Bagaman isang sperm lang ang kailangan upang ma-fertilize ang egg, ang tsansa ng pagiging buntis ay mas mataas kung mas maraming sperm ang mayroon. Sa average, ang isang lalaki ay nakapaglalabas ng sperm ng nasa 100 milyon habang nasa ejaculation. Ang mga sperm na ito ay nagpupunta sa pwerta ng babae at tutuloy patungo ng fallopian tube, at maraming sperm ay mamamatay sa proseso ng pag lalakbay na ito.
Ang mababang sperm count ay kilala rin sa tawag na oligospermia. Ito ay nangyayari kung ang semilya ay naglalaman ng kakaunting sperm kaysa sa normal. Base sa gabay mula sa World Health Organization, ang mababang sperm count ay kung ang bilang ay mas mababa sa 15 milyon kada milliliter (mL). Bilang resulta, napatataas nito ang banta ng pagkabaog sa mga lalaki.
Bagaman maaari pa ring makabuntis, ang pagkakaroon ng mababang sperm ay maaaring gawin itong mas mahirap. Ang hindi magandang pagpili sa lifestyle at pag kakaroon ng tiyak na medikal na kondisyon ay maaaring makaapekto sa sperm count at kalidad ng sperm.
Gaano kakaraniwan ang mababang sperm count?
Karamihan sa mga baog na lalaki ay may kaugnay na problema sa sperm, kabilang ang mababang sperm count. Gayunpaman, ito ay napaka karaniwan. Ayon sa isang artikulo, 50% ng mga lalaki na nakararanas ng pagkabaog ay napag-alaman na ang pinakasanhi ay mababang sperm count.
Sa Pilipinas, 25% ng mga kaso ng baog ay may kaugnayan sa pinsala sa katawan, mababang sperm count, kalidad, at problema sa genes.
Ano ang mga sintomas ng mababang sperm count?
Ang pagkabaog ang pinaka sintomas ng oligospermia o low sperm count. Gayunpaman, mayroong mga tiyak na kondisyon na maaaring mag resulta sa pisikal na pagbabago. Ang pinaka karaniwang sintomas na kaakibat ng mababang sperm count ay:
Varicoceles
Ang varicoceles ay malaking veins sa scrotum. Nakaapekto ito sa maayos na daloy ng dugo na nagiging dahilan sa pagtigil sa sperm na lumaki at mag-develop.
Erectile dysfunction
Ito ay isang kondisyon kung saan ang isang tao ay hindi kayang panatilihin ang erection para sa pagtatalik. Hindi maayos ang daloy ng dugo sa bahagi ng ari kaya’t hindi marating ang penile arteries.
Testicular pain at pamamaga
Ang sakit at pamamaga sa paligid ng testicles ay karaniwang sintomas na kaaakibat ng mababang sperm count.
Obstruction
Ang problema sa istraktura ng ari ay maaaring humarang sa sperm habang nasa proseso ng ejaculation. Halimbawa, ang daanan ng sperm ay maaaring mapinsala dahil sa pinsala sa katawan, paulit-ulit na impeksyon, o depekto sa bahagi mula pa nang pagkabata.
Hindi Karaniwang Sintomas ng Mababang Sperm Count
Ang mababang sperm count ay maaaring magkaroon ng mga kaakibat na sintomas na mas hindi karaniwan. Kabilang dito ang:
Kaunting buhok sa mukha at katawan
Karaniwang indikasyon ito ng hormonal imbalance. Ang mga hormones mula sa pituitary gland ay responsable para sa produksyon ng sperm sa testicles. Maaari din itong sanhi ng problema sa genetics.
Hirap sa pagsasagawa ng sekswal na gawain
Ang pagkakaroon ng mababang sex drive ay maaaring magpahirap ng climax. Karagdagan, maaari din itong humantong sa retrograde ejaculation. Ito ay nangyayari kung ang semilya ay bumabalik sa loob ng katawan. Ang mga muscle sa paligid ng pantog ay hindi nagsasara habang nag o-orgasm.
Sperm antibodies
Sa mga madalang na kaso, ang katawan ay naglalabas ng antibodies na lumalaban sa sariling sperm. Ang mga antibodies na ito ay nakaaapekto sa gawain at buhay ng sperm. Kadalasan nag re-resulta ang antibodies na ito tuwing may impeksyon o operasyon.
Kailan ako magpapatingin sa doktor?
Komunsulta sa doktor kung pagkatapos ng isang taon ng regular at walang proteksyon na pagtatalik ay hindi pa rin nakabubuntis. Magtakda ng appointment kung nakaranas din ng mga sumusunod:
- Sakit, hindi komportable, pamamaga, o bukol sa paligid ng ari.
- Nahihirapan na mag-ejaculate o hirap sa erection
- May history ng testicle, prostate problems at iba pang sekswal na isyu, kabilang na ang sexually transmitted infections.
- Kamakailan lamang na surgical treatment sa singit, ari, o scrotum
Ano ang nagpapataas ng aking banta sa pagkakaroon ng mababang sperm count?
Maraming mga banta sa pagbaba ng sperm count. Maaari itong mauri sa tatlong pangunahing bahagi: medical, environmental, at lifestyle.
Medical
Maaaring mapataas ang iyong banta sa mababang sperm count dahil sa tiyak na isyu sa kalusugan at ilang medikal na lunas. Kabilang dito ang mga sumusunod:
- Genetic defects. Ang gene mutations o chromosomal na kondisyon ay nakaaapekto sa sperm production. Maaari ding makaapekto ang mga namamanang disorder tulad ng Klinefelter’s syndrome, cystic fibrosis, at Down’s syndrome sa male reproductive organs.
- Varicoceles. Ito ay sa kadahilanang nahaharangan ang daloy ng dugo na nagiging sanhi ay ugat na mamaga.
- Impeksyon. Maaaring makaapekto ang impeksyon sa kalusugan ng sperm at mapinsala ang reproductive system. Ang sexually transmitted infection tulad ng gonorrhea o HIV ay maaaring makaapekto sa testicular functionality. Ang ibang impeksyon na maaaring makaapekto sa paggawa ng semilya ay kabilang ang pamamaga sa epididymis (epididymitis), bayag (orchitis), maging ang malalang beke.
- Cancer treatments. Ang radiation, chemotherapy, at operasyon ay ginagamit upang lunasan ang tumor. Gayunpaman, maaari nitong mapinsala ng hindi sadya ang cells na kasali sa proseso ng paggawa ng sperm.
- Mga nakaraang operasyon. Ang mga tiyak na operasyon ay maaaring mag-stimulate ng mababang sperm count. Maaaring kabilang ang mga hernia repairs, scrotal o testicular surgeries, abdominal surgeries para sa rectal cancers, lunas sa undescended testicles, at vasectomies.
Environmental
Ang labis na exposure sa ilang mga bagay ay nagpapataas ng tsansa ng pagkakaroon ng mababang sperm count, kabilang dito ang:
- Init. Ang mainit na temperatura sa iyong ari ay nakapagpapababa ng sperm count. Iwasan ang pananatili sa hot tubs at saunas sa mahabang panahon. Karagdagan, iwasan ang pagsusuot ng masikip na damit at pumili ng mga maaaliwalas na damit.
- Industrial chemicals. Kabilang dito ang mga kontaminasyon mula sa pesticides, organic solvents, at ibang nakasasamang kemikal na makikita sa pintura at panlaba.
- Radiation. Ang mahabang exposure sa mataas na lebel ng radiation ay nakapipinsala sa reproductive organs.
Mga banta na kaugnay ng mababang sperm count ay kabilang ang:
- Obesity. Ang pagkakaroon ng labis na timbang ay magiging sanhi ng hormonal imbalances na nakaaapekto sa abilidad makabuntis, mabuntis at manganak.
- Vices. Ang paggamit ng droga, alak, at sigarilyo ay maaaring maging sanhi ng pagkakaliit ng testicles, na nakababawas ng bilang at kalidad ng iyong sperm.
- Emosyonal na kalusugan. Ang malalang emosyonal na stress o depresyon ay maaaring makaapekto sa hormones na responsable para sa produksyon ng sperm.
- Health supplements. Ang regular na pag-inom ng ilang bitamina, boosters, at iba pang workout supplements ay maaaring magpabawas ng sperm count. Ito ay sa kadahilanang maaring naglalaman siya ng kemikal na nagpapaliit ng testicles.
Paano nasusuri ang mababang sperm count?
Mahirap na masuri ang mababang sperm count lalo na kung ang sintomas nito ay hindi karaniwang nagpapakita. Ito ay kung ikaw ay nakikipagtalik na walang proteksyon at saka mo lang mapapansin mo ang pagkakaiba o problema.
Ang pagkakaroon ng mababang sperm count ay nagpapababa ng fertility. Kinakailangan nito ng pagsusuri ng sperm. Karaniwang kabilang sa pagsusuri ang medical history, pag-eksamen ng katawan at ng semilya.
- Medical history. Ang iyong medical history ay nakatutulong na matukoy ang mga salik sa pagkakaroon ng mababang sperm count. Kabilang dito ang lahat mula sa iyong kalusugan hanggang surgical histories. Magtatanong ang iyong doktor tungkol sa namamanang depekto, kasalukuyang problema sa kalusugan, at operasyon. Karagdagan, kailangan mo rin na sabihin ang iyong gawi sa pakikipagtalik, kabilang ang dalas at problemang nararanasan.
- Physical exam. Ang examination ng ari ay maaaring magpakita ng ilang nakikitang sintomas, tulad ng bukol at pamamaga. Maaari ding mabilis na makita ang varicoceles sa pamamagitan ng pisikal na eksaminasyon.
- Semen analysis. Ang sample ng iyong semilya ay susuriin sa ilalim ng microscope. Ipagagawa sa iyo na mag-ejaculate sa sterile cup. Maliban sa sperm count, ang pagsusuri sa semilya ay magpapakita ng iyong sperm concentration, volume, at motility. Ito ay nakatutulong na matukoy kung ikaw ay maaaring makabuntis.
Karagdagang eksaminasyon
Depende sa makikita na resulta ng doktor, maaari kang payuhan na magsagawa ng dagdag pang mga pagsusuri. Ang ilan dito ay:
- Hormonal testing. Isinasagawa ang test sa dugo upang matingnan kung mayroong hormonal imbalances, na nakaaapekto sa pagdami at pagkakagawa ng sperm.
- Testicular biopsy. Kabilang dito ang paggamit ng karayom sa loob ng testicles upang mangolekta ng sample ng tissue. Ang sample ay dinadala sa lab upang matukoy kung ikaw ay may normal na produksyon ng sperm.
- Testicular ultrasound. Ito ay gumagamit ng mataas na frequency ng sound waves upang i-mapa ang buong reproductive organ. Ang test na ito ay nakatutulong upang malaman kung mayroong napinsala o naharangan na straktura sa mga ugat.
Paano nagagamot ang mababang sperm count?
Ang paggamot sa mababang sperm count ay kadalasang nakadepende sa sanhi nito. Kabilang dito ang:
- Operasyon. Ang varicoceles, organ damage, at harang sa vas deferens (muscular tube mula sa dinadaanan ng sperm habang may ejaculation) ay maaaring maayos sa pamamagitan ng operasyon. Kung napag-alaman na walang sperm habang nag e-ejaculate, isinasagawa naman ang in vitro fertilization (IVF). Sa ibang mga kaso, ang sperm ay nakukuha direkta mula sa bayag o epididymis sa pamamagitan ng operasyon.
- Gamot. Ang mga impeksyon sa reproductive tract ay maaaring malunasan sa pamamagitan ng antibiotics. Sa kaso ng hormonal imbalances, inirerekomenda ang hormone replacement. Gayunpaman, iwasan ang mga anabolic steroids at over-the-counter testosterone boosters.
- Counselling. Ang isyu sa pagiging baog na sanhi ng mababang sperm count ay maaaring magbigay ng stress. Karagdagan, maaaring magkaroon ng isyu sa sarili, lalo na kung ang pinag-uusapan ay erectile dysfunction at premature ejaculation. Ang mga kondisyon na ito ay maaaring masolusyonan sa pamamagitan ng counselling.
Pagbabago ng lifestyle at gamot sa bahay upang malunasan ang mababang sperm count
Maliban sa gamot at operasyon, isang paraan upang maiwasan ang pagbaba ng sperm count ay ang pagkakaroon ng mas malusog na pamumuhay. Pagbutihin ang kalusugan sa pamamagitan ng pagkain ng balanseng dyeta, regular na ehersisyo, at paglimita sa paginom ng alak, pag iwas sa droga at sigarilyo.
Nagpakita ang pag-aaral na ang pagpapanatili ng maayos at pangkalahatan na pangangatawan ay nagpapataas ng tsansa ng pagbubuntis ninyong mag kapareha. Mayroon ding mga hakbang na maaari mong gawin sa loob ng iyong bahay upang makabuntis:
- Regular na makipagtalik. Dalasan ang pakikipagtalik lalo na bago at pagkatapos ng ovulation ng babae.
- Isakto ang oras ng pakikipagtalik sa ovulation. Mas mataas ang posibilidad ng pagbubuntis habang nasa ovulation. Ito ay nangyayari sa pagitan ng menstrual cycle.
- Iwasan ang paggamit ng lubricants. Ang labis na paggamit ng lubricants ay maaaring makasira ng galaw at function ng sperm.
Kung mayroon pang mga tanong, pakiusap na konsultahin ang iyong doktor upang mas maunawaan nang mainam ang solusyon para sa iyo.
Ang mababang sperm count, bagaman karaniwan, ay humahantong sa pagkabaog. Maaari pa ring makabuntis, ngunit mas mahabang panahon ang kinakailangan at maaaring mahirapan. Ang kondisyon na ito ay resulta ng kasalukuyang medikal na kondisyon, nakaraang operasyon, at hindi maayos na pamumuhay o lifestyle.
Ang mga senyales at sintomas ng mababang sperm count ay hindi karaniwang makikita maliban na lamang kung sinusubukan niyo nang magbuntis ng iyong kapareha. Maaaring maging kaakibat ng mababang sperm count ang pagkakaroon ng sakit at pamamaga sa ari, mababang sex drive, at hirap sa ejaculation.
Ang pagsusuri ng sperm ay matutukoy ang mga salik na nakaaapekto sa iyong fertility rate. Karagdagan, ito ay nakatutulong na matukoy ang posibleng paggamot at malaman ang ibang paraan upang magbuntis.
Ang Hello Health Group ay hindi nagbibigay ng medikal na payo, diagnosis o paggamot.