Ang hypertensive crisis ay isang hypertensive emergency. Ngunit paano nangyayari ang hypertensive crisis? Nangyayari ito kung ang blood pressure ng isang tao ay tumaas nang higit sa karaniwan, na umaabot sa puntong nagiging sanhi ito ng mga problema sa mata, utak, bato, at puso. Ito minsan ay maaari ding humantong sa permanenteng pagkasira ng organ kung hindi agad matutugunan nang mabuti.
Ang blood pressure ay sinusukat sa mm Hg, o pinaikling “millimeters of mercury.” Itinuturing na normal BP para sa malusog na katawan ang hindi bababa sa 120/80 mm Hg. Ang numero sa taas, halimbawa na 120, ay tinatawag na systolic blood pressure. Tinatawag naman diastolic blood pressure ang numero sa baba, halimbawa na 80.
Kapag tumitibok ang puso, ito ay ang pinakamataas na lebel na dapat marating ng blood pressure. Kung nagrelaks ang puso sa pagitan ng dalawang pagtibok, ito ay ang pinakamababang lebel ng blood pressure na maaaring marating.
Natutukoy ang blood pressure sa pamamagitan ng dami ng dugong napa-pump sa katawan at ang resistant force ng dugong ito sa arteries. Ang altapresyon ay nangangahulugang ang puwersang ito ng dugo sa arteries ay unti-unting hahantong sa mga problema tulad ng mga sakit na cardiovascular.
Ayon sa American Heart Association, sa tuwing nangyayari ang hypertensive crisis, ang blood pressure ng isang tao ay umaakyat sa 180/120 mm Hg o higit pa. Alamin sa artikulong ito kung paano malalaman kung nakararanas ng hypertensive urgency o hypertensive emergency, mga sintomas na dapat bantayan, pag-alalaga kung nasa hypertensive crisis, at kailan dapat agad tumawag ng doktor.
Ano Ang Hypertensive Urgency?
Ang hypertensive urgency ay nangyayari kung ang blood pressure ay umakyat sa 180/120 mm Hg ngunit walang mga kapansi-pansing senyales ng pagkasira ng organ. Kabilang sa mga senyales na ito ang:
- Kahirapan sa paghinga
- Pagsakit ng dibdib
- Kakapusan sa paghinga
- Panlalabo ng paningin
- Pagsakit ng likod
- Matinding sakit ng ulo
- Kahirapan sa pagsasalita
Nangangailangan ng agarang atensyon ang hypertensive urgency ngunit hindi kailangang dalhin sa ospital.
Maaaring makontrol ang kondisyong ito sa tulong ng mga gamot at ng mga malulusog na gawi sa loob ng matagal na panahon. Kung ang blood pressure ay umabot ng 180/120 mm Hg, magpa-BP ulit makalipas ang limang minuto. Kung bumaba nang kaunti, maaaring ikaw ay nakararanas ng hypertensive urgency.
Kumonsulta muna sa doktor bago uminom ng gamot o kumain ng anomang pagkaing mataas sa sodium.
Ano Ang Hypertensive Emergency?
Ang hypertensive emergency ay ang pinakamapanganib na sitwasyon na nangangailangan ng agarang atensyon o maaari itong nakamamatay. Ito ay isang bihirang kondisyon. Nangyayari ito kung ang pasyente ay hindi regular na umiinom ng gamot para sa altapresyon o hindi niya alam ang tungkol sa problema sa kanyang blood pressure.
Nangangahulugan ang hypertensive emergency na ang blood pressure ay umakyat ng 180/120 mm Hg at nananatili pa ring ganito matapos ang ikalawa o ikatlong pagpapa-BP. Lubhang mataas ang BP na ito na maaaring humantong sa pagkasira ng organ.
Ang pagsira ng organ ay maaaring hatiin sa apat depende sa apektadong organ:
Mga Mata: Biglang pagkawala o panlalabo ng paningin dulot ng pagdurugo sa likod ng mata
Utak: Biglang pagkawala ng malay, paghina ng mga pandama, panghihina, at pagkalito, maaaring dahil sa pamamaga o pagdurugo sa utak o brain stroke
Mga Bato: Kung masira ang mga bato dulot ng mataas na presyon, ito ay maaaring maging sanhi ng kahirapan sa paghinga dahil sa pulmonary edema, pamamaga ng mga binti, at daanan ng ihing may dugo.
Puso: Ang hypertensive crisis ay maaari ding humantong sa heart failure, atake sa puso, o aneurysm o pagkasira ng mga pangunahing ugat na daluyan ng dugo.
Ang pagkakaroon ng hindi nawawalang hypertensive urgency na nagtatagal sa loob ng ilang oras na may kasama pang mga sintomas ng pagkasira ng organ ay posibleng humantong sa hypertensive emergency.
Kung ikaw ay may altapresyon at umiinom din ng mga gamot, kumonsulta sa doktor tungkol sa kung paano nakaaapekto ang kombinasyon ng mga gamot na ito sa iyong blood pressure. O kung magpapakonsulta sa ibang mga doktor, ipagbigay-alam sa kanila ang tungkol sa iyong altapresyon.
Paano Nangyayari Ang Hypertensive Crisis? Mga Sintomas Nito
Kung ang iyong blood pressure ay nananatili pa rin lagi sa 180/120 mm Hg, kahit matapos ang ikalawa at ikatlong pagpapa-BP, kinakailangan ang agarang medikal na atensyon.
Maaaring maging mahirap pababain ang ganitong blood pressure sa tulong ng mga gamot at ng iba pang mga paraan. Kumonsulta agad sa doktor kung nakararanas ang alinman o ng ilan sa mga sumusunod na mga sintomas na may kaugnay sa hypertensive emergency:
- Kakapusan sa paghinga
- Matinding pagsakit ng ulo
- Panlalabo ng paningin
- Kalituhan at kahirapang magsalita
- Lumulubha at paulit-ulit na pagsakit ng dibdib
- Pangingisay o pagkawala ng malay
- Pagdurugo ng ilong
- Panghihina o pamamanhid ng isang gilid ng katawan, o ng isang braso o binti
- Pagduduwal o pagsusuka
- Pagiging bulol
- Ihi na kulay kayumanggi o may dugo
- Pagpapawis
Tandaang ang mga sintomas na ito ay maaaring hindi mawala kahit uminom ng gamot para sa blood pressure. Madalas kailangang gamutin ang mga ito sa pamamagitan ng mga intravenous na gamot.
Paano Nangyayari Ang Hypertensive Crisis? Gamutan
Para sa hypertensive urgency:
Sa lahat ng mga posibleng kaso, maaaring magdagdag ang doktor ng gamot o baguhin ang dosage ng gamot na kasalukuyang iniinom. Kung ito ang unang pagkakataong makaranas ng mataas na presyon ng dugo, senyales itong inumin nang regular ang gamot. Sa mga lubhang bihrang pagkakataon, kailangang dalhin sa ospital ang isang taong nakararanas ng hypertensive urgency. Dahil dito, maingat na bantayan ang blood pressure dahil ito ay makatutulong.
Para sa hypertensive emergency:
Dahil ito ay indikasyon ng posibleng pagkasira ng organ, ang gamutan para sa hypertensive emergency ay mas malubha. Nangangailangan ito ng agarang pagdala sa ospital nang may kasamang regular na pagmonitor sa blood pressure, tests sa dugo at ihi maging pagsusuri ng mata upang malaman kung may pamamaga o pagdurugo dulot ng mataas na presyon ng dugo.
Gagamitin ang mga gamot na intravenous (IV) upang mapababa ang blood pressure sa malusog na parameter. Gayunpaman, mahirap ang paggaling at mangangailangan ito ng ibayong pagsisikap sa pag-inom ng gamot, gawi sa pagkain, pagbabalanseng sikolohikal, at pag-eehersisyo.
Kailan Dapat Humingi Ng Agarang Medikal Na Atensyon?
Paano nangyayari ang hypertensive crisis? Ilan sa mga senyales nito ay kinabibilangan ng:
- Kahirapan sa paghinga o kakapusan sa paghinga o hyperventilation
- Sobra o hindi tumitigil na pagpapawis
- Matinding sakit ng ulo
- Lumulubhang pagsakit ng dibdib
- Panlalabo ng paningin
- Kahirapang magsalita
- Pagkalito
Kung alam mong mayroon kang mataas na presyon ng dugo at nararanasan ang alinman sa mga nabanggit na sintomas, agad na humingi ng medikal na atensyon.
Gayundin, tandaang ang malusog na blood pressure ay nasa range ng mababa pa sa 120/80 mm Hg. Kung napansing tumataas ito, kumonsulta sa doktor. Huwag nang hintayin pang umabot ito sa 180/120 mm Hg, na maaaring nakamamatay kung hindi agad gagautin.
Ang regular na pag-inom ng mga gamot, pagsasanay ng malusog na gawi sa pagkain, pag-eehersisyo sa makakaya lamang ng katawan, at pag-meditate upang maiwasan ang pagkabalisa ay ilan lamang sa mga salik na maaaring makatulong sa pag-iwas sa hypertensive crisis. Huwag uminom o pagsabayin ang anomang dalawang gamot. Kumonsulta sa doktor upang malaman ang pinakamainam na paraan ng pag-inom ng mga gamot.
Matuto pa tungkol sa Altapresyon dito.
[embed-health-tool-bmi]