backup og meta

Mataas ba sa Cholesterol ang Hipon? Alamin Dito!

Mataas ba sa Cholesterol ang Hipon? Alamin Dito!

Mataas ba sa cholesterol ang hipon? Maraming tao ang mahilig sa hipon. Hindi lang dahil malasa ito, kundi dahil maganda itong pagkunan ng protina. Maaaring narinig mo na rin ang madalas na pagkain ng hipon ay hindi maganda sa kalusugan dahil mataas ito sa cholesterol. Ngunit mataas nga ba sa cholesterol ang hipon, at dapat mo ba itong iwasan upang maging malusog?

Mataas ba sa cholesterol ang hipon?

Ang hipon ay isang uri ng seafood na mayroon sa mga pamilihan, may mahahalagang sustansya, mababa sa taba, at magandang pagkunan ng protina. Gayunpaman, maraming tao ang naniniwalang dapat iwasan ang pagkain ng hipon, o kumain lamang nang kaunti dahil mataas ito sa cholesterol. Ngunit mataas ba sa cholesterol ang hipon?

Una, tingnan natin ang mga numero. Ang 10g serving ng hipon ay may humigit kumulang 189mg ng cholesterol. Sa kabilang banda, sa bawat 100g serving ng salmon, mayroon itong tinatayang 63mg ng cholesterol. Batay sa paghahambing na ito, tatlong beses na mas maraming cholesterol ang hipon kumpara sa salmon. 

Ibig sabihin ba nito na hindi maganda sa kalusugan ang hipon?

Hindi naman. Maraming tao ang natatakot kumain ng mga pagkaing may cholesterol dahil sa kaugnayan nito sa sakit sa puso. Bagaman totoo ito, napag-alaman sa mga pag-aaral na ang mga taong  kumakain ng tamang dami ng hipon ay hindi nagkaroon ng matinding pagtaas ng cholesterol.

Sa katunayan, bumaba pa nga ang bad cholesterol sa mga taong kumakain ng maraming hipon. Pareho din ang resulta ng iba pang pag-aaral. Lumalabas na may ilang respondents na bumaba ang panganib na magkaroon ng mga pag-atake sa puso kapag mas kumakain sila ng seafood at shellfish.

Ang pinakadahilan ay ang seafood, sa pangkalahatan, ay mababa sa taba kumpara sa baka, manok, o baboy. Karaniwang naiuugnay ang fat sa pagtaas ng cholesterol level, kaya naman masama sa katawan ang pagkain ng maraming red meat.

Ngunit dahil mas mababa sa fat ang seafood, kahit ang iba pang uri ng pagkain gaya ng hipon ay mataas sa cholesterol, mas masustansya pa rin ito kumpara sa red meat. Kaya pagdating sa kalusugan ng puso, seafood ang magandang pagkunan ng sustansya.

Anong mga uri ng seafood ang dapat kong kainin?

Mataas ba sa cholesterol ang hipon? Maaaring mas mataas ito kumpara sa iba pang seafood, ngunit mainam pa rin itong piliin para sa masustansyang pagkain.

Bukod sa hipon, mayroon ding ibang uri ng masustansyang seafood na dapat mong kainin.

Matatabang isda

Hindi lamang masarap ang matatabang isda gaya ng salmon, mackerel, at tuna, maganda rin ito para sa iyong kalusugan. Mayaman sa healthy fats na tinatawag na omega-3 ang ganitong uri ng mga isda, na nakatutulong upang maiwasan ang sakit sa puso at nakapagpapababa pa ng presyon.

Sa katunayan, puwede mong palitan ng parehong dami ng matatabang isda ang red meat upang gumanda ang iyong dyeta.

Ang iba pang uri ng isda gaya ng tilapia ay mababa sa omega-3, ngunit masustansya pa rin ito, kaya’t huwag isantabi ang mga ganitong uri ng isda!

Shellfish

Ang mga shellfish gaya ng tulya, tahong, talaba, hipon, alimango, at lobster ay magagandang pagkunan ng protina at ng iba pang mahahalagang mineral. Gaya ng isda, mababa rin sa taba ang mga shellfish, kaya’t napabababa ang panganib ng sakit sa puso kapag kumain ka ng mas maraming shellfish. 

Bagaman mahalagang tandaan na mataas sa sodium (asin) ang alimango, at mataas sa cholesterol ang hipon. Kaya’t maging maingat sa dami ng kinakaing hipon at alimango, dahil masama sa kalusugan ang anumang sobra.

Seaweed

Masarap ang seaweed, at maganda ring pagkunan ng iodine at fiber. Maganda itong pandagdag sa anumang pagkain, at mabibili rin ito sa karamihan sa mga palengke.

Alamin kung saan nanggaling ang seafood mo

Bagaman magandang pamalit ang seafood sa red meat, mahalagang alamin kung saan ito kinuha. Ito ay dahil may mga seafood na mataas ang taglay na mercury dahil sa polusyon sa tubig.

Partikular dito ang swordfish, marlin, at bigeye tuna na posibleng may mataas na level ng mercury. Kung bumibili ka ng isda mula sa palaisdaan o farm, madalas na ligtas ito dahil tinitiyak ng mga tagapag-alaga na mababa ang level ng mercury sa tubig.

Ang importanteng tandaan ay kumain nang tamang dami lamang. Tiyaking tama lang ang dami ng kinakain at balansehin ito sa pamamagitan ng pagdaragdag ng sariwang gulay at prutas sa bawat pagkain. Sa ganitong paraan, magkakaroon ka ng masustansyang pagkain na tutulong mapalakas ang iyong katawan at mapanatiling walang sakit.

Key Takeaways

Magandang pagkunan ng mahahalagang sustansya at protina ang hipon. Ngunit mataas ba sa cholesterol ang hipon? Walang nararamdamang malaking pagtaas ng cholesterol ang mga taong kumakain ng tamang dami ng hipon. Sa ilang mga kaso, maaaring bumaba pa ang level ng bad cholesterol. Mas kaunti ang taglay na taba ng seafood kumpara sa baka, manok, o baboy, kaya’t mas masustansya itong kainin.

Matuto pa tungkol sa Cholesterol dito.

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Seafood Consumption and Components for Health, https://www.ncbi.nlm.nih.gov/pmc/articles/PMC4776937/, Accessed April 16, 2021

Eat seafood the healthy way – Harvard Health, https://www.health.harvard.edu/staying-healthy/eat-seafood-the-healthy-way, Accessed April 16, 2021

How Healthy is Seafood? | Programs, https://www.sbs.com.au/programs/article/2014/11/13/how-healthy-seafood, Accessed April 16, 2021

Your Guide to Healthy Seafood Choices – Consumer Reports, https://www.consumerreports.org/fish-seafood/healthy-seafood-choices-guide/, Accessed April 16, 2021

Effects of shrimp consumption on plasma lipoproteins – PubMed, https://pubmed.ncbi.nlm.nih.gov/8901790/, Accessed April 16, 2021

Kasalukuyang Version

07/26/2022

Isinulat ni Daniel de Guzman

Narebyu ng Eksperto Chris Icamen

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Pagkain Na Walang Cholesterol, Mas Masustansya Nga Ba?

Epekto ng Mataas na Kolesterol sa Katawan


Narebyu ng Eksperto

Chris Icamen

Dietetics and Nutrition


Isinulat ni Daniel de Guzman · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement