Ano ang gynecomastia? Ito ang tinatawag na “man boobs” na naglalarawan kung ano ang gynecomastia. Ito ay isang karaniwang kondisyon na nagiging sanhi ng paglaki ng dibdib ng mga lalaki. Pinakakaraniwan ito sa mga lalaking nakakaranas ng puberty at sa mga nakatatanda. Sanhi ito ng kawalan ng balanse ng mga hormones na estrogen at testosterone. Maaaring makaapekto ang gynecomastia sa isa o parehong suso, kaya kung minsan ay hindi pantay. Sa pangkalahatan, ang gynecomastia ay hindi isang seryosong problema. Subalit maaaring maging mahirap sa mga lalaki na na nakakaranas ng pananakit sa mga suso. Para sa iba naman, ito ay maaaring magdulot ng kahihiyan.
Ano ang gynecomastia at sino ang apektado nito
Hanggang sa 70 porsiyento ng mga lalaki na nasa puberty ay nakakaranas ng gynecomastia. Karaniwan din ito sa mga matatandang lalaki na halos 65 porsyento ang apektado. Ang gynecomastia ay maaaring makaapekto sa mga bagong silang na sanggol na lalaki. Ito ay dahil sa estrogen na dumadaan sa inunan mula sa ina hanggang sa sanggol. Ngunit ito ay pansamantala at mawawala ilang linggo pagkatapos ipanganak ang sanggol.
Sa panahon ng pagbibinata, ang mga antas ng hormone ng mga lalaki ay nag-iiba. Kapag bumaba ang antas ng testosterone, ang estrogen ay maaaring maging sanhi ng paglaki ng tisyu ng dibdib. Maraming mga lalaking teenager ang nakakaranas ng paglaki ng dibdib. Ngunit kadalasang lumiliit ito habang tumatanda, kung saan ang mga antas ng hormones nila ay nagbabago rin.
Iba pang sanhi: Ano ang gynecomastia
Gamot, herbal supplements
Ang mga herbal supplement na may tea tree oil at lavender oil ay maaari ring maging sanhi ng gynecomastia. May mga gamot at sangkap na maaari din maging sanhi nito tulad ng sumusunod:
- Alkohol
- Marijuana
- Amphetamine
- Heroin
- Anabolic steroids
Pseudogynecomastia
Ang pseudogynecomastia o false gynecomastia ay walang kinalaman sa puberty o hormones. Nangyayari ito kapag ang ilang mga lalaki ay may dagdag na taba sa bahagi ng dibdib na tila sila ay may mga suso. Maaaring malaman sa isang pagsusuri kung ang isang lalaki ay may gynecomastia o pseudogynecomastia.
Prostate cancer
Ang mga lalaking may kanser sa prostate na sumasailalim sa antiandrogen therapy ay nasa panganib na magkaroon ng gynecomastia. Ang pre-treatment na may radiation o pag-inom ng gamot na Tamoxifen kasama ng anti-androgen ay dalawang opsyon para maiwasan ang paglaki ng suso.
Diagnosis kung ano ang gynecomastia
Ang gynecomastia ay hindi karaniwang nagdudulot ng anumang mga sintomas maliban sa lambot sa paligid ng dibdib. Gayunpaman, maaari itong maging sanhi ng pagkabalisa sa isip. Bukod dito, kung nakakaranas ka ng nipple discharge, may pamamaga, o may matinding pananakit, dapat na bisitahin ang iyong doktor.
Kasama sa pagsusuri ang pag-alam ng medical history at mga nainom na gamot. Upang ibukod ang iba pang mga sakit o kondisyon, maaari ka ring dumaan sa mga sumusunod na pagsusuri:
- Mga pagsusuri sa dugo
- Pagsusuri sa paggana ng atay at pag-aaral ng hormones
- Mga pagsusuri sa ihi
- Mammogram
Paggamot: Ano ang gynecomastia
Karamihan sa mga kaso ng gynecomastia ay nangyayari sa panahon ng puberty. Karaniwang bumubuti ang kondisyon ng walang paggamot. Maaaring tumagal ito mula anim na buwan hanggang dalawa o tatlong taon. Kung gamot ang dahilan ng paglaki ng iyong dibdib, maigi na bumisita agad sa doctor. Maaaring ibaba ng doktor ang dosage ng gamot o palitan ito upang maiwasan ang paglaki ng iyong suso.
Kapag sakit naman ang nagdudulot ng kondisyon tulad ng hyperthyroidism, kailangan itong gamutin bago malunasan ang gynecomastia. Maaari din gamitin ang testosterone replacement therapy upang gamutin ang gynecomastia. Ito ay magagamit sa iba’t-ibang anyo tulad ng injection, skin gels o patches. Sa mga bihirang kaso, maaaring gamitin ang operasyon upang alisin ang sobrang tissue.