Ang kaalaman sa kung paano linisin ang ari ng lalaki ay nakatutulong sa pagpapabuti ng kalusugan ng ari. Binabawasan nito ang tsansang mairita ang ari at magkaroon ng impeksyon na maaaring mauwi sa mas seryosong isyung pangkalusugan.
Upang mapanatili ang na malinis ang ari, hugasan ito araw-araw gamit ang maligamgam na tubig. Maaaring rin gumamit ng sabon. Ngunit kung nais mong gumamit ng sabon, inirerekomenda ang sabong walang pabango at hindi matapang ang pormulasyon.
Tagubilin kung paano linisin ang ari ng lalaki
Nakadepende ang paraan kung paano linisin ang ari ng lalaki sa kung tuli ba ito o hindi.
Mas madaling linisin ang ari ng lalaki na tuli na kumpara sa hindi pa natutuli. Ayon sa WHO, 90% ng mga lalaking nasa hustong gulang sa Pilipinas ay tuli na.
Kadalasang isinasagawa ang pagtutuli sa yugto ng pagbibinata. Ngunit maaari din itong gawin ilang sandali pagkapanganak.
Ang pagtutuli ay isang proseso ng pagtatanggal ng foreskin (balat na bumabalot sa ulo ng ari ng lalaki). Ginagawa ito para sa ilang mga dahilan gaya ng kalinisan, pangkalusugang usapin, at maging dahil sa tradisyon ng pamilya at relihiyon.
Sa ilang mga sitwasyon, isinasagawa ang pagtutuli kapag sobrang sikip ng foreskin.
Nagbibigay ng iba’t ibang benepisyo sa kalusugan ang pagtutuli. Kabilang sa mga benepisyong ito ang mas madaling malilinis ang ari ng lalaki, at pinapababa nito ang panganib na magkaroon ng UTI at STDs. Sa ibang kaso, pinabababa nito ang panganib ng pagkakaroon ng cancer sa ari ng lalaki.
Pagdating sa kalinisan ng katawan o hygiene, mas nagiging madali ang paglilinis ng ari ng lalaki kapag walang sobrang balat. Kaya’t posibleng mas maliit ang tsansang maipon ang smegma o kupal dito.
Ngunit ang pagiging hindi tuli ay hindi nangangahulugang mataas ang panganib sa kalusugan ng isang tao. Sa katunayan,bihira lang ito sa mga hindi pa tuli. Marami pa silang puwedeng maiwasan sa pamamagitan ng pag-aalaga nang ayos at kung paano linisin ang ari ng lalaki nang tama.
Paano linisin ang ari ng lalaki na tuli na
- Hugasan ang ari ng lalaki at ang singit-singit nito gamit ang maligamgam na tubig tuwing maliligo araw-araw.
- Hindi kinakailangan ang paggamit ng sabon dahil sapat na ang tubig upang linisin ito.
- Kung gagamit ng sabon, gumamit ng hindi matapang at walang pabango upang maiwasan ang iritasyon.
- Huwag sobrahan sa paghugas. Maaari itong magdulot ng sobrang pagkatuyo at iritasyon.
- Banayad na punasan ang ari matapos hugasan. Iwasan ang madiin na pagpupunas ng ari upang hindi ito magkasugat.
Kapag hindi pa tuli ang ari ng lalaki, hindi pa natatanggal ang foreskin nito. Ito ang nagdudulot ng pagkakaroon ng smegma o kupal. Matatagpuan ang smegma sa singit-singit ng foreskin kung saan naiipon ang kahalumigmigan, langis, at libag. Kapag napabayaan, maaaring mauwi ang smegma sa impeksyon na sanhi ng balanitis. Upang maiwasan ang pagkakaroon ng smegma, narito ang dagdag na tagubilin kung paano linisin ang ari ng lalaki.
Paano linisin ang ari ng lalaki na hindi pa tuli
- Dahan-dahang hatakin paatras ang foreskin upang lumabas ang ulo ng ari ng lalaki
- Hugasan ang ari, ang singit-singit, at ang tupi ng balat gamit ang maligamgam na tubig
- Tiyaking nahugasan ang lahat ng bahagi ng foreskin upang hindi tubuan ng smegma.
- Maaari ka ring gumamit ng hindi matapang at walang pabangong sabon upang higit na linisin ang ari. Ngunit ang sobrang paggamit nito ay maaaring mauwi sa dryness ng foreskin at balat ng gitnang bahagi ng ari.
- Gamit ang malambot na tuwalya, tuyuin ang ulo ng ari ng lalaki at dahan-dahang ibalik ang foreskin sa dati.
- Tandaang iwasan ang puwersahang paghatak pabalik ng foreskin ng ari ng lalaki sapagkat maaari itong maging sanhi ng pagdurugo, pagkakaroon ng pilat, at matinding pagsakit nito.
Karagdagang tagubilin sa paglilinis ng ari ng lalaki:
- Iwasang gumamit ng pulbos sa iyong ari, hangga’t maaari. Kapag may foreskin pa ang iyong ari, maaaring maipon ang pulbos sa ilalim nito, na magdudulot ng iritasyon at pananakit. Ligtas ang paglalagay ng pulbos sa ari ng lalaki na tuli basta’t base sa cornstrach ang pulbos.
- Maghugas ng mga kamay bago at matapos humawak sa ari upang makaiwas sa dumi.
- Palaging magsuot ng malinis na damit-panloob. Kapag hindi maayos na nalabhan ang damit-panloob, maaaring magdulot ng iritasyon sa balat ang natirang sabong panlaba.
- Natatanggal ang lahat ng langis na naipon sa ari ng lalaki ng paghuhugas ng ari gamit ang maligamgam na tubig at sabon na hindi matapang matapos makipagtalik. Ang pag-ihi matapos makipagtalik ay naglilinis sa urethra at nagtatanggal ng nakapipinsalang bakterya na sanhi ng urinary tract infection o UTI.
Key Takeaways
Ang pagtitiyak na malinis ang iyong ari ay hindi lamang para sa iyong kalusugan at kaligtasan. Para din ito sa iyong kasosyong sekswal. Nakabubuti sa pangkalahatang kalusugan ang pagsunod sa mga tagubilin kung paano linisin ang ari ng lalaki. Kung may iba ka pang katanungan hinggil sa reproductive health, huwag magdalawang isip na kumonsulta sa mga ekspertong medikal.
Matuto pa tungkol sa kalusugan ng ari ng lalaki dito.