Maaaring magdulot ng pag-aalala, iritasyon, at kahihiyan ang makating ari ng lalaki. Hindi rin komportable sa pakiramdam ang tuyo at makating balat ng ari ng lalaki. Kapag malala na ang pangangati, maaari itong makaapekto sa normal na gawain ng tao.
Ang makating ari ng lalaki ay puwede ring may kasamang genitourinary symptoms tulad ng:
- Mahapding pakiramdam sa ari ng lalaki
- Discharge sa ari– o may lumalabas na likido/ fluid na hindi normal nakikita sa araw araw
- Pananakit at hirap sa pag-ihi
- Pamumula, at medyo mainit na sugat sa katawan ng ari
- Masakit kapag nakikipagtalik
Iba pang mga sintomas ay ang:
- Mga senyales ng pagkapagod na parang sa trangkaso, lagnat, sore throat, pananakit ng ulo, ubo, pananakit ng katawan
- Pangangati ng iba pang bahagi ng katawan
- Pagduduwal na mayroon o walang pagsusuka
Ang makating ari ng lalaki ay hindi emerhensya. Ngunit maaari itong indikasyon ng nakahahawang sakit. Kumonsulta sa doktor kung ang pangangati ng ari ay nagpatuloy kasabay ng:
- Pagkaroon ng discharge sa ari o nana
- Lagnat na lagpas 37.8C
- Pantal, pamamaga, sugat o ulser
Ano ang mga Sanhi ng Makating Ari ng Lalaki?
Iba-iba ang sanhi ng pangangati ng ari ng lalaki, ngunit maaari itong maikategorya sa inflammatory, neoplastic, at infectious.
Inflammatory
Lichen sclerosis
Ang Lichen sclerosis ay isang kondisyon na makikita bilang matigas na puting plaques sa ulo ng ari na minsan ay may urethral meatus sa mga pasyenteng nasa edad 30-50. Nagbibigay ito ng “mosaic” na hitsura, habang ang mga sugat ay nagpapalitan sa tisyu. Bukod sa pangangati, lumilitaw din ito sa pamamagitan ng masakit na pag-ihi na may pagdurugo kapag nakikipagtalik.
Contact dermatitis
Isang pantal ang maaaring mamuo sa iyong ari kapag nadadantay sa mga allergen na matatagpuan sa mga sabon, pabango, at tela. Maaaring mauwi ang contact dermatitis sa tuyo at makating balat ng ari, mapulang pantal sa ari, at maliit na bukol sa ari.
Lichen planus
Ang kondisyon na ito ay lumilitaw sa buhok, mga kuko, at balat, kabilang na ang ari. Maaari itong magdulot ng pangangati at flat na bukol o paltos.
Psoriasis
Nangyayari ang chronic pangmatagalang kondisyon na ito kapag nagdebelop ang selula ng balat nang sobrang bilis. Nagdudulot ito ng mapupulang pantal na makakati at makakaliskis sa katawan ng ariat iba pang bahagi nito. Ang resulta nito ay ang akumulasyon ng mga selula sa balat.
Scabies
Nangyayari ito kapag ang maliliit na mites ay naglungga sa ilalim ng balat. Karaniwan itong matatagpuan sa mga tupi ng balat, maging sa mga lugar sa paligid ng ari ng lalaki. Sa sobrang kati ng scabies, madalas nag-iiwan ito ng maliit na parang mala-hukay na bakas sa ari.
Neoplastic
Bowen’s disease and Erythroplasia of Queyrat
Ang Bowen’s disease ay makikita bilang non-invasive squamous cell cancer (SCCi) at maaaring lumabas saan mang bahagi ng balat kabilang ang penis at scrotum. Isa itong pulang plaka na may kaliskis na karaniwang hindi sinasamahan ng sintomas. Ang Erythroplasia of Queyrat ay tumutukoy sa SCCis ng ulo ng ari at prepuce na makikita bilang makintab at mapulang plaka na kitang-kita ang hangganan.
Ang mga sugat na ito, lalo na kapag may impeksyon, ay maaaring magdulot ng matinding pangangati. Kung hindi magagamot, maaari itong mauwi sa isang ganap na cancer sa ari.
Infectious
Scabies
Kung maaalala ninyo ay ito ay natalakay na sa ilalim ng kategoryang inflammatory, pero ito rin ay pasok sa kategoryang infectious.
Genital herpes
Maaaring manatiling hindi aktibo sa katawan ang sexually transmitted infection (STI) na ito sa loob ng mahabang panahon. Dahil dito, maaaring hindi malaman ng taong may sakit na ito na siya ay nahawahan. Bukod sa pangangati, ang mga lalaki ay maaaring magkaroon ng maliliit na pangkat ng paltos sa katawan na may lamang likido.
Genital warts
Ang maliliit na umbok na ito ay dulot ng human papillomavirus (HPV). Ang hugis cauliflower na kulugo ay kakulay ng laman. Maaari itong mangati o dumugo habang nakikipagtalik.
Candidiasis (male thrush)
Kilala rin ang kondisyong ito bilang yeast infection sa lalaki. Bukod sa makating ari ng lalaki, nagdudulot din ng mahapding pakiramdam, pamumula, pantal, at discharge na tulad ng keso sa ilalim ng foreskin ang candidiasis.
[embed-health-tool-bmi]
Paano Iwasan ang Tuyo at Makating Ari ng Lalaki?
Pinakamainam na kumonsulta sa doktor, ngunit ang mga sumusunod ay makatutulong upang maiwasan ang pagkakaroon at panghahawa nito:
- Hugasan nang mabuti ang ari, kabilang ang bahagi sa ilalim ng foreskin para sa hindi pa tuling lalaki
- Panatilihing tuyo ang ari. Ang mamasa-masang ari ay maaaring pamugaran ng impeksyon. Makatutulong ang paglalagay ng pulbong cornstarch kapag tag-init.
- Piliin ang maluwag, at gawa sa natural-fiber na damit-panloob at damit. Palitan ang iyong damit-panloob kada 24 oras.
- Panatilihing tuyo at malinis ang paligid ng ari. Gumamit ng hindi matapang na sabon at maghugas nang mabuti.
- Gumamit ng hindi matapang at walang pabangong sabon na panlaba kapag naglalaba ng damit-panloob.
- Tuyuin ang katawan nang mabuti matapos maligo at lumangoy. Iwasang magsuot ng basang damit sa loob ng mahabang panahon.
- Itigil ang walang proteksyong pakikipagtalik, lalo na kung naghihinala kang may impeksyon ang iyong katalik.
Tamang Paraan ng Paglilinis ng Ari
Hugasan ang paligid ng ari gamit ang maligamgam na tubig, at hindi matapang na sabon. Huwag gumamit ng matapang na sabon o kuskusin nang sobra. Maaari itong makairita sa sensitibong balat.
Kapag maliligo, dapat mong:
- Hugasan ang paligid ng ari at balat na nakapalibot sa ibaba ng ari. Gawin din ito sa pagitan ng mga hita kung saan puwedeng manatili ang pawis.
- Hugasan ang katawan ng ari
- Dahan-dahang hatakin ang foreskin paatras at hugasan ito upang maiwasan ang pamumuo ng smegma, na nagdudulot ng balanitis.
- Hugasan ang eskrotum at ang paligid nito
- Hugasan ang perineyum, ang balat sa pagitan ng scrotum at anus
Kapag maliligo rin ang pinakamainam na oras upang tingnan kung mayroong abnormal na diskarga, mga pantal, paltos, kulugo, at iba pang sintomas ng STIs.
Gamot sa Makating Ari ng Lalaki
Maaaring gumamit ng mga karaniwang remedya para sa balat ng makating ari ng lalaki. Gayunpaman, palaging kumonsulta sa doktor kung may tanong ka tungkol sa iyong ari.
Cold compress
Nakagiginhawa ang cold compress sa pangangating dulot ng scabies, contact dermatitis, at folliculitis. Maglagay ng basa at malamig na tela o ice pack na nakabalot sa tuwalya sa iyong ari ng lima hanggang sampung minuto. Nakababawas din ng pamamaga dulot ng balanitis o urethritis ang malamig na epekto nito.
Colloidal oatmeal
Nakakaiwas sa pamamaga ang oatmeal. Nababawasan din nito ang pangangati ng balat ng ari. Gumawa ng panligo gamit ang maligamgam na tubig at iwisik ito nang may kasamang dinikdik na oatmeal.
Apple cider vinegar
Epektibo ito sa makating ari ng lalaki dahil sa psoriasis. Gumawa ng solusyon na may apple cider vinegar at tubig. Ilagay ang solution na ito sa iyong ari. Hugasan kapag natuyo na ang solusyon. Huwag maglagay ng suka kung may crack o biyak sa iyong balat. Maaari kasing masunog ang iyong balat.
Dead sea salt o Epsom salt
Tanggalin ang pangangati ng penis dulot ng psoriasis sa pamamagitan ng paglalagay ng dead sea salt o epsom salt sa maligamgam na pampaligong tubig. Ibabad sa loob ng 15 minuto.
Baking soda
Maglagay ng isang tasang baking soda sa maligamgam na tubig. Ibabad. Maaari mo ring paghaluin ang baking soda at tubig upang makagawa ng pasta. Ipahid sa ari, saka hugasan paglipas ng ilang minuto.
Maaari ding mangailangan ng gamot o nireseta ng doktor na pamahid.
Kabilang sa gamot na puwedeng ireseta ng doktor ang:
- Antibiotic
- Steroid creams at hydrocortisone
- Gamot na kontra fungus
- Antihistamines
Kailan dapat magpunta sa doktor? Ilan sa mga sanhi ng makating ari ng lalaki, tulad ng ingrown hair at contact dermatitis ay nawawala nang kusa kahit hindi gamutin.
Ngunit kailangan mong magpunta sa doktor kapag nagpatuloy ang pangangati, o kung makakita ka ng diskarga, paltos, pantal, o kung sumasakit ito. Susuriin ng doktor ang iyong balat, kukuha ng sample sa iyong ari, at ipapadala ang sample na ito sa laboratoryo upang tingnan kung may biryal, bacteryal o fungal na impeksyon. Saka makapagreresta ang doktor ng pinakamainam na treatment para sa pangangati ng balat ng ari.
Naaapektuhan ng kondisyon ng iyong ariang iyong pangkalahatang kalusugan. Maaaring senyales ng mas seryosong medikal na kondisyon ang makating ari ng lalaki.
Matuto pa tungkol sa Kalusugan ng Penis dito.
Hello Health Group does not provide medical advice, diagnosis or treatment.