Ang paghinga ang kadalasan nating hindi napapansin pagdating sa pangangalaga sa kalusugan. Bukod dito, hindi pamilyar ang ibang mga tao sa breathing exercises o ehersisyo para sa baga. Gayunpaman, isa itong bagay na ginagawa na natin nang hindi napapansin. At hangga’t nakahihinga tayo, okey lang ang lahat, ‘di ba?
Gayunpaman, ang katotohanan ay marami ang maaaring magbenepisyo sa pagsasagawa ng breathing exercises. Napakaraming benepisyo ang makukuha sa pag-ehersisyo para sa baga na kahit ang mga malulusog na tao ay puwede ring makakuha ng direktang benepisyo mula rito.
Paano Gumagana ang Ehersisyo para sa Baga?
Kapag huminga ang tao, pinakamaraming ginagawa ang diaphragm, at maging ang mga kalamnan (muscle) sa ating dibdib at leeg. At dahil mga kalamnan ito, maaari natin itong mapalakas sa pamamagitan ng breathing exercises o ehersisyo para sa baga.
Kapag mas malakas ang mga kalamnan, mas magiging epektibo ito sa pagtulong upang makapagpasok ng hangin sa ating baga at makapagpalabas ng hangin sa katawan. Ito ngayon ang nagpapalusog ng ating katawan at nagbibigay ng mayamang supply ng oxygen sa daluyan ng dugo.
Isa sa mga pinakamagandang halimbawa ng kung paano nakatutulong ang breathing exercise ay ang mga atleta. Napag-alam sa mga pag-aaral na ang tamang paghinga ay may direktang epekto sa performance. Ang pinakamahuhusay na atleta ay may napakalulusog na baga, kaya naman nakatutulong ito upang makapag-perform sila sa pinakamataas na level ng kanilang sport.
Ngayon, paano mo magagawa ang ehersisyo para sa baga upang maging mas malakas ito?
5 Ehersisyo para sa Baga
Napakasimple ng ehersisyo sa baga, at hindi nangangailangan ng anumang kagamitan. Kahit ang mga taong may mga problema sa baga ay maaaring magbenepisyo sa ganitong ehersisyo. Kaya naman magandang ideyang gawin ang ehersisyong ito sa loob ng 5 hanggang 10 minuto kada araw.
Pursed Lip Breathing
Ang ehersisyo sa paghingang ito ay tumutulong upang mas marami ang pumasok at lumabas na hangin sa iyong baga. Puwede mo itong gawin sa simpleng paghinga sa ilong, at paglabas ng hangin sa bibig habang nakabuka ng onti ang labi, na parang sumisipol. Mainam na gawin ito nang mabagal at tuloy-tuloy. Pinapanatili nitong nakabukas nang mas matagal ang daanan ng iyong hininga at tumutulong upang makalanghap ng mas maraming hangin. Ayos lang kung makalikha ka ng sumisipol na tunog o ingay.
Belly Breathing
Isa itong ehersisyo para sa baga kung saan sinasanay mo ang iyong diaphragm na tumanggap ng mas maraming hangin.
Upang gawin ito, ilagay ang isang kamay sa dibdib at ang kabilang kamay sa iyong tiyan. Kapag nag-inhale ka, tiyaking hindi gagalaw ang iyong dibdib, at gamitin mo ang iyong diaphragm upang huminga. Dapat na maramdaman mong gumalaw ang iyong tiyan habang napupuno ng hangin ang iyong baga.
Kapag nag-exhale ka, gawin mo lang din ito ulit gamit ang iyong diaphragm. Dapat maramdaman mong lumiliit ang iyong tiyan.
Maganda ang ganitong uri ng paghinga dahil nagagawa mong lubusin ang kapasidad ng iyong baga at tumutulong upang makakuha ka ng mas maraming oxygen kumpara sa paghingang umaangat ang iyong dibdib.
Relaxed Deep Breathing
Kapareho ito ng belly breathing, at puwede mo itong gawin habang ginagawa ang belly breathing. Upang gawin ang relaxed deep breathing, kailangan mong i-relax ang iyong mga balikat at iwasang manigas ang anumang bahagi ng iyong katawan. Sunod, huminga nang malalim. Hangga’t makakaya, gawin ito nang mabagal. Subukang gawin ito nang magaan at payapa, saka dahan-dahang ilabas ang hangin.
Prolonged Breathing Out
Isa pang ehersisyo para sa baga ang prolonged breathing out. Upang gawin ito, mag-inhale, at mag-exhale nang dahan-dahan. Kapag maglalabas ng hangin, pahabain ito. Karaniwan, dapat na doble ang haba ng exhale kumpara sa pag-inhale mo.
Aerobic Exercises
Panghuli, maganda para sa kalusugan ng iyong baga ang aerobic exercises. Ito ay dahil napatataas nito hindi lang ang paghinga kundi maging ang tibok ng puso. Maganda rin itong paraan upang gawin ang lahat ng ehersisyo para sa baga na nabanggit sa itaas.
Matuto pa tungkol sa Respiratory Health dito.