon juice.
- Pickles
Ang mga nabanggit ay ilan lamang sa mga pagkaing dapat iwasan ng taong may allergy at hika.
Kapaligiran
Maaaring magkaroon ng hika ang isang tao dahil sa iba’t ibang salik sa kanyang kapaligiran. Ang mga salik na ito ay maaaring makairita sa mismong daanan ng hangin. At mahalagang malaman ito ng isang taong may hika upang maiwasan kaagad.
Usok ng Sigarilyo
Alam natin na ang usok ng sigarilyo ay hindi nakabubuti kanino man lalo na kung ikaw ay may hika. Kaagad na umiwas sa mga taong naninigarilyo upang hindi ma-trigger ang iyong hika. Ganoon din, maiging huminto sa paninigarilyo kung ikaw ay may hika.
Alikabok
Maaari din na maging trigger o sanhi ng hika ang mga alikabok sa paligid. Kung alam mo na ito ang nagiging sanhi ng iyong hika, mahalagang maging malinis sa iyong kapaligiran.
Palagian na magpalit ng mga punda at sapin sa kama. Ugaliin din na tanggalin ang mga agiw sa tahanan.
Mga Alagang Hayop
Makaka-trigger sa hika ang mga alagang hayop kung ikaw ay may allergy sa mga ito. Maaari mong ilayo ng kulungan ang mga ito o iiwas sa iyong kwarto.
Polusyon sa Hangin
Ang Pilipinas ay binubuo ng maraming populasyon kaya naman kasabay nito ang pag-usbong ng mga pabrika at pagdami ng mga sasakyan. Kaya naman, mas tumitindi ang polusyong dala nito sa ating hangin. Isa ang polusyon sa hangin sa posibleng sanhi ng hika dahil sa mga ibinubugang usok ng mga sasakyan at pabrika.
Namana
Malaki ang tyansa na ikaw ay magkaroon ng hika kung mayroon kasaysayan na ganito ang iyong pamilya.
Impeksyon sa Paghinga
Maaari din maging sanhi ng hika ang iba’t ibang impeksyon o sakit sa paghinga. Katulad na lamang ng respiratory syncytial virus (RVS) na nakakasira sa pagbuo ng baga ng mga bata.
Iba pang Posibleng Sanhi
Ilan pa sa mga posibleng maka-trigger sa hika ay ang mga impeksyon tulad ng lagnat, sipon at ubo. Kasama rin ang hyperventilation.
Posibleng Gawin ng may Hika
- Pakinggan at tandaan ang mga sinabi ng iyong doktor. Mahalagang inumin sa eksaktong paraan ng sinabi ng doktor ang iyong gamot. At iwasan din ang mga bagay na nakaka-trigger sa iyong hika ayon sa doktor.
- Kumain nang wasto, hindi kulang at hindi sobra kundi sapat lamang. Maaaring maging malala ang hika kung ikaw ay labis sa timbang.
- Palaging kumain ng mga prutas at gulay na mayaman sa vitamin E at C.
- Iwasan ang sulfites na ginagamit bilang preservative sa mga pagkain.
Mahalagang Tandaan
- Mahalagang kumonsulta sa iyong doktor upang mabigyan ng sapat na payo tungkol sa iyong hika.
- Alamin ang mga nakaka-trigger sa iyong hika upang maiwasan mo ito.