Ang atherosclerosis ay kondisyon na paghihigpit o ganap na pumuputol sa daloy ng dugo sa blood vessels. Pangunahing sanhi ito ang pagbabara ng plaque, na binubuo ng mga cholesterol at fatty deposits sa mga daluyan ng dugo. Kaya mahalagang alamin ang pinakamahusay na mga paraan kung paano makaiwas sa atherosclerosis.
Kung hindi ginagamot, ang atherosclerosis ay maaaring maging sanhi ng atake sa puso, stroke, at iba pang mga karamdaman. Sa katunayan, ang mga komplikasyon na nauugnay sa atherosclerosis ay kabilang sa mga nangungunang sanhi ng kamatayan sa buong mundo.
Health Tips Kung Paano Makaiwas sa Atherosclerosis
Ang atherosclerosis ay progresibong kondisyon. Ibig sabihin, kung hindi ito haharapin nang maaga, unti-unti itong lalala. Kaya naman mahalagang malaman ang iba’t ibang health tips para makaiwas sa atherosclerosis.
Narito ang kailangan mong malaman.
Magsimulang kumain ng malusog
Ang mga matatabang pagkain ay mataas sa cholesterol, na maaaring magdulot sa iyo ng panganib na magkaroon ng atherosclerosis. Isa sa pinakamalaking pagbabago sa pamumuhay na maaari mong gawin ay simulan ang pagkain ng mga pagkaing mataas sa fiber, pati na rin ang mga bitamina at mineral. Pumili ng diyeta na mayaman sa mga prutas, gulay, at mga produktong dairy na mababa ang taba. Iwasan ang masyadong maraming karne, matamis, o refined grains.
Nakakatulong ito na mapababa ang panganib ng atherosclerosis, pati na rin ang iba pang mga kondisyon tulad ng diabetes at hypertension.
Kabilang sa mga tip sa kalusugan kung paano makaiwas sa atherosclerosis ay ang pagkain ng malusog. Isa ito sa mga pinaka-epektibong mga tuntunin ng pagpapababa ng iyong panganib.
Mag-ehersisyo araw-araw
Direktang nag-aambag sa panganib ng atherosclerosis ang pamumuhay na palaging nakaupo. Kaya’t upang labanan ito, mahalagang mag-ehersisyo araw-araw nang hindi bababa sa 30 minuto bawat araw, o mga 150 minuto bawat linggo.
Kung nahihirapan kang mag-ehersisyo nang 30 minuto na diretso, maaari mo itong hatiin sa 10 minutong mga sesyon sa umaga, hapon, at sa gabi. Ang mahalaga ay manatiling aktibo ka.
Sikapin na mapanatili ang malusog na timbang
Ang pagiging sobra sa timbang o obese ay kilalang risk factor para sa atherosclerosis. Kaya mahalagang sikapin at panatilihing kontrolado ang iyong timbang sa pamamagitan ng pagkain ng malusog, at pang-araw-araw na ehersisyo.
Ang pagpapanatili ng isang malusog na timbang ay nagpapababa din ng panganib na magkaroon ng diabetes o hypertension, na parehong maaaring maging mga kondisyon na nagbabanta sa buhay.
Tandaan na kailangan mong mapanatili ang body mass index o BMI na 18.5 hanggang 24.9 upang maging pasok sa iyong perpektong timbang para sa iyong laki.
Tumigil sa paninigarilyo
Ang isa pang paraan kung paano makaiwas sa atherosclerosis ay ang paghinto sa paninigarilyo. Bukod sa posibleng magdulot ng pinsala sa iyong mga baga, ang paninigarilyo ay nakakaapekto sa mga daluyan ng dugo pati na rin sa iyong puso, at direktang inilalagay ka nito sa panganib ng atherosclerosis.
Kung mas maaga kang huminto, mas magiging mabuti ang iyong kalusugan. Kaya pinakamahusay na huminto sa paninigarilyo sa lalong madaling panahon upang mabawasan ang mga panganib sa hinaharap na dulot ng paninigarilyo.
Isa ito sa mga health tips para makaiwas sa atherosclerosis na talagang kailangan mong sundin. Kumunsulta sa iyong doktor kung kailangan mo ng tulong sa pagtigil sa paninigarilyo.
Uminom ng katamtaman
Ang sobrang pag-inom ng alkohol ay napatunayang nagpapataas ng panganib ng atherosclerosis. Kaya mahalagang maging responsable sa pag-inom o ganap na huminto para makaiwas sa atherosclerosis. Hindi hihigit sa 2 inumin sa isang araw kung ikaw ay lalaki. Hindi hihigit sa 1 inumin sa isang araw kung ikaw ay babae.
Pamahalaan ang stress levels
Bukod sa pagtaas ng panganib ng hypertension, ang chronic stress ay direktang nag-aambag din sa panganib ng atherosclerosis.
Kaya naman ang isa sa mga health tips kung paano makaiwas sa atherosclerosis ay ang pag-iwas sa sobrang stress. Napakahalaga na maglaan ng ilang oras upang makapagpahinga, kumalma, at mapatahimik ang iyong isip.
Maaari mong subukan ang mga aktibidad tulad ng meditation at mindfulness upang matulungan kang huminahon kung nahihirapan kang harapin ang stress.
Panatilihing kontrolado ang iyong presyon ng dugo
Ang pagkakaroon ng hypertension, o mataas na presyon ng dugo, ay malaking risk factor para sa atherosclerosis. Sinasabing may hypertension ang isang tao kung ang kanyang presyon ng dugo ay 130/80 o mas mataas.
Bukod pa rito, ang pagkakaroon ng presyon ng dugo na higit sa 120/80 ngunit mas mababa sa 130/80 ay itinuturing na pre-hypertensive, na naglalagay din sa isang tao sa panganib na magkaroon ng atherosclerosis.
Siguraduhing i-check ang presyon ng dugo mo, lalo na kung ang pagiging hypertensive ay nasa lahi ng pamilya. Siguraduhing inumin ang iyong mga gamot na inireseta ng iyong doktor upang gamutin ang mataas na presyon ng dugo.
Suriin ang iyong cholesterol levels
Karaniwang may maling kuru-kuro na ang mga taong may malusog na timbang ay may mababang cholesterol levels. Gayunpaman, ang katotohanan ay kahit na ang mga taong mukhang malusog ay maaaring may mataas na cholesterol levels sa kanilang dugo.
Ang cholesterol ay isa pang dahilan ng pagkakaroon ng atherosclerosis, kaya’t napakahalaga na tiyaking normal ang cholesterol levels mo. Malalaman sa blood chemistry test kung normal ang iyong cholesterol levels. Maaari rin nitong makita ang mga potensyal na problema sa kalusugan.
Huwag balewalain ang iba pang mga problema sa kalusugan
Ang pagiging diagnosed na may hypertension, diabetes, malalang sakit sa bato, at iba pang mga problema sa kalusugan bukod pa sa atherosclerosis ay maaaring maging mahirap. At dahil sa likas na katangian ng mga sakit na ito, maaari nilang mapabilis ang pagkakaroon ng atherosclerosis.
Kung mayroon kang alinman sa mga kondisyong ito, siguraduhing makipag-ugnayan sa iyong doktor. Ito ay upang malaman ang paraan ng paggamot at matulungan kang pamahalaan ang kondisyon.
Huwag mag-atubiling makipag-usap sa iyong doktor
Kung nakakaranas ka ng anumang kakaibang sintomas, magpatingin sa iyong doktor. Kabilang ito sa tips kung paano makaiwas sa atherosclerosis.
Dahil ang atherosclerosis ay isang progresibong sakit, maaari itong mabuo nang napakabagal. At karamihan sa mga taong may sakit nito ay hindi nakakaranas ng anumang mga sintomas hanggang sa ang sakit ay nagsimulang maging mas malala. Ito ang dahilan kung bakit mahalagang maging maingat sa iyong katawan, at huwag bale-walain ang anumang kakaibang sintomas na maaari mong maranasan.
Matuto pa tungkol sa atherosclerosis, dito.
[embed-health-tool-bmi]