Ang hypertension ay isang seryosong problema na nakaaapekto sa milyun-milyong tao sa buong mundo. Kung hindi magagamot, maaari itong humantong sa atake sa puso, stroke, pagpalya ng puso, atbp. At bukod sa mga pagbabago sa pamumuhay, ginagamit din minsan ang maintenance sa high blood sa pamamahala ng kondisyong ito.
Tulad ng ibang mga gamot, may ilang bagay na kailangang malaman ang mga pasyente kapag umiinom ng mga gamot na ito. Narito ang ilan sa mga bagay na kailangan mong malaman kung umiinom ka ng gamot na maintenance sa high blood.
Gamot na Maintenance sa High Blood: Mahahalagang Paalala para sa Kaligtasan
Para sa karamihan, ang maintenance na gamot ay hindi karaniwang kailangan ng lahat ng may mataas na presyon ng dugo. Sa katunayan, ang isang taong may hypertension ay maaaring mapangasiwaan nang maayos ang kaniyang kondisyon kung kumakain ng tama, nag-eehersisyo, at regular na bumibisita sa doktor.
Ngunit sa ilang mga kaso, maaaring hindi sapat ang mga ito. Ang ilang tao ay maaaring may mga dati nang kundisyon na nagpapahirap sa hypertension, o maaaring hindi sapat ang kanilang mga pagbabago sa pamumuhay. Sa alinmang paraan, ito ay mga sitwasyon kung saan ang mga doktor ay magrereseta ng gamot na maintenance sa high blood.
Mayroong iba’t ibang uri ng gamot sa presyon ng dugo, tulad ng mga diuretics upang alisin ang asin mula sa mga bato, mga beta-blocker upang mapabagal ang tibok ng puso, at mga inhibitor ng ACE na nagpapahinga sa mga daluyan ng dugo upang mapababa ang presyon ng dugo.
Alinmang gamot ang iniinom mo, narito ang ilang mahahalagang bagay na dapat tandaan:
Sundin ang mga rekomendasyon ng iyong doktor
Una, dapat palagi mong sundin ang mga rekomendasyon ng iyong doktor kung paano inumin ang iyong gamot. Tandaan kung kailan mo ito kailangang inumin, gaano kadalas, at kung okay na uminom nito na walang laman ang tiyan. Ang lahat ng ito ay mahalaga at makatutulong na matiyak na iniinom mo ang iyong mga gamot sa tamang paraan.
Ipaalam sa iyong doktor ang lahat ng iyong mga gamot
Kung umiinom ka na ng iba pang high blood maintenance o mga gamot para sa iba pang kondisyon, palaging ipaalam sa iyong doktor. Ilan sa mga gamot ay hindi dapat pagsamahin, o ang paghahalo ng mga ito ay maaaring magpalala ng mga side effect. Kaya ipaalam sa iyong doktor bago sila magreseta sa iyo ng anumang bagong gamot.
Palaging magtabi ng stock ng gamot
Magtabi ng stock ng gamot, at siguraduhing bumili ng karagdagan. Sa ganoong paraan, kung sa anumang kadahilanan ay hindi ka makabili ng gamot, palagi kang may suplay.
Huwag tumigil sa pag-inom ng iyong gamot
Maaari mong mapansin na ang iyong presyon ng dugo ay nagsisimulang maging normal sa sandaling uminom ka ng iyong maintenance sa high blood. Ito ay isang senyales na gumagana ang gamot, ngunit hindi ito nangangahulugan na maaari mong ihinto ang pag-inom nito.
Sa sandaling huminto ka sa pag-inom ng iyong gamot, malamang, ang iyong blood pressure ay babalik sa dati. Kaya ipagpatuloy ang pag-inom ng iyong gamot hanggang sa sabihin ng iyong doktor na huminto.
Huwag ibahagi ang iyong gamot sa iba
Panghuli, huwag kailanman ibahagi ang iyong gamot sa ibang tao. Maaaring nakakaakit na gawin ito, lalo na kung mayroon din silang hypertension, ngunit kung hindi nila kailangan ang gamot, o kung hindi ito nireseta ng kanilang doktor, hindi mo dapat bigyan sila ng iyong mga gamot.
Mga Posibleng Side Effect
Posibleng magdulot ng ilang mga side effect ang mga maintenance sa high blood. Para sa karamihan, ang mga side effect na ito ay normal, at ang ilan ay may posibilidad na mawala sa paglipas ng panahon. Gayunpaman, kung ang mga ito ay nagdudulot sa iyo ng malaking kakulangan sa ginhawa, o malubhang problema, siguraduhing ipaalam sa iyong doktor sa lalong madaling panahon.
Narito ang ilang mga side effect na maaari mong asahan:
- Pagkapagod
- Pagkahilo
- Nanghihina
- Labis na pag-ihi (sa kaso ng diuretics)
- Erectile dysfunction
- Pamamaga
- Ubo
Sa tuwing magrereseta ang iyong doktor ng gamot, huwag mag-atubiling tanungin sila tungkol sa mga posibleng epekto. Sa ganitong paraan, kung sa tingin mo ay hindi mo makakayanan ang mga side effect, maaari mong malaman kung anong mga gamot ang pinakaangkop sa iyong sitwasyon.