Ang pag-ubo ay isa sa mga binabantayan sintomas o kondisyon simula noong lumaganap ang mga kaso ng COVID-19. Dahil ito ay kadalasang nauugnay sa pneumonia, isa sa mga kinokonsidera at iniisip ng mga tao ay ang pag-ubo na may plema. Kung kaya, natatanong kung ano ang gamot sa plema na ayaw lumabas. Ibabahagi ng artikulo ang kasagutan para rito.
Ano Ang Ginagawa Ng Plema Sa Katawan?
Bago tayo tumungo sa mga posibleng gamot sa plema na ayaw lumabas, atin munang alamin kung ano plema at kung ano ang sanhi nito.
Maaaring hindi mo napapansin o nababalewala mo lang ito, ngunit malaki ang ginagampanan papel ng mucus o uhog sa iyong katawan. Ito ay ginawa ng mga cells sa iyong bibig, lalamunan, ilong at sinus. Nakatutulong ang madulas nitong consistency upang maprotektahan, ma-moisturize, at maka-trap ng mga potensyal na irritant.
Kaugnay dito, ang plema ay gawa sa mucus membrane, ngunit ito ay ginawa bilang tugon sa irritant at ginagamit ng respiratory system upang labanan ang isyu.
Subalit, maaaring gumawa ng sobrang mucus dahil sa mga sumusunod:
- Bacterial o viral infection (tulad ng bronchitis, sinusitis, chronic obstructive pulmonary disease, cystic fibrosis, bronchiectasis, o pneumonia)
- Mga allergies
- Exposure sa usok o polusyon
Ano Ang Ibig Sabihin Ng Kulay Ng Iyong Plema?
May iba’t ibang mga kulay ang plema na maaaring magpahiwatig ng posibleng kondisyon.
- Dilaw/berdeng plema. Kung ito ang nakikita mong kulay, ito ay maaaring buhat ng impeksyon, bacterial o viral man ito.
- Pink/pula at madugong plema. Kung ito naman ang nararanasan mong uri, siguruhing kumunsulta kaagad sa doktor. Ito ay maaaring maugnay sa impeksyon tulad ng pulmonary tuberculosis o isang klase ng kanser.
- Puting plema. May iba’t ibang posibleng kaso ng pagkakaroon ng puting plema. Ang mga allergy, hika at madalas na viral infection ay nagdudulot ng puting plema o plema na walang gaanong kulay. Kung ito ay allergy, maaaring kailanganin mong magkaroon ng mas agresibong allergy regimen. Kung kaya, nararapat na magpatingin sa isang allergy specialist.
- Uling/gray na plema. Ang mauling na plema ay kadalasan makikita sa mga taong nagtatrabaho sa pabrika o naninigarilyo.
- Kayumangging plema. Minsan ang mga taong may malubhang chronic lung disease ay maaaring umubo ng isang kayumanggi o talagang matigas ang hitsura ng plema na medyo mas bihira kaysa sa tradisyonal na mga kulay.
Ano Ang Gamot Sa Plema Na Ayaw Lumabas?
Dahil may mga pagkakataon na maaaring hirap kang ilabas ang plema o iba pang problema patungkol dito, narito ang ilang mga hakbang ne pwede mo sundan:
- Uminom ng maraming tubig. Ito ang pinakamadali ngunit mabisang gamot sa plema na ayaw lumabas. Anuman ang klase ng plema na mayroon ka, panay ang pagpapaalala ng mga doktor dito.
- Gumamit ng humidifier. Nakatutulong ang paggamit nito sa iyong katawan na ma-moisturize ang lalamunan at nasal passages. Mainam itong gawin upang mabawasan ang produksyon ng plema at mucus.
- Gumamit ng nasal saline spray. Bukod sa humidifer, maaari ka ring gumamit ng nasal saline spray bilang gamot sa plema na ayaw lumabas. Nababanlawan at na-hahydrate nito ang mga tisyu sa iyong ilong at sinus. Gumamit ng sterile spray na may sodium chloride.
- Magmumog ng salt water. Isa pang madaling paraan ng paggamot ang pagmumumog ng tubig na may asin. Makapagpapagaan ang paggamit ng tubig na may asin (1 kutsarita ng asin sa bawat baso ng maligamgam na tubig) sa iyong nangangating lalamunan sa pamamagitan ng pag-alis ng madikit na plema.
- Tignan ang mga filter sa heating at cooling systems. Maaari makaligdaan mo ito, ngunit importante ang mga filter ay malinis at gumagana nang maayos. Ito ang makakapagtanggal ng alikabok at iba pang posibleng irritants sa hangin.
- Ikonsidera ang paggamit ng eucalyptus. Kung halamang gamot sa plema na ayaw lumabas naman ang pag-uusapan, mabisa raw ang amoy ng eucalyptus. Ito ay nakatutulong sa pagtanggal ng uhog sa dibdib.
- Uminom ng over-the-counter (OTC) medication. Syempre, hindi mawawala sa listahan ng gamot sa plema na ayaw lumabas ang mga OTC. Ang mga decongestants ay maaaring makatulong na mabawasan ang pamamaga sa iyong ilong. Samantala, mayroon ding mga expectorant tulad ng Guaifenesin, Carbocisteine, Acetylcysteine na tumutulong upang mapanipis ang produksyon ng mga plema at mas mapadaling matanggal ito sa pagkakapit sa mga daanan ng hangin at tuluyang madaling mailabas ang plema.
Key Takeaways
Karaniwan ang pagkakaroon ng plema kapag may ubo ang isang tao. Ito ang natural na reaksyon ng katawan bilang depensa mula sa mga irritant o kung ano pang mga bagay. Ngunit, kung nagkakaroon ng sobrang produksyon ng mucus at plema, maaari itong indikasyon ng nakapaloob na kondisyon. Kung kaya, mainam na alam mo ang mga posibleng gamot at kausapin ang iyong doktor kung ito ang pinakakangkop para sa iyo.
Alamin ang iba pa tungkol sa Kalusugan sa Respiratory dito.