Kung gusto mong malaman ang mga pagkain na bawal sa mga taong may problema sa prostate, maaring nahaharap ka sa anumang isyu tungkol sa prostate. Maaaring ito ay prostatitis, benign prostatic hyperplasia (BPH), o prostate cancer. Posible rin na gusto mo lamang makasiguro na malayo ka sa panganib ng mga sakit na ito.
Ang benign prostatic hyperplasia (BPH), o enlarged prostate gland, ay ang pinakakaraniwang urological disease na nakakaapekto sa halos 50% ng mga lalaking may edad na higit sa 50 anyos.
Bagamat ang malusog na pamumuhay ang pinakamahusay na plano upang maiwasan ang mga problema sa prostate, maraming mga natural na paraan upang magawa ito kahit na mayroon na siyang mga sintomas ng problema.
Pagbabago ng pamumuhay: mga pagkain na bawal sa may problema sa prostate
Maraming mga kadahilanan ang maaaring makaapekto sa prostate tulad ng sumusunod:
- Pagbabago sa pamumuhay
- Regular na pag-eehersisyo
- Pagi-was sa mga pagkain na bawal sa prostate
Ang mabubuting gawi ay maaaring makatulong na maiwasan at mapababa ang mga kadahilanan ng panganib para sa sakit sa prostate. Kung ikaw ay nakakaranas na ng mga problema sa prostate, ang mga natural na pagbabagong ito ay makakatulong upang maiwasan ang paglala ng mga kondisyong ito. Makatulong rin ito sa pagpawi ng mga sintomas at sa tuluyang pagpapagaling sa iyo.
Ano ang mga pagkain na bawal sa may problema sa prostate
Red meat
Ayon sa pananaliksik, maaaring makatulong sa pagpapanatili ng kalusugan ng prostate ang hindi pagkain ng red meat. Sa katunayan, pinaniniwalaan na triple ang panganib na dulot ng pang-araw-araw na pagkonsumo ng karne sa paglaki ng prostate. Iniugnay ng pananaliksik ang mataas na pagkonsumo ng red meat at na-prosesong karne sa pagtaas ng panganib ng kanser sa prostate at sa prostate cancer mortality.
Sa kabila nito, hindi malinaw ang papel ng kabuuang protina sa diyeta at ang kaugnayan nito sa BPH. Natuklasan ng ilang pag-aaral ang mas mataas na panganib na dulot ng BPH sa mga lalaking kumain ng mas maraming red meat. Ngunit natagpuan ng iba pang mga pag-aaral na nabawasan ng panganib ng BPH ang mga lalaki na may mataas na kabuuang paggamit ng protina, lalo na ang paggamit ng protina mula sa leaner protein sources tulad ng isda.
Asin
Kabilang sa mga pagkain na bawal sa may problema sa prostate ang sobrang dami ng asin. Ang sobrang paggamit nito ay maaaring magpataas ng mga sintomas ng urinary tract na nauugnay sa BPH. Ang pagsunod sa diet na mababa ang sodium ay posible sa pamamagitan ng:
- Hindi pagdaragdag ng asin sa mga pagkain
- Pag-iwas sa mga naprosesong pagkain
Alak
Maaaring ma-stimulate ng alcohol ang produksyon ng ihi. Kung kaya ito ay inumin na bawal ng mga taong may problema sa prostate. Kung ikaw ay mayroong problema sa prostate tulad ng BPH, huwag lamang tingnan ang pagkain na bawal kung hindi pati ang inumin din. Napatunayan na ang pagtigil sa pag-inom ng alak o inuming may alcohol ay nagpapabuti ng mga sintomas ng sakit na ito.
Ang pagkonsumo ng maraming alak ay maaaring magpataas ng panganib na magkaroon ka ng kanser sa prostate. Natuklasan ng mga mananaliksik, gamit ang datos mula sa higit sa 10,000 lalaki na lumahok sa Prostate Cancer Prevention Trial, ang panganib na dulot ng alak sa may problema sa prostate.
Ayon dito, ang mga malakas uminom ng alak ay dalawang beses na mas malamang na ma-diagnose na may advanced na prostate cancer kaysa sa mga katamtamang uminom. Malakas kang uminom kung higit sa tatlong inumin sa isang araw o higit sa 20 inumin sa isang linggo ang nakokonsumo mo.
Para sa mga lalaki, ang rekomendasyon ay ang hindi pag-inom ng higit sa tatlong inumin bawat araw, o higit sa 20 na inumin sa bawat linggo. Ang isang inumin ay katumbas ng:
- 12 ounces ng regular na beer
- 5 ounces ng wine
- 1.5 ounces ng matapang na alak
Bakit dapat iwasan ang pagkain na bawal sa mga taong may problema sa prostate?
Mahalaga makipag-ugnayan sa iyong doktor tungkol sa mga sintomas ng sakit sa prostate. Kung ang mga iminungkahing pagbabago sa pamumuhay ay hindi epektibo sa pagbabawas ng mga sintomas, maaaring kailanganin ang mas agresibong paggamot.
Ang paggamot sa BPH ay maaaring magawa sa maraming paraan tulad ng:
- Pagbabago sa pamumuhay
- Pag-iwas sa pagkain na bawal sa prostate
- Pag-inom ng gamot
- Operasyon
Ipagpatuloy ang mga malusog na gawi tulad ng regular na ehersisyo at pagmamasid sa iyong baywang. Ugaliing kumain ng mga gulay at prutas, at bantayan ang taba sa pagkain upang makaiwas sa BPH. Maaari din nitong mapababa ang panganib ng erectile dysfunction, diabetes at sakit sa puso.