backup og meta

Ano ang Pinagkaiba ng Bronchiectasis sa Bronchitis? Alamin Dito

Ano ang Pinagkaiba ng Bronchiectasis sa Bronchitis? Alamin Dito

Ang bronchiectasis at bronchitis ay parehong mga kondisyong may kinalaman sa mga baga. Bagaman pareho silang mga impeksiyon sa baga, mayroon silang ilang pagkakaiba. Basahin upang malaman kung ano ang bronchiectasis at bronchitis. 

Ano ang bronchiectasis?

Isang kondisyon sa baga ang bronchiectasis na nangyayari kapag nagkaroon ng permanenteng paglaki sa bronchial tubes ng iyong baga. Ito ang kondisyong nagiging sanhi ng permanenteng paglaki at pamamaga ng daanan ng hangin. Nagdudulot ito ng sobrang produksiyon at pagkakaipon ng plema sa mga baga.

Ang kondisyong ito ang dahilan kung bakit madali kang makapitan ng mga impeksiyon at nagiging sanhi ng hirap sa paghinga. Bagaman walang gamot sa kondisyong ito, makatutulong ang tamang treatment at malusog na pamumuhay upang makontrol ito. Kahit mayroon kang minor symptoms, mahalagang magpagamot sa lalong madaling panahon upang maiwasan ang paglala ng pamamaga. 

Ano ang bronchitis?

Sa kabilang banda, ang bronchitis ay isang kondisyon sa baga na nangyayari kapag namaga ang daluyan ng hangin. Nagdudulot ito ng hirap sa pag-inhale at pag-exhale. May inilalabas na mucus sa pag-ubo ang karamihan sa mga taong may bronchitis.

May dalawang uri ng bronchitis – acute at chronic. Isang karaniwang kondisyon ang acute bronchitis na sanhi ng sipon o mga respiratory infection. Habang ang chronic bronchitis naman ay isang kondisyon na nagdudulot ng pamamaga ng daluyan ng hangin. Kadalasan itong dulot ng paninigarilyo.

Ito ang pinagkaiba ng bronchitis vs bronchiectasis. Dahil magkaiba ang bronchiectasis at bronchitis, magkaiba rin ang kanilang sanhi, sintomas, at treatment. Tingnan natin ngayon ang mga pagkakaibang ito.

Ang Pagkakaiba ng mga Sanhi at Sintomas ng Bronchiectasis at Bronchitis

ano ang bronchiectasis

Bronchitis

Pangunahing sanhi ng acute bronchitis ang mga virus na nagdudulot ng sipon at flu. Nagsisimula ang impeksiyon sa ilong at dahan-dahang kumakalat sa lalamunan at sa daluyan ng hangin. Habang dulot naman ng polusyon sa hangin na nakapipinsala sa baga ang chronic bronchitis.  Puwedeng alikabok, mga kemikal, at iba pa ang polusyon. Paninigarilyo ang isa pang posibleng sanhi ng chronic bronchitis.

Sa kondisyong ito, nahihirapan kang huminga (breathe in and out). Kabilang sa karaniwang sintomas ng acute at chronic bronchitis ang pag-ubo na nagsisimula sa dry cough. Kalaunan, magiging wet cough ito na nagdudulot ng hirap sa paghinga, tunog sipol, at pagbigat ng dibdib.

Kabilang din sa iba pang sintomas ng acute bronchitis ang pananakit ng katawan, lagnat, pagtulo ng sipon, at sore throat. Sa mas maraming kaso, kahit natapos nang gamutin ang mga sintomas, maaaring mangailangan ng ilang araw bago lubos na maghilom ang daluyan ng hangin. Kapag nagpatuloy ang ubo, ipinapayong kumonsulta sa doktor. Maaaring indikasyon ito ng iba pang kondisyong pangkalusugan. Sa chronic bronchitis, may posibilidad na tumagal ng ilang linggo ang ubo.

Bronchiectasis

Kung mayroon kang kasalukuyang impeksiyon o sakit sa baga, malaki ang tsansang magkaroon ka ng bronchiectasis. At kung mahina ang iyong immune system, nasa panganib ka ng pagkakaroon ng ganitong kondisyon. Kung mayroon kang cystic fibrosis, posible kang magkaroon ng bronchiectasis. Ang cystic fibrosis ay isang kondisyon na nagdudulot ng matinding impeksiyon sa baga kaya’t nahihirapang huminga.

Iba pang posibleng sanhi ng bronchiectasis ay malalang impeksiyon o pinsala sa mga baga.

Kabilang sa karaniwang sintomas ng bronchiectasis ang hirap sa paghinga, pananakit ng dibdib, wheezing, pagkapagod, pagbaba ng timbang, pag-ubo ng makapal na plema. Maaaring matagal bago magkaroon ng mga sintomas ng bronchiectasis. 

Kung nakaramdam ka ng anuman sa mga sintomas na nabanggit, humingi ng medikal na tulong. Mahalaga ang maagang diagnosis ng kondisyong ito upang makatulong sa epektibong gamutan. Sa ilang mga kaso, kayang mabago ng bronchiectasis ang hugis at tamang function ng mga daluyan ng hangin. 

Paraan ng Pag-iwas at Gamutan para sa Bronchitis at Bronchiectasis

Bronchiectasis

Kabilang sa mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad na magkaroon ng bronchiectasis ang:

  • Kung mayroon kang cystic fibrosis, malaki ang tsansang makakuha ka ng bronchiectasis
  • Kung mayroon kang sakit o impeksiyon sa baga, mataas ang panganib na magkaroon ka ng bronchiectasis
  • Kapag mahina ang immune system mo, tumataas ang tsansang magkaroon ng ganitong kondisyon

Gayunpaman, maiiwasan mo ang bronchiectasis sa tulong ng mga sumusunod:

  • Hindi pa alam kung ano ang sanhi ng bronchiectasis. Mahalagang mabantayan ang mga nakapagdudulot nito at iwasan ito hangga’t maaari.
  • Mahalagang protektahan ang mga baga at lumayo sa mga substance na maaaring magdulot ng problema sa iyong baga. Upang maiwasang mapinsala ang baga, iwasan ang paninigarilyo, mga kemikal, at polusyon.
  • Magpabakuna laban sa flu taon-taon.

Kabilang sa treatment ng bronchiectasis ang:

  • Walang eksaktong treatment para sa bronchiectasis. Maaaring magreseta ang iyong doktor ng mga gamot na makatutulong para sa mga impeksiyon. Bukod sa gamutan, maaaring ipayo sa iyo ng doktor ang breathing exercises, oxygen therapies, pulmonary rehabilitation at gamot upang mapalambot ang iyong plema.
  •  Kapag napabayaan, maaaring maging banta sa buhay ang bronchiectasis.

Bronchitis

Kabilang sa mga salik na nakapagpapataas ng posibilidad na magkaroon ng bronchitis ang:

  • Nakapagpapataas ng posibilidad na magkaroon ng acute bronchitis at chronic bronchitis ang paninigarilyo.
  • Kung mahina ang iyong immune system, malaki ang posibilidad na magkaroon ka ng ganitong impeksiyon. Ang madalas na impeksiyon ay maaaring maging sanhi ng pagkapinsala sa baga at posibilidad na magkaroon ng bronchitis.
  • Kung may history ang pamilya ninyo ng chronic bronchitis o anumang sakit sa baga, maaari ka ring magkaroon ng ganitong kondisyon.

Gayunpaman, maiiwasan mo ang bronchitis sa tulong ng mga sumusunod:

  • Itigil ang paninigarilyo. Mas madali kang magkakaroon ng bronchitis kapag naninigarilyo.
  • Palaging maghugas ng kamay upang maiwasan ang exposure sa mga germ na dahilan upang magkaroon ka ng ganitong kondisyon. Subukan din ang magandang kalidad ng hand sanitizer.
  • Magpabakuna laban sa flu taon-taon. Kadalasan, nangyayari ang bronchitis dahil sa mga viral infection. Nakatutulong ang pagpapabakuna sa tamang panahon upang maiwasan ang impeksiyon. 
  • Kung may allergy ka sa alikabok, magsuot ng mask. Gawin ang nararapat upang maiwasang magkaroon ng allergic reaction.
  • Iwasan ang paglapit sa mga taong may sakit o may sintomas ng sipon o lagnat.

Kabilang sa treatment sa bronchitis ang mga sumusunod:

  • Kung mayroon kang acute bronchitis, maaaring hindi magbigay sa simula ang iyong doktor ng anumang treatment o medication. Sa ilang mga kaso, maaaring ipayo ng doktor na uminom ng mga gamot upang lumambot ang plema, o gumamit ng nonsteroidal anti-inflammatory drugs (NSAIDs)
  • Kung mayroon kang chronic bronchitis, maaaring irekomenda sa iyo ng doktor ang breathing technique upang humupa ang kondisyon.
  • Maaaring mag-iba-iba ang treatment o medication kung mayroon kang kasalukuyang medikal na kondisyon.
  • Kung patuloy ang iyong ubo na may kasamang pananakit ng dibdib, humingi ng tulong medikal. Kapag nakaranas ka naman ng biglaang pagbaba ng timbang, insomnia, o dugo sa mucus, posibleng indikasyon na ito ng iba pang kondisyong pangkalusugan.
  • Kung may tuloy-tuloy na ubo na may kasamang insomnia o nahihirapang huminga, maaaring irekomenda sa iyo ng doktor na sumailalim sa ilang test kabilang na ang pulmonary function test, X-ray, o blood test.

Ganito nagkakaiba ang bronchiectasis at bronchitis. Gayunpaman, maaaring ang mga problema gaya ng ubo, pananakit ng dibdib, o hirap sa paghinga ay magmukhang pare-pareho.

Kaya naman, ipinapayong humingi ng medikal na opinyon mula sa iyong doktor upang makakuha ng wastong diagnosis at treatment sa kung ano ang bronchiectasis at bronchitis.

Matuto pa tungkol sa pagkontrol ng bronchitis, bronchiectasis, at kaparehong isyu sa paghinga dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Bronchiectasis/https://my.clevelandclinic.org/health/diseases/21144-bronchiectasis Accessed September 23, 2021

Bronchitis/https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/bronchitis/symptoms-causes/syc-20355566 Accessed September 23, 2021

Bronchial Disorders

https://medlineplus.gov/bronchialdisorders.html Accessed September 23, 2021

Bronchiectasis, Bronchitis

https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC7150028/ Accessed September 23, 2021

Differential Diagnosis of Bronchiectasis and Bronchitis

https://www.sciencedirect.com/science/article/abs/pii/S009602171631264X Accessed September 23, 2021

Kasalukuyang Version

07/27/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Sinuri ang mga impormasyon ni Jaiem Maranan

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Chronic bronchitis at emphysema: Ano ang Pagkakaiba?

Acute Bronchitis: Mga Sintomas, Sanhi, At Gamutan


Sinuri ang mga impormasyon ni

Jaiem Maranan


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement