Karaniwang problema sa paningin ang katarata dahil sa paninigas ng lens. Ang lens ay ang bahagi ng mata na tumutulong sa pag-focus ng liwanag sa retina. Ang retina ay ang layer ng mata na nagpapadala ng mga signal sa utak para sa paningin. Pero ano ang unang senyales ng katarata?
Ano ang Unang Senyales ng Katarata?
Ang mga sintomas ng katarata ay kadalasang karaniwan sa lahat ng uri ng katarata, ngunit maaaring mag-iba depende sa kung gaano kalubha at kalala ang sakit.
Maaaring mapagkamalang ibang sakit sa mata ang katarata, lalo na sa mga unang stage nito. Ang katarata ay progressive at lulubha sa paglipas ng panahon kaya naman napakahalaga ng regular na pagsusuri sa mata.
Ang pinakahalatang sintomas ng katarata ay sclerosis o paninigas ng lens.
Sa malusog na mata, ang lens ay malinaw at transparent. Ang mga taong may katarata ay may posibilidad na magkaroon ng puti o madilaw na mga batik sa gitna o sa mga gilid ng lens. Madaling matukoy ito ng doktor sa panahon ng pagsusuri sa mata.
Ang tumigas na lens ay kapansin-pansin sa malapitang pagtingin sa mga mata. Ang pupil, na siyang itim na bahagi sa gitna ng mata, ay parang natatakpan ng puti o greyish na film.
Mga unang senyales ng katarata
Narito ang ilan sa mga pinakakaraniwang sintomas ng katarata na dapat mong mapansin.
Pagkasensitibo sa liwanag
Ano ang unang senyales ng katarata? Malamang na light sensitivity ito. Ang mga taong may katarata ay may posibilidad na makadama ng discomfort kapag tumitingin sa mga headlight, ilaw sa kalye, lamp, o anumang malakas na pinagmumulan ng liwanag.
Malabong paningin
Kapag ang lens ay tumigas, ang liwanag ay nahaharangan at kumakalat habang dumadaan sa lens. Nagiging malabo ang paningin dahil ang liwanag ay hindi nakatutok sa retina. Ang isang taong may katarata ay malabo ang paningin sa lahat ng distansya, maaaring ito ay malapit o malayo.
Mapapansin ng taong may katarata na hindi sila makakita ng maliwanag na images. Mahihirapan din silang makakita ng magagandang detalye.
Nahihirapan sa pagbabasa
Ang isa sa mga unang senyales ng katarata ay maaaring nahihirapan sa pagbabasa. Kayang basahin ng isang average na tao ang size 11 na text sa 35cm. Ito ang karaniwang komportableng distansya sa pagbabasa ng aklat. Karaniwan, maaaring makita ng isang tao ang size na 32 text sa 1.5-metro na distansya, na kasing laki ng mga text sa posters.
Ang taong may katarata ay maaaring mahirapang magbasa anuman ang distansya. Kahit na magbasa sila ng text malapit sa kanilang mukha, maaaring hindi ito makatulong sa kanila sa pagbabasa. Karaniwang bubuti lamang ang paningin kapag isinasara ng bahagya ang mata. Nakakatulong ang bahagyang pagkunot o pagsara ng mata sa pagtutok ng liwanag sa retina.
Fading colors
Ang isang taong may katarata ay mahihirapang kilalanin ang mga kulay na nakikita. Isa rin ito sa mga unang senyales. Kapag ang lens ay tumigas, ito ay nagiging brownish o yellowish. Ang discoloration sa lens ay nagiging yellowish at brownish sa paningin. Para bang nakasuot ka ng dilaw o brown-tinted na salamin. Sa paglipas ng panahon, mas hindi makilala ang mga asul at lila.
Hirap makakita sa gabi
Ang isa pa sa mga unang senyales ng katarata ay hirap makakita sa gabi. Dahil ang liwanag ay hindi epektibong dumaan sa mata, nagiging mahirap makakita sa mga lugar na limitado ang liwanag.
Kahit na wala o may kaunting liwanag, ang isang taong may malusog na mata ay nakakakita pa rin ng mga hugis at silhouette kapag nakapag-adjust na sila sa dilim. Ang mga taong may katarata ay kadalasang nahihirapang makakita sa dilim at mag-adjust sa dilim.
Kailangan ng mas maliwanag na ilaw
Hinahadlangan ng mga katarata ang liwanag na makapasok sa mga mata. Malamang na kailangan ng taong may katarata ang higit na liwanag kapag sila ay may ginagawa tulad ng pagtatrabaho sa kanilang mesa, pagbabasa, o mga pang-araw-araw na gawain tulad ng pagluluto at paglilinis.
Madalas na pagbabago sa lens prescription
Kung ang isang tao ay masyadong madalas na nagpapalit ng kanyang lens prescription, marahil higit sa isang beses sa isang taon, maaaring isang senyales ito na sila ay nagkakaroon ng mga katarata.
Pwedeng magkaroon ng myopia o nearsightedness ang isang taong may katarata. Kung sa umpisa pa lang ay nearsighted na ang isang tao, ang kaniyang prescriptions ay maaaring tumaas. Sa ilang pagkakataon, ang mga pasyenteng may katarata ay maaari ding magkaroon ng hyperopia o farsightedness.