Ang operasyon sa katarata ay isa sa mga pinakaluma at pinakakaraniwang operasyon sa buong mundo. Itinuturing itong pangunahing gamot sa katarata. Sa paglipas ng panahon, ang operasyon sa katarata ay nagkaroon na ng mga pagbabago. Mula sa isang buong araw na inpatient procedure, ito ay naging operasyong nagtatagal na lamang nang halos wala pang isang oras. Dahil dito, ang pasyente ay maaari nang umuwi sa kaparehas na araw ng operasyon.
Sa kabuoan ay ligtas ang operasyon sa katarata. Napakaliit lamang ng negatibong epekto nito sa pasyente. Sa mga modernong pamamaraan, kadalasang kasama ang pagtanggal sa tumigas na lens at pinapalitan ito ng artipisyal na lens na tinatawag na intraocular lenses (IOL).
Gamot Sa Katarata: Mga Uri Ng Operasyon Sa Katarata
Ang pangunahing gamot sa katarata ay surgery. Maraming iba’t ibang uri ng proseso at operasyon sa katarata depende sa teknolohiyang maaaring gamitin, gayundin sa presyo.
Phacoemulsification o Phaco
Sa prosesong ito, isang maliit na gupit o hiwa ang ginagawa sa gilid ng cornea, ang malinaw na layer sa harap ng mata. Sa hiniwang bahaging ito, isang maliit na device ang ipapasok ng doktor. Ang device na ito ay maglalabas ng ultrasound waves na magpapalambot at sisira sa apektadong lens upang ito ay matanggal sa pamamagitan ng suction. Matapos ang prosesong ito, agad itong susundan ng pagpapasok ng IOL sa lens capsule, ang sac na nagpapanatili ng lens sa pwesto nito.
Extracapsular Surgery
Kung ikukumpara sa phaco, isang mas malaking hiwa ang ginagawa sa gilid ng cornea sa proseso ng extracapsular surgery. Ang tumigas na lens ay tatanggalin nang isang buo bago ipasok ang IOL sa lens capsule.
Laser-Assisted Cataract Surgery
Isang device ang ilalagay sa ibabaw ng mata upang makakuha ng impormasyon tungkol sa lens. Ang impomasyon mula sa device na ito ang magsasabi sa laser ng lalim, laki, at tiyak na lokasyon ng hiwa. Maaari ding gumamit ang doktor ng power mula sa laser upang palambutin ang katarata. Susundan ito ng routine phacoemulsification sa pamamagitan ng pagpasok ng isang ultrasound device upang mas mapalambot at masira ang lens bago ang sunction. Ang prosesong ito ay susundan ng pagpapasok ng artificial lens.
Mga Uri Ng IOL
Ang intraocular lens (IOL) ay isang artipisyal na lens na ipinapasok sa lens capsule matapos tanggalin ang tumigas na lens. Ang uri ng IOL na gagamitin ay nakadepende sa kung ano ang maaaring gamitin at sa pangangailangan ng pasyente. Kadalasang sasabihin ng doktor ang mga positibo at negatibong epekto ng bawat uri ng IOL, gayundin ang mga magiging pagbabago sa paraan ng pamumuhay ng pasyente.
Fixed-Focus Monofocal Lenses
Ang uring ito ay nakatutulong sa distance vision. Ang mga pasyenteng may ganitong IOL ay nangangailangan ng salamin upang makita at mabasa ang mga malalapit na bagay.
Accommodating Monofocal Lenses
Maaaring mag-shift ang lenses na ito, mula near hanggang far vision, bilang tugon sa paggalaw mula sa ciliary body. Ang uri ng lens na ito ay mainam para sa far at middle vision. Subalit ang ilang pasyente ay kakailanganin pa rin ang paggamit ng salamin sa pagbabasa.
Toric Lenses
Ang astigmatism ay isang refractive error na sanhi ng iregular na kurba sa cornea. Ang toric lenses ay maaaring ipasok sa mata upang itama ang astigmatism, gayundin upang makatulong sa far vision.
Multifocal Lenses
Ang mga ito ay halos kahalintulad ng progressive o bifocal lenses. May mga tiyak na bahagi para sa distant, intermediate, at near vision ang lenses na ito. Ang hindi mabuti sa paggamit ng ganitong uri ng lens ay ang distortion ng maliwanag na ilaw na nagreresulta sa pagkasilaw at pagkakaroon ng “halo” lalo na sa gabi.
Mga Dapat Asahan Bago Ang Operasyon Sa Katarata
Katulad ng nabanggit kanina, ligtas at mabilis ang operasyon sa katarata. Subalit, upang maging kalmado, narito ang mga dapat asahan sa susunod na konsultasyon sa iyong doktor.
- Magsasagawa ang doktor ng ultrasound upang makakuha ng impormasyon sa iyong mata. Gagamitin ang mga impormasyong ito upang matukoy ang tamang uri ng implant na dapat gamitin.
- Sasabihin ng doktor ang mga pamimiliang implant na maaaring gamitin.
- Sasabihan ka ng doktor na gumamit ng eye drops bago ang operasyon.
- Ang mga medikal na kondisyon tulad ng altapresyon at diabetes ay kinakailangang makontrol.
- Maaari kang sabihan ng doktor na itigil ang pag-inom ng mga tiyak na gamot.
- Sasabihan ka na huwag kumain o uminom ng anomang pagkain o inumin ilang oras bago ang operasyon.
Mga Dapat Asahan Matapos Ang Operasyon Sa Katarata
Matapos ang operasyon, dadalhin ang pasyente sa recovery room upang hintayin na mawala ang anesthesia. Kapag maaari nang umuwi ang pasyente, lalagyan ng benda o malinaw na takip ang ibabaw ng mata upang mapadali ang paggaling at upang maiwasan ang masyadong stress sa mata.
- Maaaring maging malabo ang paningin sa mga susunod sa araw subalit magiging mas malinaw ito habang gumagaling ang mata.
- Magkakaroon ng pangangati at bahagyang hindi komportableng pakiramdam habang gumagaling ang mata.
- Irereseta ng doktor ang paggamit ng eye drops upang maiwasan ang impeksyon at upang mabawasan ang pamamaga. Sa pamamagitan din nito, makokontrol ang eye pressure upang maiwasan ang anomang komplikasyon mula sa operasyon.
- Tila magiging mas malinaw ang mga kulay at magiging mas detalyado ang paningin.
- Makalipas ang ilang araw, linggo, at buwan matapos ang operasyon, muling magpapakonsulta ang pasyente sa doktor para sa monitoring at testing ng paningin.
- Ang ganap na paggaling ng mata ay maaaring tumagal hanggang 8 linggo.
Mga Payo upang Gumaling mula sa Operasyon sa Katarata
Upang masiguro na napapanatili ang magandang paningin matapos ang operasyon, ang mga sumusunod na payo ay dapat sundin.
Habang gumagaling ang mata, iwasan ang pagbubuhat ng mabibigat at paggawa ng mga nakapapagod na gawain. Iwasan din ang:
- Paglangoy sa pool o sa hot tub sa loob ng kahit isang linggo matapos ang operasyon.
- Pagmamaneho dahil maaaring hirap pa ring makakita ang pasyente.
- Paggamit ng make up dahil maaari itong maging sanhi ng impeksyon sa mata.
- Pagkuskos o paggalaw sa mata.
Gumamit ng eye patch tuwing araw at ng protective shield tuwing gabi ilang araw matapos ang operasyon upang maiwasan ang impeksyon.
Kung nakararanas ang pasyente ng pagduduwal, pagsusuka, pananakit ng mata, at hindi makakita, siguraduhing agad na magpakonsulta sa ophthalmologist.
Panghuli, laging sundin ang mga paalala ng doktor.
Key Takeaways
Ang gamot sa katarata o operasyon sa katarata ay kadalasang nagtatagal lamang nang halos wala pang isang oras. Matapos ang operasyon, sa parehas na araw ay maaari nang umuwi ang pasyente.
Bago ang operasyon, dapat na pumili ang pasyente ng implant na lubhang angkop sa kanyang pangangailangan at sa kanyang paraan ng pamumuhay. Ang taong sumailalim sa operasyon sa katarata ay maaaring unti-unting bumalik sa kanyang normal na araw-araw na gawain. Mahalagang tandaang iwasan ang ilang tiyak na gawain at lubhang mag-ingat upang protektahan ang mga mata.
Matuto pa tungkol sa Cataracts dito.