backup og meta

Mga Paraan Para Makontrol ang Blood Pressure, Alamin Dito!

May mga paraan para ma-kontrol at maiwasan ang pagtaas ng blood pressure (BP) o hypertension bago pa ito lumala. Tinatawag itong silent killer dahil kadalasan, bigla na lamang itong tataas ng walang kaakibat na kahit anong sintomas. Kabilang ang sakit na ito sa nangungunang sanhi ng kamatayan sa Estados Unidos, kung saan halos kalahati ng mga nasa hustong gulang ay may mataas na presyon ng dugo.

Ang hypertension ay isang pangunahing sanhi ng maagang pagkamatay sa buong mundo. Patuloy na tumataas ang prevalence ng hypertension sa mga low and middle income na mga bansa. Importanteng malaman na ang risk factor na ito ay maaaring ma-modify.

Status at mga paraan para ma-kontrol ang BP

Sa Pilipinas, nagpakita ng pababang trend ng hypertension prevalence para sa age group na 20–59 taong gulang. Ayon sa National Nutrition Survey (NNS) na isinagawa ng Food and Nutrition Research Institute (FNRI) noong 2018, bumaba ito mula sa 23.9% noong 2013 hanggang 19.2% noong 2018. Habang bumababa rin ang prevalence para sa mga matatandang may edad na 60 taong gulang pataas, ay nasa 35% pa rin noong 2018 mula sa 41.2% noong 2015.

Gayunpaman, ang hypertension awareness sa Pilipinas ay nasa 67.8%. Mula sa mga nakakaalam, 75% lamang ang ginagamot, at 27% lamang sa kanila ang may kontrol sa sakit na ito.

Ano ang normal na lebel ng blood pressure?

Importanteng malaman ang mga paraan para ma-kontrol ang BP. Ang iyong BP ay nakasalalay sa kung gaano karaming dugo ang ibinobomba ng iyong puso. Mahalaga rin kung gaano kalaki ang resistance ng iyong mga arteries sa daloy ng dugo. Kung mas makitid ang iyong mga arteries, mas mataas ang iyong BP. 

Tingnan ang sumusunod na kategorya ng BP:

  • Normal: systolic BP na mas mababa sa 120 mmHg at (diastolic) BP na mas mababa sa 80 mmHg
  • Mataas o Elevated: systolic na BP na 120 mmHg hanggang 129 mmHg at diastolic BP na mas mababa sa 80 mmHg 
  • Stage 1 Hypertension: systolic na BP na 130 mmHg hanggang 139 mmHg at diastolic BP na 80 mmHg hanggang 89 mmHg
  • Stage 2 Hypertension: systolic na BP na 140 mmHg o higit at diastolic BP na 90 mmHg o higit

Hindi laging nangangilangan ng gamot para mapababa ang BP—maaari kang gumawa ng mga pagbabago sa lifestyle upang mapanatiling normal ang lebel ng BP at maiwasan ang panganib ng hypertension o kadalasang tinatawag na highblood. 

Gamot at mga paraan para ma-kontrol ang BP

Ang pag-inom ng naaayong gamot na nareseta ng doktor ay nakapagpababa ng BP na masyadong mataas. Ang paggawa ng plano sa paggamot ay ibabatay sa mga resulta ng mga pagsusuri nila sayo, at kung naaayon ay ikokonsidera rin nila ang iyong indibidwal na pangangailangan. Mahalagang parte ng paggamot ang mga lifestyle changes. Kung ito ay banayad, maaari naman itong makontrol sa pamamagitan ng mas malusog na pamumuhay sa pamamagitan ng sumusunod:

Mga paraan para ma-kontrol ang BP ng walang gamot

Regular na ehersisyo

Ang regular na pisikal na aktibidad ay maaaring magpababa ng mataas na BP. Maglaan ng hindi bababa sa 30 minuto ng katamtamang pisikal na aktibidad araw-araw. Sa regular na ehersisyo, maaaring maiwasan na mauwi ang mataas na BP sa hypertension.

Ang ilang halimbawa ng aerobic exercise na maaaring makatulong sa pagpapababa ng presyon ng dugo ay ang sumusunod:

  • Paglalakad
  • Pag-jogging
  • Pagbibisikleta
  • Paglangoy
  • Pagsasayaw

Makakatulong din ang strength training upang mapababa ang BP. Makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa pagbuo ng isang programa sa ehersisyo.

Magdagdag ng Potassium sa iyong diyeta

Ang pagdagdag ng potassium sa iyong diyeta ay isang paraan para ma-kontrol ang BP. Hindi lamang nakakatulong ang potassium sa pag-regulate ng heart rate, maaari din nitong bawasan ang mga epekto ng sodium sa katawan. Makakatulong ang potassium na alisin ang sobrang sodium sa iyong katawan, dahil sa imbis na naiiwan ang sodium ay nakatutulong ang potassium ilabas ito sa katawan. Ang potassium ay nakatutulong rin gumaan ang tension sa iyong blood vessel walls, na nakakapagpabawas ng panganib ng hypertension, sakit sa puso, sakit sa kidney, at stroke. 

Ang mga pagkaing mayaman sa potassium ay kinabibilangan ng:

  • Mga prutas tulad ng saging, melon, dalandan, aprikot, avocado at kamatis
  • Isda tulad ng salmon at tuna
  • Beans
  • Gatas, yogurt at cream cheese
  • Madahong gulay, patatas at kamote
  • Beans
  • Mga mani at buto

Mahalagang makipag-usap sa iyong doktor tungkol sa lebel ng potassium na tama para sa iyo. Hindi rin kasi makakabuti kung sobra ang potassium, lalo na kapag ikaw ay mayroon ding sakit sa bato.

Limitahan ang Pag-inom ng Alak

Ang pag-iwas sa alak ay isang paraan para ma-kontrol ang BP. May ilang pananaliksik na nagsasabing may benepisyo ang puso ang katamtamang pag-inom ng alak. Gayunpaman, ang sobrang pag-inom ng alak sa isang pagkakataon ay maaaring biglang magpataas ng iyong BP. Ang inuming may alkohol, mataas ang calories, at naglalaman ng maraming asukal ay maaari ring mag-ambag sa pagtaas ng taba ng katawan at pagtaas ng timbang. Pareho itong mga kadahilanan na maaaring humantong sa mas mataas na BP sa paglipas ng panahon.

Sa kabila ng pagbaba ng trend ng hypertension prevalence sa bansa, ang mahinang blood pressure control ay patuloy na nagiging problema. Ito ay nag-aambag sa dalawang nangungunang sanhi ng pagkamatay sa Pilipinas, ang sakit sa puso at stroke. Kung ikaw ay mas mataas na BP, mabuting makipagkita agad sa iyong doktor.

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

https://www.mayoclinic.org/diseases-conditions/high-blood-pressure/in-depth/high-blood-pressure/art-20046974https://www.pennmedicine.org/updates/blogs/health-and-wellness/2020/january/lower-blood-pressure-naturallyhttps://www.cdc.gov/bloodpressure/about.htmhttps://www.webmd.com/hypertension-high-blood-pressure/ss/slideshow-hypertension-low-bp-foodshttps://www.rwjbh.org/treatment-care/heart-and-vascular-care/diseases-conditions/high-blood-pressure/

Kasalukuyang Version

09/13/2022

Isinulat ni Lovely Carillo

Narebyung medikal ni Jaiem Maranan, RN MD

In-update ni: Jaiem Maranan


Mga Kaugnay na Post

Paano Gamitin Ang BP Monitor Na Digital? Alamin!

Paano Nangyayari Ang Hypertensive Crisis?


Narebyung medikal ni

Jaiem Maranan, RN MD

General Practitioner


Isinulat ni Lovely Carillo · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement