Para sa maraming lalaki, hindi nila madalas iniisip ang tungkol sa kanilang foreskin. Totoo ito lalo na sa mga lalaki sa Pilipinas na nakapagpatuli na. Ngunit para saan ang foreskin?
Ano ang Foreskin?
Ang foreskin, na kilala rin bilang “prepuce”, ay ang balat na bumabalot sa ulo ng penis ng lalaki. Hindi lang ito nakikita sa mga tao. Lahat ng lalaking mammals ay may foreskin o tinatawag na sheath. Ngayong alam na natin na ang lahat ng lalaking mammals ay may ganitong bahagi ng katawan, nangangahulugang mayroon itong biological function, tama?
Ngunit sa loob ng maraming taon, nagdedebate ang mga doktor kung mayroon nga bang anumang tungkulin ang piraso ng balat na ito na bumabalot sa penis ng lalake.
May ilang naniniwala na ito’y isang vestigial organ. Ibig sabihin, maaaring mayroon itong function o tungkulin sa mga naunang nabuhay na mga mammal, ngunit habang tayo ay nagbabago, nawalan na ito ng gamit. Ito ang binabatayan ng mga sumusuporta sa pagtutuli upang sabihing tamang-tama lang na tanggalin ito.
Sa kabilang banda, may mga naniniwala namang mayroon itong napakahalagang tungkulin. Isa sa mga madalas na pagbatayang dahilan ay pagkapanganak, nakadikit nang lubos ang prepuce sa ulo ng penis. Sa pagtanda ng lalaki, unti-unti itong humihiwalay sa penis. Sinasabi ng mga doktor na sumasalungat sa pagtutuli na pinoprotektahan ng prepuce ang penis laban sa pinsala o injury at pinananatili itong malinis kapag nagdumi ang lalaki. Ibig sabihin, mayroon itong evolutionary function.
Gayunman, nananatili pa ring wala tayong malinaw na ideya sa kung ano ba talaga ang eksaktong tungkulin ng foreskin.
Dapat bang Tanggalin ang Foreskin?
Napakainit na usapin kung dapat nga ba o hindi na magpatuli ng isang tao.
Isa sa mga karaniwang argumento kung bakit dapat na magpatuli ang isang lalaki ay dahil nakatutulong ito upang maging madali ang paglilinis ng penis. Bukod dito, may mga pag-aaral ding nagpapakita na ang pagiging tuli ay nakapagpapababa ng panganib ng urinary tract infection, sexually transmitted infection, at penile cancer.
Ngunit hindi ibig sabihin nito na ang mga hindi pa tuli ay hindi malinis sa katawan o mas malapit sa mga sakit. Kung hindi ka pa tuli, mas mahalaga at kailangan ang paglilinis ng ilalim ng foreskin. Ito ay dahil maaaring magkaroon ng smegma sa ilalim ng foreskin, na puwedeng maging sanhi ng mga kondisyong tulad ng phimosis o balanitis.
STDs
Sa usapin ng STD, ang pagsusuot ng condom tuwing makikipagtalik ay nakapagpapababa ng panganib ng STDs. At dahil nakapagsuot ka na ng condom, hindi na mahalaga kung mayroon ka o walang foreskin dahil mayroon ka nang proteksyon.
Karanasang Seksuwal
Isang karaniwang argumento sa pagpapanatili ng foreskin ay nakadadagdag ito sa pakiramdam habang nakikipagtalik ang foreskin. Ito ang madalas na pagbatayang dahilan ng maraming lalaking hindi nagpapatuli. Mayroon pa ngang mga procedure upang ibalik ang foreskin sa mga nagpatuling lalaki.
Pinsala sa Penis
Isa pang argumento na sumasalungat sa pagpapatuli ay nagsasabing ito ay isang uri ng genital mutilation. Lalo na kapag pinili ng mga magulang na patulian ang bagong silang na mga sanggol. Idinagdag ng mga laban sa pagpapatuli na ito ay nagdudulot ng hindi nararapat na pinsala sa mga bagong panganak. Puwede itong magdulot ng mga komplikasyon kung hindi maisasagawa nang tama.
Key Takeaways
Ngayong may dagdag na tayong kaalaman hinggil sa para saan ang foreskin, ibig bang sabihing dapat itong tanggalin? Para saan ang foreskin? Napakahirap sagutin ng tanong na ito, lalo na dito sa Pilipinas.
Ito ay dahil ikinokonsidera ng maraming mga Pilipino na tanda ng pagkalalaki ang pagpapatuli. Napakahirap ding makahanap ng Pilipino na hindi pa tuli. Sa huli, gayunpaman, nasa tao pa rin ang pagpapasya kung magpapatuli siya. Ang pagpapatuli ay kailangang gawin ayon sa pagpayag ng tao nang may buong kamalayan sa kung paano ito gagawin at kung para saan ito.
Sa gayong paraan, makapagpapasya ang isang tao kung magpapatuli ba o hindi.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng kalalakihan dito.