backup og meta

Mga Alituntunin sa Eye Safety: Tips na Dapat Tandaan at Sundin

Mga Alituntunin sa Eye Safety: Tips na Dapat Tandaan at Sundin

Kung ihahanay mo ang five senses ayon sa pinakamahalaga, malamang ay nangunguna sa listahan ang paningin. Ang ating kakayahang makakita ang nagbibigay-daan sa atin na magawa ang mga pang-araw-araw na gawain. Ang kakayahang makita ang ating paligid ay nakatutulong sa atin na maunawaan ang mundong ating ginagalawan. Hindi maikakaila na ang ating paningin ay mahalaga at dapat protektahan sa anumang paraan. Kaugnay nito, may mga alituntunin sa eye safety na hindi ginagawa ng maraming tao.

Mga Alituntunin sa Eye Safety:  Makatutulong na Gabay

Ang pagsasagawa ng mga alituntunin sa eye safety ay nagpapababa ng tyansa nating magkaroon ng mga sakit sa mata. Maaari rin nitong pabagalin ang hindi maiiwasang pagtanda ng ating mga mata.

Narito ang maaari mong gawin.

Kumain ng Balanced Diet

Kapag kulang ka sa nutrisyon, ang katawan ay nahihirapan kasama na ang mga mata. Ang kakulangan sa Vitamin B12 ay maaaring magdulot ng pinsala sa optic nerve. Ang diabetic retinopathy naman ay sakit kung saan ang mataas na antas ng asukal sa dugo ay nakakapinsala sa mga daluyan ng dugo sa likod ng mata. Ipinapayo ng mga doktor na isama sa diet ang mga pagkaing mayaman sa Omega 3 tulad ng nuts, isda, at berdeng madadahong gulay.

Manatiling Hydrated

Pangunahing binubuo ng tubig ang ating mga mata. Ang isa pang alituntunin sa eye safety ay ang pagiging hydrated. Kung ang katawan ay dehydrated, hindi sapat ang tubig na ibinibigay sa mga mata. Kapag dehydrated, maaaring makaranas ka ng eye strain, double vision, at pananakit ng ulo. Ang dry eye ay kondisyon kung saan hindi sapat ang luha na nagpapalusog sa mata. Ito ay pwedeng mangyari kapag tayo ay na-dehydrate. Ang mga sintomas ng tuyong mata ay pangangati at pakiramdam na may kung anong bagay na nasa mata. 

Iwasan ang Paninigarilyo

May malaking pinsala sa mata ang paninigarilyo. Ang usok mismo ay maaaring maging sanhi ng pagkatuyo ng mga mata. Nauugnay sa iba’t ibang sakit sa mata ang mga kemikal sa sigarilyo. Ang paninigarilyo ay nagdaragdag sa iyong panganib na magkaroon ng mga katarata, pinsala sa optic nerve, at macular degeneration.

Magsuot ng Protective Eyewear

Ang isa pa sa mga alituntunin sa eye safety ay ang pagsusuot ng proteksyon sa mga mata. Kung nagtatrabaho ka sa isang construction site, ospital, o laboratoryo, gumamit ng eyewear na maaaring proteksyonan ang iyong mga mata. Ang mga protective eyewear ay iba-iba depende kung nasaan ka. Maaaring humantong sa seryosong pinsala o pagkabulag kapag napasukan ng kung anong bagay o kemikal ang mata. 

Magsuot ng Sunglasses

Ang ultraviolet light ay nauugnay sa maraming sakit sa mata. Pinakakaraniwang halimbawa nito ang katarata. Ang mga sinag ng ultraviolet ay nagpapatigas sa lens sa paglipas ng panahon, na nagiging sanhi ng kawalan ng kakayahan ng lens na mag-focus ng liwanag sa retina. Kapag ang liwanag ay hindi naka-focus sa retina, nagiging sanhi ito ng malabong paningin at pagtagal ay pagkabulag.  

Ang iba pang mga sakit sa mata na nauugnay sa ultraviolet light ay photokeratitis, pinguecula, pterygium, at macular degeneration. Siguraduhing magsuot ng sunglasses lalo na kung ikaw ay nananatili sa ilalim ng init nang araw buong araw.

Ipasuri ang iyong mga mata

Kahit na wala kang anumang kapansanan sa paningin sa ngayon, gawin ang baseline eye disease screening at iba pang vision tests kahit isang beses sa isang taon. Ito ay mahalagang alituntunin sa eye safety. Nagiging daan ito para maagang matuklasan ang anumang mga degenerative na sakit sa mata. Ang macular degeneration sa mga unang yugto nito ay hindi nagdudulot ng anumang uri ng malabong paningin at magpapakita lamang ng mga palatandaan kapag halos hindi na ito magagamot.

Ipahinga ang Iyong mga Mata

Mahabang oras ang inilalagi natin sa mga screen. Nagdudulot ng pagkatuyo at strain sa mata ang mahabang oras sa computer at cell phones. Para mabawasan ang anumang stress sa mata, sundin ang 20-20-20 rule. Tuwing 20 minuto, tumingin sa malayo at tumingin nang diretso sa layo na 20 talampakan at hayaang magpahinga ang iyong mga mata nang humigit-kumulang 2 minuto.

Magsuot ng Prescribed Glasses

Karaniwang myth na ang pagsusuot ng eyeglasses ay nagpapalala sa iyong paningin. Ang pagsusuot ng salamin ay hindi nagpapalala ng paningin. Nakakatulong ito na makakita ka nang mas malinaw at maiwasan ang pagkapagod ng mata. Habang tayo ay tumatanda, ang ating mga mata ay nasisira. Magkakaroon tayo ng mga problema sa paningin, umiwas man tayo sa salamin o hindi. Ang pagsusuot ng salamin ay maaaring makabawas ng stress sa mga mata. Maaari ring maiwasan ang karagdagang pinsala.

Magsanay ng Mabuting Kalinisan sa Mata

Kapag naglalagay ng isang bagay sa mata tulad ng mga contact lens at eyelash extension, siguraduhing hugasan ang iyong mga kamay at iwasang hawakan nang direkta ang mga mata. Sa pagtatapos ng araw, siguraduhing tanggalin ang anumang bagay na nasa iyong mata kabilang ang pampaganda. Ang maruruming kamay, kontaminadong contact lens, at makeup ay maaaring humantong sa paglaki ng bakterya at fungi sa mata.

Upang mapanatili ang magandang paningin, mabuting isaisip ang mga alituntunin sa eye safety. Tinutulungan tayo ng ating mga mata na mag-navigate sa mundong ito. Gawin natin ang lahat para mapanatiling malusog ang mga ito.

Key Takeaways

Hindi maikakaila na ang ating mga mata ang isa sa pinakamahalagang sense organ. Dapat natin silang panatilihing malusog. Mapapanatili nating malusog ang ating mga mata sa pamamagitan ng pagkain ng balanseng diyeta, pananatiling hydrated, pagsusuot ng protective eyewear, pag-iwas sa sobrang ultraviolet light, at pag-iwas sa paninigarilyo. Ang pagpapatingin sa iyong mga mata taun-taon at ang pagkakaroon ng mabuting kalinisan ay maaaring talagang mapababa ang panganib ng mga sakit sa mata.
 

Matuto pa tungkol sa Pangangalaga sa Mata dito

[embed-health-tool-bmi]

Disclaimer

Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.

Eye Care, https://medlineplus.gov/eyecare.html, Accessed January 8, 2021

Top 10 Tips to Save Your Vision, https://www.aao.org/eye-health/tips-prevention/top-10-tips-to-save-your-vision-2, Accessed January 8, 2020

Top Tips to Maintain Eye Health, https://www.sutterhealth.org/health/eye/eye-care-tips, Accessed January 8, 2020

Maintaining Healthy Vision, https://www.seeintl.org/maintaining-healthy-vision/, Accessed January 8, 2020

Tips to Prevent Vision Loss, https://www.cdc.gov/visionhealth/risk/tips.htm, Accessed January 8, 2020

4 Nutrition Tips for Eye Health, https://www.brightfocus.org/macular/article/4-nutrition-tips-eye-health, Accessed January 8, 2020

Kasalukuyang Version

04/13/2023

Isinulat ni Corazon Marpuri

Narebyung medikal ni Victor Paulino, MD, DPBO

In-update ni: Corazon Marpuri


Mga Kaugnay na Post

Safe Ba Ang Decorative Contact Lens?

Kailan Dapat Magpa Eye Checkup? Alamin Dito!


Narebyung medikal ni

Victor Paulino, MD, DPBO

Ophthalmology · Makati Medical Center


Isinulat ni Corazon Marpuri · a

ad iconadvertisement

Nakatulong ba ang artikulong ito?

ad iconadvertisement
ad iconadvertisement